Freshman sa UP noong 1983

0
175

Isa akong tipikal na kabataan noon mula sa isang parochial school sa Maynila. Maaralin, relihiyosa, maraming kaibigan, at mahilig sa “gimik” na noo’y pagtambay sa malapit na kainan. Tipikal ding petiburges ang pinagmulan kong pamilya – middle-class, relihiyoso, magkakasama sa iisang bahay. Bilang bunso at itinuturing na baby ng pamilya, alaga ako.

Ngunit hindi tipikal ang panahon noon. Martial Law. Madalas ang brownout, dahil may dinadala raw na mga patay na sundalo galing sa Mindanao. Kapag tumunog na ang sirena, dapat lahat ng kapatid ko, lalo na ang mga lalaki, ay nasa bahay na dahil baka mabagansiya. Naalala kong hinahanap pa talaga ng tatay ko ang mga kuya kong wala pa paglampas ng alas-nuwebe ng gabi. At sobrang pag-aalala at parusa ang abot nila kapag lumabag sa curfew.

May panahon na pila ang pagbili ng bigas. Naalala kong pumipila kami ng nanay ko sa malapit na Kadiwa Center sa may estasyon ng tren. Kahit sa hayskul namin ay “krisis” din. Kami ang batch na walang Junior-Senior Prom dahil naabutan ng patakaran ng pagtitipid dahil sa kahirapan. Pero bumawi kami bilang batch na unang nagdaos ng graduation sa PICC, salamat sa isang mayamang kaklase na nag-donate.

Naalala ko ring sinusundo namin ang mga kapatid kong nag-aaral at nagtatapos ng thesis sa UP sa panahon ng First Quarter Storm. Sakay kay Beetle, ang tawag namin sa kotseng Volkswagen ng tatay ko noon, magbibyahe kami mula Paco hanggang Diliman, at pagpasok sa Diliman ay may mga estudyanteng nagbo-bonfire, o iyun ang akala ko. Sa daan, ilang checkpoint ang madadaanan namin, sasaludo ang tatay ko, at kunwari ay bumabati pero ang ibinubulong ay “Put…. mo, Sir!” habang nakangiti.

Hindi ko masasabing progresibo ang pamilya ko, pero hindi rin konserbatibo. Laman ng kuwentuhan sa hapunan ang mga usapang pulitika. Lalo na kapag may mga bumibisitang kamag-anak, walang humpay ang kuwentuhan pero iisa lang ang tema. Minumura si Marcos.

Kaya nung makapasa ako sa UPCAT (UP College Admission Test), may suspetsa akong halong tuwa at pangamba ang naramdaman ng mga magulang ko. Mas litaw ang reaksiyon ng mga kapatid kong nakatatanda: sa La Salle ako pinapag-aral kasabay ang pangakong susuportahan nila ang pag-aaral ko.

Pumasok ako sa UP noong 1983, makasaysayang taon sa bansa. At makasaysayan din ang mga sumunod na taon hanggang 1986 at pagkatapos. Wala na noong Martial Law dahil inalis na ni Marcos – sa papel lang, sabi ng mga kritiko. Wala pang P100 ang tuition ko. May bus ng MMTC (Metro Manila Transit Corp) na nagbibyahe mula Diliman hanggang Taft kaya madali ang buhay ko. Parang schoolbus ito ng mga taga-UP at Ateneo dahil halos araw-araw kami magkakasabay. Kilala na kami ng mga konduktora: kapag nakakatulog kami at malapit na sa dapat babaan, sila ang gumigising sa amin.

Nasa General Education Block ako kasi ayaw ko pumaloob sa block ng BS Chemistry, una kong kurso, dahil marami agad science subjects. Noong simula pa lang, plano ko nang mag-shift kaya pinag-aralan ko talaga ang mga subjects na kukunin para hindi sayang kapag nakapag-shift na sa noo’y hindi ko pa nadedesisyunang kurso.

Sa unang mga buwan ko pa lang, madami nang organisasyong nang-eengganyo pero wala akong sinalihan. Sa halip, nagsama-sama kaming mga dating magkaka-eskuwela, batch namin at ang naunang batch, at tumambay sa AS Lobby nung una pero nung ipagbawal, sa AS Hill. Naging support system namin ang isa’t isa na parang org. Hiraman ng libro, turuan ng mga lessons, kasabay kumain, hingahan ng sama ng loob, kakuwentuhan ng mga kung anu-ano, kung sinong crush, problema sa karelasyon at iba pa.

Pero ilang buwan pa lang, nagulo ang mundo ko. Naalala kong piyesta sa Paco noon, araw yata ng Linggo. Nagkukwentuhan ang matatanda nang biglang dumating ang tiyuhin kong photojournalist na contributor sa magasing WeForum. Pinatay raw si Ninoy Aquino sa airport.

May nagmura, may galit na galit, may nalungkot, pero lahat ay nakatutok sa radyo at TV para mag-abang ng balita. Isinama ako ng tatay ko na pumila nang pagkahaba-haba sa Sto. Domingo Church para tumingin sa bangkay ni Ninoy na noo’y duguan pa. Hindi ko alam kung bakit, pero umiyak ako – sa hitsura ni Ninoy, sa nangyari sa kanya, at higit sa lahat, sa dami ng taong maghapon at magdamag na nakapila para makita siya — ang iba, tahimik; ang marami, umiiyak din.

