From ‘Marawi’ with love, atbp. kuwento ng pag-ibig

0
282
(Una sa serye: Pagbawi sa nasawi sa Nasugbu)
(Pangalawa sa serye: Ang maikli’t mabuting halimbawa ni Jo Lapira)

Disyembre 28, 2017. Sa ibabaw ng puntod ni Dondon, nagtipon sila—mga kamag-anak at kaibigan, ka-org at tropa.

Dala nina Kat at Nanay Baby ang abo ni Kamil. Pinagtabi nila ang urna at lapida. Sa wakas, muling nagkasama sila. Ang kanilang mga pangalan, kapwa nakaukit sa marmol: Camille A. Manangan sa urna, at Engr. Julieto C. Pellazar Jr. sa lapida. Kapwa Setyembre 18 ang araw ng kapanganakan: 1993 kay Kamil, 1991 kay Dondon. Pareho ang araw ng pagpanaw: Nobyembre 28, 2017.

“Hindi na naman puwedeng ikasal sila,” natatawang sabi ni Anne (di tunay na ngalan), malapit na kaibigan ni Kamil sa Gabriela Youth. Pero tiyak, iyun ang gusto nila. Sa araw na iyun, isang buwan na matapos masawi sina Kamil, Dondon, at 13 iba pang rebolusyonaryo sa Nasugbu, Batangas. Sa araw na iyun, kung hindi nangyari ang nangyari sa kanila, nagtitipon sana ang lahat sa isang masukal na gubat sa nasabing probinsiya. Sa harap ng bandilang pula, sa piling ng mga saksing magsasaka, pinag-isang-dibdib sana ang dalawa. Pero hindi na nga.

Sa halip, mula sa sementeryo, umuwi sila sa bahay nina Dondon. Pinanood ang bidyo ng dalawa: nagbabakasyon sa beach, kumakain sa kung saan-saan, nagkakasama sa mga rali. Nagbibidyoke. “Bakit Ngayon Ka Lang”. Sa dulo ng bidyo, mga larawan ng dalawa na magkatabi sa isang duyan, napapalibutan ng mga bata. Sa sonang gerilya.

Late 2012, may nanliligaw kay Kamil,” kuwento ni Kat. “Pero hindi nag-work out.” May ipinakitang larawan si Kamil sa kapatid: “Ate, ito na lang ang i-bet mo (para sa akin).” Kinikilig siya. Katrabaho ng nanligaw sa kanya. Si Dondon.

One time, tumawag si Kamil,” Kuwento pa ni Kat. Nangungumusta si Kamil. “Sabi ko sa kanya, ‘Uy, baka nandiyan na ‘yung Don ha, kasama mo.’ Nandun na pala. Magkasama sila. Hindi pa sila, pero sabay na naglalaba.”

Mga Hulyo 2013, alaala ni Anne, nag-date ang dalawa. Sa Luneta. “Tawang tawa sila sa isa’t isa,” kuwento niya. Mahilig magbato ng makukulit na tanong si Dondon: Bakit ang dolphin may paling sa ulo, ‘yung whale, wala? “Mga ganung tanong, mga nonsense,” sabi pa ni Anne. Pero si Kamil, sineryoso ang pagsagot sa mga tanong ni Dondon. Biro o hindi, pasensiyoso siyang nagpaliwanag. Pero natatawa rin siya. Swak ang humor ng dalawa.

Tawang tawa si Kamil na “seryosong” sinasabi ni Dondon na gusto niyang maging artista. Siyempre biro lang, pero tuwang tuwa siyang sinasakyan ito. Kaya marami silang bidyo. Pati pagbidyoke, binibidyo. Minsan, kunyari reporter si Dondon. Si Kamil ang magbibidyo. Lakas ng tawa nila sa ganitong mga trip.

Ganoon si Dondon, lalo na sa kanyang mga kaibigan. May tropa sila: “Senyoritos” ang tawag. Wala namang kahulugan, kulitan lang. Magkakabata sila, napalahok sa progresibong kilusan sa paglahok sa eleksiyong barangay sa kanilang lugar noong 2007. “Mula noon, lagi na kaming sumasama sa mga kilos-protesta at aktibidad na kahit na pumapasok (si Dondon) sa kolehiyo ay lagi siyang sumasama rito,” kuwento ni Momoy, kaibigan ni Dondon at kabahagi ng Senyoritos.

