#HINDIpendence Day | Wala pa ring tunay na kalayaan, sigaw ng mga nagprotesta

0
320

Kasabay ng paggunita ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, isang kilos-protesta ang idinaos sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan sa kabila ng patuloy na malakas na ulan.

Nagsimula ang buong araw na protesta sa harap ng Chinese Consulate sa Makati upang kondenahin ang patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas, panghaharas ng Chinese Coast guard sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal at ang kawalang aksyon dito ng administrasyong Duterte, bukod sa pagpapalit ng noodles sa mga kinumpiskang isda ng mga awtoridad na Tsino.

Pangangamkam sa mga isla ng West Philippine Sea tulad ng Scarborough at Panatag Shoal, panghaharass ng ilang miyembro ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino at pagtatanggol sa soberanya ng bansang Pilipinas ang naging sentro ng programa.

“Ang mga Pilipinong mangingisda ay pinagmalupitan at pinagmalabisan ng mga coast guard ng Tsina sa paraan ng garapal na pagkuha nila ng huling mga isda ng mga mamamayang Pilipino. Sa kabila nito, walang ginawang aksiyon ang rehimeng Duterte sa tahasang pagnanakaw ng tsina sa Pilipino,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, Pambansang Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ayon sa KMU, ang kawalang aksyon ni Duterte sa tahasang pangangamkam ng Tsina sa mga isla sa West Philippine Sea ay parte ng pakikipagsabwatan nito sa nasabing bansa upang mapondohan ang ngayong isinusulong na programa ng administrasyon na “Build, Build, Build Program.”

Dagdag pa ng grupo, mas kinikilingan at ipinagtatanggol ni Duterte ang Tsina kaysa sa mga Pilipinong mangingisda na nasasakupan nito. Kamakailan lamang, tahasang ipinahayag ng pangulo sa publiko na kailangan niya ang Tsina kaysa sa iba, simpleng mahal lamang daw niya si Xi Jinping at gusto niyang sabihin “Salamat, Tsina.”

 

 

Binigyang-diin din ng mga nagprotesta ang pagpapalayas sa mga kapitalistang Tsino sa bansa.

Matapos ang programa sa Chinese Consulate ay tumungo ang grupo sa US Embassy sa Maynila upang doon ipagpatuloy ang kanilang protesta.

Ayon sa Pambansang Tagapagsalita ng League of Filipino Students na si Kara Taggaoa, “As long as we have a President who plays fool for US, China, and other imperialist countries, there can be no genuine independence in the country.”

Dagdag pa rito, sinasabing ang administrasyong Duterte ay walang naipakitang pruweba na iba ito sa mga nagdaang administrasyon, sa halip ay patuloy ang pagyukod nito sa mga dayuhang bansa.

Ang panghihimasok umano ng militar ng Estados Unidos na nagdudulot ng lalong paglala sa paglabag sa karapatang pantao, na pinondohan din ng gobyerno ng Pilipinas sa tulak ng mga binabatikos na hindi pantay na kasunduan tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA).

Walang tigil din ang pag-deploy ng mga tropang Amerikano sa Mindanao na nagiging sanhi ng kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao lalo na sa mga Moro na itinuturing na mga terorista.

 

 

Dagdag pa ng LFS, ang US ay patuloy sa pagdiin ng mga neoliberal na mga polisiya na ang nakakakuha lamang ng benepisyo ay ang mga malalaking negosyo.

Kasama sa mga patakarang ito ang pribatisasyon, gaya ng pagbebenta ng mga pampublikong ari-arian sa mga negosyo o pagpapatakbo ng mga pribadong korporasyon sa mga pampublikong utlidad o serbisyo gaya ng transportasyon, daan, ospital, tubig, kuryente, atbp. Nariyan din ang deregulasyon at liberalisasyon o ang pagpapaubaya ng gobyerno sa mga pribadong negosyo sa pagpapatakbo ng mga esensyal na industriya at serbisyo para sa pribadong kita, gaya sa langis, enerhiya, pagmimina, edukasyon, at iba pa.

Matapos ang programa sa US Embassy, tumungo ang mga nagprotesta sa Bonifacio Shrine upang ipagpatuloy ang kanilang protesta.

 

The post #HINDIpendence Day | Wala pa ring tunay na kalayaan, sigaw ng mga nagprotesta appeared first on Manila Today.