Simula noon, kapag may mga nagru-room-to-room discussion ay nakikinig ako. At doon ko nakilala si Leandro “Lean” Alejando, ang chairperson sa mga panahong iyun ng University Student Council, konseho ng mga mag-aaral sa buong UP Diliman. Tama ang paglalarawan ng marami kay Lean: may karisma. Kundi ba naman, bakit mapapasama ang isang freshman na kagaya ko sa rally sa labas ng AS kapag sinabing mag-walkout sa klase?

Naalala kong hangang-hanga ako sa husay niya magsalita, kahit hindi ko masyadong naiintindihan ang mga sinasabi niyang pasismo, imperyalismo at kung anu-ano pang “ismo.” Dumadalo ako sa mga tipon sa AS Lobby para lang mapakinggan at makita siya. Kapag dumadaan siya, talagang hindi ko maalis ang tingin ko, kahit nagtataka ako kung bakit naka-tsinelas lang siya at parang hindi pa yata naliligo ay humaharap na sa mga tao.

Noong panahong iyun, maraming tagahanga at nakakapang-engganyo ang mga student leaders tulad nina Kiko Pangilinan, David Celdran, Kit Belmonte, Miro Quimbo at iba pa. Pero syempre, iba pa rin si Lean.

Nasa third year na ako nang seryosong sumali ako sa organisasyon. Nauna akong sumali sa isang organisasyon ng mga Katoliko pero hindi ako nakatagal dahil parang hindi ako “belong.” Karamihan sa kanila, mga anak ng mga Insulares at Peninsulares na sa kalaunan ay tinawag  na mga “coño.”

Isang organisasyon ang nakatawag sa interes ko, ang Samahan sa Agham Pampulitika o SAPUL. Walk-in ako at nag-apply dahil tumatanggap naman sila ng hindi Pol Sci major. Sa orientation, ipinagmamalaki nila na naging kasapi nila sina Joma Sison at Nur Misuari at iba pang pulitikong hindi ko na matandaan. Sa loob ng org, kaliwa’t kanan ang pag-aaral kina Marx at Lenin kaya kailangan ko ding makisabay. May ilang nag-aaral kay Mao pero sa hindi ko malamang kadahilanan noon, madaling dini-dismiss at pinagtatawanan sila sa mga argumento.

Aktibo ang SAPUL sa campus politics, gayundin ang Buklod Isip (Bukluran sa Ikauunlad ng Sikolohiyang Pilipino) kung saan sumapi rin ako noong nagdesisyon na akong mag-major sa Psychology. Miyembro ang dalawang organisasyon noon ng SAMASA o Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan, partidong panghalalan na pinapamunuan ng mga aktibista. Bilang Externals Officer, kasama ako sa mga nakikipag-usap sa kanila kapag may mga patawag at nung nagdesisyon na bumaklas ang SAPUL, at Buklod din, sa SAMASA.

Panahon iyun na hinati-hati na ang College of Arts and Sciences sa tatlong kolehiyong CSSP, CS at CAL. Dahil malaki ang CSSP, kami ang naiwan sa AS building. Naalala kong nagpo-photo exhibit kami, nagdudula-dulaan sa AS lobby, namimigay ng mga polyeto at nagru-room-to-room. Dito nagbago ang personalidad ko, mula sa mahiyain at tahimik na nag-aaral, natutong magsalita sa mga klase, magpalabas sa harap ng maraming tao, makipagpulong sa mga seniors habang tinitiyak na nag-aaral pa din, hindi lumiliban sa klase at mataas ang grado.

At ito ang dahilan kung bakit nasabak ako sa student council. Napilitang makipagpalit ang dapat na tatakbong Chair ng CSSP Student Council sa akin, na tatakbong Vice lang dapat dahil yata may dropped subject siya o may removals, hindi ko na maalala. Last-minute replacement. Nagbuo ng bagong alyansa ang SAPUL kasama ang Buklod Isip at UP SURGE (nalimutan ko na ang ibig sabihin) at tinawag itong Independent Students’ Bloc. Reaksiyon ito sa pulitika ng SAMASA na diumano’y puro isyung pambansa ang pinagtutuunan ng pansin habang naiiwan ang mga batayang isyu ng mga estudyante gaya ng mga bulok na pasilidad at pagtaas ng tuition fee.

Mahalaga ang papel ng SC noon dahil bukod sa unang SC sa CSSP ay panahong mainit na ang pulitika ng bansa sa nalalapit na Snap Elections ng 1986. Maraming nagaganap na discussion groups, RTR, mga rally, at iba pa. Kasabay nito ay nagiging hamon na rin ang pagbabago ng class character ng kampus dahil dumarami na ang mga coño at walang pakialam at ang tumatampok na problema ng mga estudyante ay ang parking lot. Naganap ito mula nang tumaas ang tuition nang 300 porsiyento (1984 ba o 1985). Sa katunayan, noong eleksiyon, dahil walang ibang kalaban, ang kalaban namin ay “abstain”.

Sa kabutihang palad ay nakamit namin ang higit 30 porsiyento na kailangang boto para mahalal. Ang slate namin ay binubuo ng kombinasyon ng mga patakbo ng ISB at SAMASA kaya hindi na rin naging mahirap makipag-ugnayan sa USC na nadominahan ng SAMASA sa pangunguna ng naging senador na si Kiko Pangilinan.