“Ang nagustuhan talaga ni Kamil kay Don, yung pagiging komedyante at korni niyang tao,” ani Momoy. Si Don naman, bilib na bilib kay Kamil magsalita sa mga rali at pampublikong mga pagtitipon. Lider na siya noon ng Gabriela Youth. Siyempre, gandang ganda rin siya kay Kamil.

Matapos maging sila, pumasok si Dondon sa isang progresibong organisasyon ng mga propesyunal sa computers. “Gusto niyang i-practice ang profession niya (bilang enhinyero),” sabi ni Anne.
Tulad ng maraming nagtatapos ng engineering, malakas ang hatak sa kanya ng pagtatrabaho sa malalaking kompanya. Dun nga napunta si Dondon noong 2014. “Struggle ito kay Kamil,” ani Anne, dahil gusto niyang buong panahon sanang kumilos si Dondon sa progresibong kilusan. Kailangan dito ng mga enhinyero, pero mas kailangan ng mga aktibistang nag-oorganisa sa mga komunidad, naghihimok sa mga maralita na magbuklod at kumilos para sa panlipunang pagbabago.

Hindi binitawan ng kanyang mga katropa si Dondon. Palagi pa rin siyang naiimbitahang sumasa sa educational discussions—hinggil sa mga isyung pambayan. Kahit si Kamil, napapasama si Dondon sa mga aktibidad ng Gabriela Youth.

“Dahil sa sobrang solid nila, kami yung naging Mildonatics. Si Yaya ‘Mil at si Aldon Ricardo,” alala ni Anne.

Buong panahon, sinikap ni Kamil paliwanagan si Dondon: Hindi naman natin kailangan ng burgis na pamumuhay. Kaya natin ang simpleng buhay, habang puspusan ang pakikibaka. Samantala, nakaramdam na rin si Dondon na hindi talaga siya liligaya sa pagtatrabaho sa malaking kompanya. Nakita niya si Kamil, ang buhay ng pakikibaka na pinili nito. Na-inspire siya. Matapos ang isang taon, nagbitiw siya sa trabaho.

Tumulong si Dondon sa pangangampanya ng Bayan Muna Party-list noong eleksiyong 2016. Matapos ito, kasama siya sa mga direktang naghanda para sa pagbubuo ng People’s Agenda, o ang talaan ng mga panawagan ng kilusang masa kay Pangulong Duterte para maipatupad ang tunay na makabuluhang pagbabago sa bansa.

Samantala, nagbukas ng usapang pangkapayapaan ang administrasyong Duterte sa National Democratic Front of the Philippines, ang pampulitikang organo na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan. Lalong na-inspire si Dondon. Nag-volunteer siyang maging kawani ni Alan Jazmines, isa sa mga konsultant ng NDFP.

Noong panahong ito, katapusan ng 2016, unti-unti namang napagtanto ni Kamil: May maiaambag ako sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi ko alam kung papaano, pero gusto kong makita ang rebolusyon sa kanayunan. Sa pamamagitan ng mga kontak dito, napunta si Kamil sa Batangas. Nakilala niya ang mga gerilya. Mahirap ang buhay, pero natuwa siya. Bumalik pa siya sa Maynila. Gusto niyang isama si Dondon sa sonang gerilya.

Sa puntod ni Dondon. Larawan mula kay Anne.

Sa puntod ni Dondon. Larawan mula kay Anne.

Sa kabilang dako ng bansa, sa ibang panahon, minsang naharap din ang pamilyang Pacaldo sa sangandaan sa buhay. Davao City, taong 1987 noon. Katatalaga pa lang ni Pang. Corazon Aquino na OIC o officer-in-charge ng Davao si Rodrigo Duterte. “Pero hindi pa siya sikat,” kuwento ni Nanay Elay Pacaldo.

Aktibista siya noon sa Davao at ang asawa niyang si Glenn. Umiikot si Glenn kasama ang grupong pangkultura na Busilak, para magtanghal sa mga magsasaka at manggagawa sa Mindanao. Noong taong iyon, matapos mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos, tumindi ang kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno. Target sa mga komunidad sa Davao ang mga aktibista. Isang grupong paramilitar ang nabuo: ang Alsa Masa. Tinuturo ang grupong ito (na suportado ng militar) sa maraming pagpatay sa mg aktibista.

