Harassment at tangkang demolisyon sa CMF Upper Catmon, tinuligsa ng mga residente

0
260

Sa unang tingin, halos matabunan na ng lupa ang komunidad ng CMF Upper Catmon sa Malabon, bunga ng tuloy-tuloy ang pagratsada ng traktora at backhoe sa pagtatambak ng lupa sa iilang kabahayan sa komunidad.

Ilang metro na ang taas ng tambak na lupa, sa kabila ng paggigiit ng mga residente na walang permit para gawin ito.

Demolisyon sa Catmon, Malabon. Kuha ni Agatha Rabino

Nadagdagan pa ng tensyon ang kasalukuyang sitwasyon nang makarinig ang mga residente ng pagputok ng baril mula sa kabilang kampo pasado alas-kuwatro ng hapon ng Martes, Enero 15, ilang metro lamang mula sa tirahan ni Aling Eunice Mariano, isang kilalang lider ng komunidad.

Ayon sa mga residente, sa kampo ng mga guwardiya ni Joselito Lopez at Atiko Hagad—ang nagmamay-ari ng All Asia Structures, isang pabrika ng bakal sa Malabon—nagmula ang putok.

“Last year pa nagsimula [ang harassment]. Nagsimula noong inalisan kami ng power supply. ‘Yung mga kuntador namin ay nandun sa compound nila. Nagrereklamo kami sa Meralco pero hindi naman sila makapasok sa compound nila [dahil pribado].  Sunod-sunod na, inirereklamo kami sa barangay, kung ano-anong kaso ang sinasampa sa amin. Ngayon, harassment at demolition na walang court order. Sobrang panggigipit na ang ginagawa sa amin,” kuwento ni Mariano.

Sa salaysay ng mga residente, ang operasyon na isinasagawa ng All Asia Structures ay bahagi ng kanilang tangkang pagpapalawak pa ng lupang nasasakupan para magbigay daan para sa mas maluwag na transportasyon sa kanilang pabrika. Ang CMF Upper Catmon na lang ang lupang nasa pagitan ng dalawang lupaing pagmamay-ari daw ng mga Lopez.

Demolisyon sa Catmon, Malabon. Kuha ni Agatha Rabino

Dagdag pa niya, pinipilit ng mga Lopez na sa kanila ang lupang kinatitirikan ng bahay ng mga residente ng Upper Catmon. Ngunit magda-dalawang dekada nang naninirahan ang mga residente sa Upper Catmon at sila mismo ang nag-develop ng lupa, na dati ay nagsisilbing dumpsite. Kung kaya’y tahasang tinutulan ng mga residente ang relokasyon sa kanila sa isang barangay sa Maysilo, Malabon. Ayon sa kanila, danger zone ang lugar na paglilipatan.

Pansamantalang naantala ang panayam nang lapitan ng isang residente si Mariano upang sabihin na gagamitan na ng backhoe ang kalapit niyang bahay at isinasara na ng kabilang kampo ang gate na nagsisilbing daanan ng mga bisita.

Sa bungad, unti-unting sinisikap ng traktora na wasakin, sa pamamagitan ng lupang tinatambak, ang barikadang inilagay ng mga residente. Nagpupuyos sa galit ang mga mamamayan ng Upper Catmon habang umaalma sa nangyayaring ilegal na demolisyon. Anila, ang ilang metrong tambak na lupa na nakabungad sa kanilang komunidad ay produkto ng walang humpay na operasyon ng mga trabahador ni Lopez sa kanilang lugar.

Demolisyon sa Catmon, Malabon. Kuha ni Agatha Rabino

Biglaang napatigil ang operasyon ng kabilang grupo nang dumating ang kapulisan sa lugar.

Sa presinto, nagkaharap ang dalawang kampo. Tinanggi ng mga guwardiya ang pagpapaputok nila ng baril. Ayon pa sa kanila, sa kampo nila Mariano nagsimula ang pagpapaputok, bagay na tahasan namang tinanggi ng lider.

Sa kasalukuyan, nakabinbin ang paghaharap muli ng dalawang kampo sa barangay para klaruhin ang mga sinampang alegasyon sa isa’t isa. Umugnay din ang Manila Today sa kampo ng mga Lopez, subalit hindi ito napaunlakan ng panayam.

Samantala, nang tanungin si Mariano kung ano ang kanyang panawagan, naluluha niyang banggit na sa Malacanang na sila dudulog.

“Hindi naman kami masasamang tao. Sana maayos lang yung pagtrato sa amin,” dagdag ni Mariano.

Para sa kanya at sa kanyang mga kasamahan, patuloy ang kanilang panawagan na idepensa at labanan ang banta sa kanilang paninirahan.

Demolisyon sa Catmon, Malabon. Kuha ni Agatha Rabino

The post Harassment at tangkang demolisyon sa CMF Upper Catmon, tinuligsa ng mga residente appeared first on Manila Today.