Sinusupil, nilalamangan, dinadahas. Sa kabila nito, nagpupunyagi ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Lumalaban at nagtatagumpay.
Ito, mistula, ang naging tema ng nakaraang linggo. Lunes, Hunyo 3, nang maglabas ng hatol ang San Mateo Regional Trial Court sa kasong illegal possession of firearms sa aktibista at organisador ng mga manggagawa sa transportasyon, si Marklen Maojo Maga. Ang hatol: maysala raw si Maga. Sa kabila ito ng malinaw na mga ebidensiya na nagtuturo sa pagiging “planted” o gawa-gawa ng mga ebidensiya. Tantiya ng mga kasamahan ni Maga, tinakot o pinresyur ang judge na pumabor sa malinaw-na-pekeng ebidensiya ng mga pulis.
Sa araw ring ito, pumayag naman ang Sta. Cruz Regional Trial Court na magsampa ng bail si Hedda Calderon, matagal nang aktibista sa kilusang kababaihan na bahagi ng tinaguriang Sta. Cruz 5. Katulad ni Maga, peke at planted ang nakuha raw na mga “baril at pampasabog” sa kotseng sinakyan niya at nina Adelberto Silva, Edisel Legaspi, Ireneo Atadero at Julio Lusania, noong Oktubre 15, 2018 sa Sta. Cruz, Laguna. Ibig sabihin nito, ayon sa mga abogado, mahina ang ebidensiya sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa sa lima.
Samantala, noong Hunyo 2, pinaslang naman ng di-pa-kilalang armado, si Dennis Sequena, organisador ng Partido Manggagawa na nangangasiwa ng di bababa sa tatlong labor disputes, sa San Pedro City, Cavite. Kinondena ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa ang pamamaslang.
Noong Mayo 30 naman, pinaboran ng Korte Suprema ang hiling ng mga grupong Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines (RMP) para sa writs of amparo at habeas data laban sa mga respondent ng petisyon na sina Pangulong Duterte, Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mga opisyal ng militar at pulisya, at iba pang opisyal ng rehimeng Duterte.
Ang writ of amparo ay utos ng korte na protektahan ang mga petisyuner na may banta sa kanilang buhay, sa kanilang kalayaan at seguridad mula sa mga militar, pulis at iba pang armadong puwersa ng Estado. Ang writ of habeas data naman ay utos ng korte sa mga awtoridad ng Estado na ilabas sa mga petisyuner ang lahat ng dossier na hawak nito ukol sa petisyuner (sa kaso ng sa itaas, ang Karapatan, Gabriela at RMP) at kung kailangan, sirain ang mga dokumento o dossier na ito.
Paliwanag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na patunay ang naturang desisyon na may magagawa ang kilusang masa o ang nagkakaisang mga mamamayan para pigilan ang mga atake at igiit ang kanilang mga karapatan.
“Paalala ito sa gobyerno na makakahanap ang mga sektor at tagapagtanggol (ng karapatang pantao) na inaatake para igiit (ang karapatan) at makapagpanagot sa mga maysala, sa kabila ng koordinadong pambabraso,” sabi ni Palabay.
Di patitinag
Ilegal na dinukot si Maga noong Pebrero 22, 2018, habang naglalaro ng basketball at matapos maghatid sa kanyang anak sa eskuwela sa kanilang komunidad sa San Mateo, Rizal. Malinaw sa mga saksi na walang dalang baril si Maga. Wala siyang paggagamitan nito habang nagbabasketball, habang hatid-sundo sa anak, o habang nag-oorganisa ng mga manggagawa at tsuper ng jeepney.
Sa kabila nito, ipinakita ni Maga ang kanyang patuloy na paglaban sa harap ng desisyon. Malamang na iaapela ng mga abogado niya ang desisyon ng San Mateo RTC. Samantala, hindi natitinag ang mga kaanak niya sa pagpapatuloy ng laban para mapalaya si Maga at iba pang bilanggong pulitikal.
“Napakasakit makita ang mabubuting tao na nasa kulungan. Habang ang mga kriminal, mandarambong at mamamatay-tao ay nasa laya at nagpapakasasa sa kapangyarihan,” sabi ni Lengua de Guzman, asawa ni Maga at isa ring aktibista sa kilusang paggawa. Gayumpaman, sinabi niyang hindi nila isusuko ang laban para sa asawa at sa iba pa.
“Hindi katapusan ng laban para sa kalayaan ni Maoj ang desisyon ngayon. Iaangat natin sa ibang antas ang laban, magsasagawa tayo ng mga aksiyong legal, at igigiit ang pagpapalaya kay Maoj at iba pang bilanggong pulitikal,” sabi pa ni de Guzman.
Kinabukasan ng promulgasyon ng kaso, nasa lansangan muli siya, ang kanyang anak na si Li Boy at iba pang aktibista at tagasuporta. Nagprotesta sila sa harap ng tanggapan ng Department of Justice sa Manila para kondenahin ang inhustisyang sinasapit ni Maga sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sa kabila ng mga panunupil, panlalamang at pandarahas, nananatili sila at nagbubuo ng pagkakaisa sa hanay ng mga kapwa manggagawa at mamamayan – para makakamit ng higit pang mga tagumpay para sa kanilang mga karapatan at kapakanan.