“Nagdesisyon kaming lumabas ng komunidad. Gabi noon,” kuwento ni Elay. Ang problema, maliliit pa ang mga bata. Mag-iisang taon si Erwin, at sanggol pa si Joy. “Ayaw sa amin ipasama ang mga bata ng (mga kasamahan sa komunidad),” aniya. “Balikan na lang daw namin. Pero makakabalik pa ba kami?”
Nagsimula iyun ng mahabang panahon ng palipat-lipat ng mga tirahan: Sa mga kamag-anak sa Leyte at Cebu, sa isang nongovernment organization sa Maynila, sa Naga sa rehiyong Bicol. Samantala, lalong lumaki ang pamilya. Ipinanganak na si Lean. Taong 1994, si Ciela naman.

Habang nasa probinsiya ang kanyang pamilya, muling nakipagsapalaran sa Maynila si Elay. “Wala eh, kailangang (pumunta ng Maynila). Hindi kayang makabuhay sa pamilya ang trabaho dun.” Iba-iba ang pinasok na trabaho niya. Taong 2004, may nakapagsabi: naghahanap ang Gabriela. Hindi simpleng trabaho, dahil hindi naman ito burgis na opisina. Gusto na ring bumalik sa aktibismo si Elay. Sumunod sa kanya si Glenn, na nagtrabaho sa mga konstruksiyon sa Maynila. Kalaunan, untii-unting sumama na ang mga anak.

Mistulang lumaki si Ciela, at ang nakababatang kapatid niyang si Betchay, sa Gabriela. “Sumasama sila sa mga aktibidad. Kaya kahit papaano, may alam din sila sa kung ano ang ipinaglalaban,” kuwento pa ni Elay. Sinikap nilang ipakita kay Ciela ang pagmamahal sa bayan ay di hiwalay sa pagmamahal sa pamilya.

“Pamilya Von Trapp” ang tawag ng mga taga-Gabriela sa mga Pacaldo—dahil magagaling kumanta, tumugtog ng gitara, magtanghal. Natural na may talento si Ciela, kung kaya kinuha siya sa Sining Lila, grupo ng mga mang-aawit ng Gabriela. Kalaunan, nakapasok si Ciela sa isang NGO na nagtataguyod ng karapatan ng mga bata. Taong 2016 na.

Ciela Pacaldo. Mula sa kanyang Facebook account

Sa kabila ng karanasan ng kanyang pamilya, pangkaraniwan pa rin ang kabataan ni Ciela. Maaga siyang natigil mag-aral. “Tinatamad,” ani Elay. Sa bahay, naging busy sa pakikipagkilala sa mga tao online. Nahilig sa Wattpad.

Tulad ng maraming social media platforms, naging espasyo ang Wattpad para magkakilala ang iba’t ibang tao. Kung magkakapareho ang binabasa ninyo sa Wattpad, posibleng mas madali kayong magkakilala. Dito, nakilala niya niya si Dina (di tunay na ngalan).

Enero 13, 2015. Natisod lang si Dina sa profile ni Ciela. Naakit siya. “Ni-stalk ko talaga siya noon,” kuwento ni Dina. “Nagkaroon ako ng interes (sa kanya, kahit) knowing (na) sa mga website maraming hindi naglalagay ng tunay na mukha.” Naglakas loob si Dina na kontakin ang dalaga. “May common friend kami na nagkagusto sa kanya. Para siyang nahihirapan kung paano i-turn down ‘yung tao,” ani Dina. Nagpayo siya kay Ciela. Kalaunan, sila mismo, nagkalapit na.

Mabilis ang pagliligawan sa Internet. “One time, kinulit ko siya na maggitara. Kinanta niya ‘yung ‘Harana’ ng Parokya ni Edgar. Ang ganda ng boses niya.” Enero 30, naglakas-loob agad si Dina na sabihing “I love you dre”. Nailang nang kaunti si Ciela, pero pagdating ng Pebrero 2, sila na.
Maraming tanong si Ciela kay Dina. “I know, marami ang di-gusto ang same sex relationship. Paano kung ma-discriminate kami? (Pero) ako, wala akong pakialam. Kasi alam ko kakayanin ko.” Samantala, matagal namang tanggal na nina Elay ang piniling kasarian ng anak. “Wala kaming problema riyan.”

