#FreePride20

0
330

Hindi nakapagtataka kung bakit kumpara noong nakaraang taon, kakaunti lang sila nitong Biyernes, Hunyo 26.

Tinatayang 70,000 katao ang dumalo sa Pride March noong Hunyo 29, 2019 sa Marikina City – isang enggrandeng selebrasyon ng komunidad ng LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer…) na tila walang katulad pa sa kasaysayan ng bansa. Pero ngayong taon, walang naganap na selebrasyon. Kahit na lumuwag na ang mga paghihigpit sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ngayong panahon ng pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), kumakalat pa rin ang sakit. Kauna-unawang hindi pa rin makakapagmartsa ang karamihang gusto sanang magdiwang at magprotesta sa buwan ng Pride.

Gayunman, marami ang dapat na iprotesta ngayon. Laman ito ng mga plakard at bandilang bahaghari na dala nina Rey Salinas, molecular biologist, trans woman at tagapagsalita ng Bahaghari, progresibong grupo ng LGBTQ+ sa bansa, sa pagsisimula ng kanilang martsa galing sa tapat ng Isetann Mall sa Quiapo, Manila. Alas-10:18 ng umaga noon.“Junk Terror Law” ang nakasulat sa bahagharing istrimer sa harap. Makukulay na mga plakard ang hawak ng iba, nananawagan ng ayuda sa panahon ng amyenda, pagtigil sa jeepney phaseout,nananawagan ng libreng mass testing, iginigiit ang paglaban sa diskriminasyon sa LGBTQ+.

“May social distancing kami, naka-mask ang mga tao,” kuwento ni Rey. Pero dahil makulay ito, may bahid pa rin ng pagdiriwang ang martsa. Pagdating ng Don Chino Roces Bridge, dating Mendiola Bridge, sa bukana ng Malakanyang, lalong naghiwa-hiwalay sila, mahigit isang metro ang layo sa isa’t isa. Humigit-kumulang 50 sila: mga kabataang miyembro ng LGBTQ+, mga bading, lesbiyana, trans, at iba pa, at mga tagasuporta. Magpoprograma sila. Maikli lang. Maksimum, 30 minutos.

“Maki-beki, ‘wag ma-shokot!” masayang sigaw nila. Nagsimula na ang programa. Tatawagin na sana para magsalita ang isang tagasuporta nila, si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, nang pumalya ang sound system. Samantala, sa kanang bahagi (kung kaharap ang arko ng Mendiola), unti-unting nagtipon ang mga pulis. Mula sila sa estasyon nila sa bukana ng arko. Tulad ng buong panahon ng lockdown, naka-camouflage ang mga pulis. Parang laging sasabak sa giyera.

Hindi pa man nakakapagsalita si Rep. Cullamat, at habang inaayos ang sound system, may alingasngas na sa bandang kanan, sa tapat ng Jollibee. “Nakiusap tayo na hayaang magkaroon ng maiksing programa na di-tatagal ng 30 minuto,” kuwento ni Andrew Zarate, miyembro ng Bahaghari. “Actually, 10 minuto lang ang hinihingi natin.”

Pero sagot ng mga pulis: Pinagbabawal sa ngayon ang anumang kilos-protesta, ang anumang pagtitipon. “Ang sabi natin, nagfa-follow tayo ng social distancing. Hindi bawal ang protesta. Saglit lang tayo, para gunitain ang napakahalagang araw na ito sa LGBT,” sabi pa ni Andrew.

Basta, bawal magprotesta, sabi ng mga pulis. Hindi ninyo ba alam, bawal iyan sa Bayanihan Act? sigaw nila.

Pride March sa Recto Ave., Manila. Screngrab mula sa FB livestream ng Altermidya

* * *

Pero ang hindi sinasabi – o hindi alam – ng mga pulis, paso na ang Bayanihan to Heal as One Act, isang araw ang lumipas, Hunyo 25.

“Hindi na p’wedeng manghuli ang police dahilan sa prohibition against mass gathering. Iyan ay hindi na p’wedeng gamitin dahil nag-expire na ang batas,” sabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon noong Hunyo 7, sa panayam ng midya. Recess na ang Kongreso, hindi naipasa ang panukalang batas na “Bayanihan 2”. ““Mukhang hindi naman interesado ang Malakanyang dahil hindi nila na-certify (na urgent ang Bayanihan 2). Nasa kanila iyon,” sabi pa ni Drilon noon.

Pero isang araw matapos mapaso, ito pa nga rin ang inihihirit ng mga pulis. Sa Mendiola, ayaw pagbigyan si Andrew ng mga pulis, na nakiusap ng “isang minuto minuto lang”. Tumalikod lang siya saglit — para sabihan ang mga kasamahan na tapusin na ang programa. Samantala, mula sa likod ng hanay ng mga pulis, isang pulis na may apelyidong Escano ang nagbitaw ng shield at mabilis na tumungo sa likod ni Andrew para haltakin siya sa kanyang backpack. Bumagsak silang dalawa, pero nagawang hatakin si Andrew ng pulis palayo, sa direksiyon ng ibang pulis. tinulak siya hanggang makarating sa tapat ng estasyon, sa loob ng arko. Sinabayan siya ni Carla, isa ring miyembro ng Bahaghari. Pati siya, sinama sa aresto.

