Gutom sa gumagawa ng pagkain

0
192

“Tigang na tigang na ang mga lupa.”

Ito ang ibinahagi ni Genalyn Dela Cruz, miyembro ng Amihan sa rehiyong Bicol noong ika-3 National People’s Rice Congress nitong Abril. Inilalarawan nila ang kalagayan ng mga sakahan ngayon, lalo na matapos maisabatas ang Rice Liberalization Act (RA 11203).

“Ang mga magsasaka doon, galing sa utang ang ginagamit sa inputs,” aniya. Tanong niya sa mga kasama, higit sa gobyerno, paano nila sisimulang iangat ang sarili sa pagkakabaon sa utang kung walang tubig para sa pagsasaka.

Utang para sa binhi. Utang para sa pataba. Sa tindi ng penomenong El Niño, dalawang kaban lang ang nakuha mula sa dalawang ektaryang lupa sa apektadong mga lugar tulad ng Bicol. Ang iba, tulad ni Genalyn, baon utang dahil sa kawalan ng ani.

Desperado ang mga magsasaka, kaya natutulak sa pangungutang. Hindi na nila mahintay o magawang umasa pa na matutupad ang pangako ng gobyerno na P10-Bilyong Rice Competitive Fund. Ulat ng The Bohol Chronicle, ngayon pa lang ay alangan na ang mga magsasaka sa Bohol dahil sa usad pagong na pagpapatupad sa mga inisyatibang pang-agrikultura sa bansa.

PW File Photo

PW File Photo

Pangakong di matutupad

Ang 35 porsiyentong taripa na inaasahang gagamitin para sa magsasaka, kakailanganin pang dumaan sa budget allocation sa 2020.

Ayon naman sa isang pananaliksik ng Global Agricultural Information Network, dalawang taon pa ang hihintayin bago maramdaman ang gandang idudulot ng RA 11203, at iyon pa ay kung walang magiging hadlang.

“Wala na pong inaani,” giit ni Dela Cruz, at dinig sa boses niya ang hinaing ng iba pang magsasaka. Linggo at buwan pa lang ng hagupit ng tag-init, nagiging alangan na ang kabuhayan at kinabukasan nila, papaano pa sa hihintaying taon para sa pondo o pagdama ng di umanong magandang epekto.

Kasabay pa nito ang hindi mapigilang pagbaba ng farmgate price ng palay, tulad ng sa Central Luzon na bumaba na nang aabot sa higit limang piso kada kilo, ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. Aabot sa P95-B ang mawawala sa mga magsasaka, ayon sa grupo, higit na malaki sa ipinangakong P10-B mula sa Rice Competitive Fund.

Nitong Hunyo, ibinalita ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ang pag-abot ng tulong sa 12,000 magsasaka sa Western Visayas. Ayon kay PCIC Regional Director Eva Laud, tanging ang mga nag-aplay lang sa crop insurance ang matutulungang bumangon mula sa hagupit ng El Niño. Maaaring makatanggap ng P8,000 hanggang P9,000 kada ektarya ang mga benepisyaryo.

Maliit na porsiyento lang ito, na kung itatabi sa tinatayang 240,000 magsasaka sa Bohol pa lang ay hindi na lalagpas ng limang porsiyento, o isa sa kada-20 magsasaka.

Malinaw na sa pangakong proteksiyon pa lang sa mga magsasaka, bigo na ang gobyerno matapos malagdaan ang Rice Tariffication Law. At ito lang ang panimulang epekto ng naturang batas. Sa pangmatagalan, ang epekto sa mga magsasaka ay mas ramdam: ang kawalang kakayahan nitong makipagkumpetensiya sa pagdagsa ng dayuhang mga bigas, tulad ng mula sa Vietnam at Thailand.

Sa dalawang nabanggit na bansa, may malakas na suporta ang kanilang mga gobyerno sa mga magsasaka.

Rice tariffication sa NFA at iba pa

Maliban sa mga magsasaka, labis din ang epekto sa mga kawani ng gobyerno, lalo na sa mga kawani ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Santi Dasmariñas ng NFA Employees Association, siguradong hindi lang empleyado ng NFA ang maapektuhan ng liberalisasyon kundi pati mga empleyado ng DA at iba pang kagawaran.

“Pebrero 14 pinirmahan ang Rice Liberalization. Sa halip na maging Hearts Day ito, naging Hurts Day,” galit na sinabi ni Dasmariñas. Higit 800 empleyado ng NFA ang nakaambang mawalan ng trabaho.

Dagdag niya noong ika-3 National People’s Rice Congress, nasampahan na ng gawa-gawang kaso ang tatlo sa kanilang organisador.

Matinding pagkabahala naman ang dala ng Rice Liberalization Act sa mga miyembro ng Bureau of Plant Industry (BPI), ayon kay Dr. Mario Andrada, assistant chief ng Technical Research and Services Department ng NFA. BPI ang bagong naatasang sangay ng gobyerno na maniniguradong ligtas ang bigas na papasok sa bansa.

“Ang NFA sa kanyang kontrata, mayroon kaming nire-require: ang magbigay ng certification na ligtas sa heavy metal contaminants at hindi GMO ang bigas,” paliwanag ni Dr. Andrada, noong Rice Congress. NFA rin ang nangunguna sa pagsiguradong walang halong pesticide at bakas ng heavy metal ang bigas at mais.

Ngayon, mapupunta ang tungkulin na ito sa BPI, na kasalukuyang “namomorblema na sa gulay at prutas” ayon kay Andrada. Papaano, noon ngang prutas at gulay pa lamang ang iniintindi, hindi nagagawa ng BPI magsagawa ng test sa prutas at gulay bago ito makarating sa mga merkado. Mauuna maibenta ang prutas at gulay bago masiguradong ligtas nga ito.

“Kung sino ang may hawak ng bigas, siya ang magdidikta ng presyo, hindi ang mamimili,” babala ni Dasmariñas.

Sa World Food Summit noon pang 1996, tinalakay ang halaga ng seguridad sa pagkain bilang karapatang pantao ng mga mamamayan. Isinagawa ang naturang summit matapos pormal na kinilala ng United Nations (UN), kung saan bahagi ang Pilipinas, na lahat ng tao ay may “Right to Adequate Food,” o karapatan sa sapat na pagkain.

Ayon kay Rosario Bella Guzman, executive editor at research head ng Ibon Foundation, malinaw na nilalabag ng RA 11203 ang karapatang ito ng mga mamamayang Pilipino. Obligasyon umano ng gobyernong Duterte na siguruhing abot-kaya sa mga Pilipino ang pagkain.

“Ang tinatalikuran ng Rice Tariffication Law ay karapatan ng mga mamamayan sa kaunlaran – karapatang maging bahagi ng, mag-ambag sa, at tamasain ang mga prosesong pangkaunlaran, sa hindi pagtugon sa batayang karapatan nila sa sapat na pagkain,” pagtatapos ni Guzman.