Pero pinayuhan pa rin ni Elay ang anak. “Maraming napahamak na diyan sa social media,” sabi ni Elay. “Kapag nagsabing mag-eyeball eyeball, ‘wag ka talagang magpakita diyan.”

Pero noong Marso 19, 2015, nagkita na nga sila. “Doon ako naniwala sa magso-slow ang mundo mo kapag nakita mo na siya. Anlakas ng tibok ng puso ko. Nasabi ko sa sarili ko, siya na talaga,” ani Dina. Mabilis silang nagkakilala. Nakatulong, siyempre, na tahimik lang si Ciela, habang palakuwento si Dina. “Napakabait niya, hindi siya selfish na tao. Good listener,” aniya. “Pero matigas ang ulo.”

Humigit-kumulang isang buwan matapos ito, nakilala nina Elay si Dina. “Galing Japan (si Dina). May negosyo na parang inuman.” Pinayuhan niya muli si Ciela: Baka gawin kang dancer niya. Pero kumpiyansa si Ciela sa pagkakakilala kay Dina. Kalaunan, bumisita rin siya kina Dina sa Bulacan. Si Dina naman, napapsama rin ni Ciela sa mga aktibidad ng NGO. Paminsan-minsan din, nahahatak na sumama sa rali. Pinag-awayan nila ito, pero kalauna’y nakumbinsi si Dina na nasa tama ang puso ni Ciela.

Agosto 2017, nagpaalam si Ciela sa kasintahan. “Pupunta akong Marawi,” aniya. Matindi pa ang mga operasyong militar noong panahong iyon. Hindi naman malayo sa reyalidad, kasi talagang nagseserbisyo ang NGO na pinagtatrabahuan niya sa mga batang biktima ng giyera.

Pero hindi pa rin agad napaniwala si Dina. “Hindi ko sineryoso yung sa Marawi siya pupunta,” ani Dina. May kutob na siya, na hindi na sa NGO ang pag-alis ni Ciela. Palaging nagkukuwento ito ng tungkol sa pang-aapi sa mga magsasaka. “Alam kong NPA (New People’s Army) talaga ang sasamahan niya.”
Dalawang linggo bago umalis ng bahay nila, biglang dumating si Dina. Bago nito nag-away sila. Nakikiapgbati na si Dina. Pinayagan na niyang umalis si Ciela, basta babalik bago ang anniversary nila sa Enero. “Niyakap niya ako nang mahigpit…Hinalikan niya ako. Minsan lang niya gawing maunang humalik sa akin. May kakaiba sa halik niya noon. Full of love and promises. Parang sinasabi sa aking huwag akong mag-alala.”

Setyembre 7, umalis na si Ciela sa kanilang bahay. May mga kontak siya sa rebolusyonaryong kilusan. Gusto niyang makipamuhay sa mga magsasaka ng Bulacan.

Sa isang maliit na pagtitipon ng mga kaibigan sa Maynila noong Agosto 2017, bumangka si Kamil sa kuwentuhan.

Kinukuwento niya ang mga karanasan niya sa hanay ng mga magsasaka sa Batangas, kasama ang mga gerilya ng New People’s Army. “Heaven ang lugar na iyun sa akin,” pagsisimula ni Kamil. (Nirekord ng mga kaibigan niya ang pagkukuwento ni Kamil.) “Pero ang mindset ko, anim na buwan lang. Gusto maranasan ang buhay bilang hukbo.”

Nakita niya iyun—at higit pa. Nakasama siya sa pagdiriwang ng mga magsasaka at hukbo ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines o CPP noong Disyembre 26. Noong Enero, nagkaroon ng pagsasanay-militar. Noong katapusan ng buwan, nagkaroon ng taktikal na opensiba ang yunit ng mga gerilya na sinamahan ni Kamil.

“Hakbang pamamarusa kay Henry Sy,” ani Kamil noon. “Security agency ito na itinayo para paalisin ang mga tao para sa mga resort niya.” Sa Pico de Loro Resort ito sa Nasugbu. Ilang araw pa lang ang nakalipas, nasa naturang resort ang mga kandidato ng Miss Universe. Nakausap ng mga gerilya ang mga magsasaka sa lugar: gusto nilang parusahan si Henry Sy at mga guwardiya sa pangangamkam sa kanilang lupain. May mga gustong patayin ang mga guwardiya. “Pinaliwanag naman natin na hindi kaaway-sa-uri ang mga guard. Hanggang agaw-armas lang bilang parusa.”

Dalawa ang opisina ng security agency. Pareho, pinasok ng mga gerilya. Kinuha ang armas, at ipinaliwanag sa mga guwardiya at empleyado kung bakit ginawa ito ng NPA. “Sa kasaysayan ng probinsiya, iyun ang pinakamaraming armas na nakuha. Apatnapu’t apat (44) ang nakuha.”
Naging matunog sa buong Batangas ang pamangahas na aksiyon ng NPA kontra kay Henry Sy. “Nabuhay ang diwang palaban (ng mga tao roon)–na kaya pala ng hukbo,” kuwento pa ni Kamil. Maraming lugar ang humiling sa mga gerilya na puntahan din sila. Dumarami ang dumudulog sa NPA para tumulong sa mga problema nila sa lupa.

Tulad ng inaasahan, matapos nito, sunud-sunod ang malulupit na operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines o AFP.

Naiulat ng mga grupong pangkarapatang pantao ang aerial bombings. Walang puknat ang mga operasyon ng Army. Napalaban ang yunit na nasamahan ni Kamil. “Walang nakapansin, madaling araw. Kinubkob kami. May isang namatay. Iskuwad lider,” ani Kamil. Unang bugso ng putukan, nabitawan ni Kamil ang baril niya. Pero nakatakbo siya. Nahiwalay siya at dalawang sugatang gerilya sa pangunahing grupo. “Sobrang sirit yung dugo niya. Nabitbit ng isa ang bag, kaya may first aid kit pang nagamit.

Dito, aniya, nakita niya na literal na “masa ang tunay na bayani.” “Atrasan na. “Nakalimang bahay kami bago kami mapapasok. Pero sa bawat bahay, tumulong din. (Di sila nagpapapasok) kasi ayaw lang ang militar. Sa unang bahay, binigyan kami ng cellphone. May nagbigay ng pamasahe. Sa ikalima, halos ayaw din. Pero dahil ako na lang ang may kakayahang magpaliwanag, ako na ang nagpaliwanag. Pinapasok kami. Gabi na nang sunduin. Limang minuto nalang, mahuhuli na kami. Handa na sana kami,” kuwento ni Kamil.

“Dito ko na-realize na ito pala ang digmaan,” aniya. “Yun ang turning point sa akin. Ang masa dun, alam nilang armado, (pero) tinatanggap nila.”

Matapos noon, at matapos makadugtong sa malaking bahagi ng yunit ng mga gerilya, muling napalaban sila. Pero mas handa silang nakaatras. At si Kamil, kumbinsido na: doon na siya.

Samantala, nangulila si Dondon sa kasintahan. “Yung dadalhin na damit si Don para kay Kamil, lagi niyang tinitiklop at inaamoy kahit maayos ito,” kuwento ni Momoy. Umuwi si Kamil noong Agosto 2017 para magpaalam sa mga magulang—at para magpaalam na rin sa kanila na magpapakasal na sila ni Dondon. Bumalik din agad si Kamil. Si Dondon naman, sumunod kay Kamil noong Setyembre. “Gusto niyang i-celebrate nila doon (sa sonang gerilya) ang birthday nila pareho,” ani Anne. Bumalik din ng Maynila si Dondon.

Unang linggo ng Nobyembre 2017 nang bumalik si Dondon sa Batangas. Kasama na niyang pumasok sa lugar si Ciela. Naghihintay sa kanila sa sonang gerilya sina Kamil at Jo Lapira—rebolusyonaryong tumibok ang puso para sa mga aping magsasaka at sambayanan, kababaihang nagmahal nang higit sa sarili at kasintahan.

Sabay-sabay na tumigil ang pagtibok ng kanilang puso noong Nobyembre 28, 2017.