Hindi na natuloy ang programa. Nagsagawa na ng dalawang linyang barikada ang mga pulis, may mga shield.Itinulak na ang taong nandun para sana magprotesta. Nasa kanto ng Legarda St. na sila, sumisigaw pa ang ilan ng “Maki-beki, ‘wag ma-shokot!” habang naglalakad paatras. Ang iba, sumakay na sa dalawang sasakyan nila: isang puting Hyundai H-100 at isang kulay-abong Nissan Urvan.

“Paalis na kami, pero hinarangan nila kami. Ayaw nila sabihin ang kanilang mga pangalan. Wala silang masabing violations na nilabag namin – kasi wala kaming violation na nilabag,” kuwento ni Rey.

“May isa kaming kasama, tinumba ng tatlong pulis. Binantaan siya: ‘Papasabugin namin ang ulo mo’,” kuwento ni Rey sa naranasan ni Bidang, kapwa miyembro ng Bahaghari at instruktor sa isang unibersidad sa Maynila.

Pinalibutan ng mga pulis ang dalawang sasakyan nila. Pinabababa ang dalawang drayber – na hindi naman kasama sa protesta. Nang ayaw nila binaba, unang kinaladkad ang isa, iyung drayber ng Urvan. Pinagtulungan ng di-bababa sa tatlong katao. Bumaba na rin ang drayber ng isa pa, mangiyak-ngiyak. “Wala naman kaming ginagawang masama,” sambit niya, habang tinutulak siya papunta sa estasyon ng pulis.

Samantala, pinasok ng isang pulis ang Urvan. Pinaandar nito ang sasakyan, sakay ang ilang mga nagrali. Pero hindi mapaandar ng isa pang pulis ang H-100. Pinababa niya ang mga sakay, kasama si Rey, at tatlo pa. Saka sinakay sila sa isang police mobile. Bago umandar, kinaladkad ng mga pulis ang isa pa – isa namang intern ng alternatibong midya na Tudla Productions, si Habagat Farales, ay nagbibidyo gamit ang kanyang cellphone. “Midya po siya!” sigaw ni Rey sa mga pulis, habang nakasakay na sa mobile. “Hindi po ito justifiable!” Nang igiiit ng iba pang nagkokober na mamamahayag na miyembro nga si Habagat, saka lang napakawalan siya ng mga pulis.Saka umandar ang mobile.

Aa isa pang kotseng police car, sinakay sina Andrew at Carla, at dalawang miyembro ng grupong pangkababaihan na Gabriela. Sinundan ng mobile at police car ang Urvan – patungo sa Manila Police District sa UN Avenue.

Biglang hinaltak ng isang pulis na may nameplate na Escano si Andrew. Screengrab mula sa Tudla

 * * *

Pagbaba nila sa estasyon ng MPD, sinalubong sila ng mga mamamahayag, kumukuha ng litrato at bidyo. Nagkalakas-loob ang isang miyembro ng Gabriela: “Nasaan na ang susi ng sasakyan namin! Bakit ninyo kinuha ang sasakyan namin?”

“Wala kaming masakyan sa inyo,” sabi ng isang pulis. Pero hindi niya maipaliwanag kung bakit inutusan sila ng mga superyor nila na imaneho ang sasakyang hindi kanila. “Kakasuhan namin kayo!” sabi ng miyembro ng Gabriela. Napilitan ang pulis na iabot ang susi, hindi lang ng Urvan, kundi ng naiwang H-100.

Sa loob ng MPD, nakasalampak ang ilan sa 20 – kalauna’y nakilala sa social media sa hashtag na #FreePride20 – sa sahig. Malinaw, balisa pa sila sa mga nangyari. Ang isa, si Bidang, na nginudngod ng mga pulis ang mukha sa semento at pinagbantaang pasasabugin ang ulo, nakaupo sa hagdan, umiiyak.

Pero di nagtagal, sa harap ng midya, at habang pinalilibutan ng mga naka-camouflage na pulis, itinaas ni Rey ang kanyang kamao. Sumunod ang iba pa. May isa sa kanilang nakaisip: Iladlad ang bandilang bahaghari! Beinte lang sila, hindi 70,000 tulad noong nakaraang taon. Pero tila napagtanto nilang kinakatawan pa rin nila ang lumalabang LGBTQ+, ang diwa ng #PrideIsAProtest. Taas-noo sila, sa kanilang identidad, sa pagiging mulat na mamamayan, sa kanilang ipinaglalaban. Sa kabila ng pandemya, sa loob ng estasyon ng mga pulis na kanina lang ay kumaladkad, ngumudngod, humuli’t kumulong sa kanila, umalingawngaw ang mga sigaw:

“Maki-beki! Huwag ma-shokot!”


FB livestream ng Altermidya: