#HLMXIV: Panayam sa isang naulilang ama

0
203

“Panginoon, aking dinadalangin nawa na kami ay magkaisa, at isulong ang aming layunin na ipaglaban ang mga karapatan bilang isang mangagawang bukid at mangagawa. Panginoon, ang hustisya hanggang ngayon ay di po namin nakamit, ang katarungan, Panginoon, kaya pakinggan mo po kami sa umagang ito.”

Iyan ang panalangin ni Pastor Gab Sanchez sa tarangkahan ng Central Azucarera De Tarlac (CAT), labing-apat na taon matapos maganap ang masaker na kumitil sa buhay ni Juancho Sanchez, kanyang anak.

Ibinahagi ni Sanchez sa panayam na noong araw ding iyon, sa ika-10 araw ng welgang bayan, nandoon siya nang magsimulang magpaulan ng mga bala mula sa looban ng CAT. “…(A)ko ay nandyan mismo, at ako ay napatakbo hanggang sa aming barangay, Brgy. Balete.” 

Nagsimula bilang manggagawang bukid ng Hacienda Luisita si Pastor Gab sa edad na 12 noong 1962 hanggang 1980. Sa loob ng 18 taon ng paggawa, naranasan niya ang hirap sa loob ng hacienda. Sa kabila nito, ayon sa kanya, wala silang napapala dahil sa mababang pasahod.

Ilang araw nang idinaraos ang welgang bayan bago ang insidente, “Kaya nagkaroon dito ng isang mapayapang protesta upang ipaglaban nila ang kanilang mga karapatan.”

Nandoon naman ang kanyang anak na si Juancho, 20, para makiisa sa mga nakikibakang manggagawang bukid. Si Juancho noon ay isang mag-aaral sa ikatlong taon ng kursong Mechanical Engineering. Napilitang tumigil si Juancho upang makatulong sa kanyang pamilya bilang jeepney driver.

“Si Juancho, patay na siya, sa aming puso siya ay buhay na buhay, at sa mga manggagawang bukid,” pag-alala ni Pastor Gab habang nagpapatuloy ang protesta sa CAT.

Pastor Gabby Sanchez ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP)

Alas tres ng hapon, Nobyembre 16, 2004, nang maganap ang madugong Hacienda Luisita Masaker. Labing-apat na taon na ang nakalilipas sa pagkakataong ito na bumalik si Pastor Gab kung saan ito naganap, kasama niyang muli ang iba pang manggagawang bukid na nandoon din sa araw ng masaker, at mga kaanak ng mga tulad niyang naulila. Patuloy silang nananawagan para sa pamamahagi ng lupa, at para sa mailap na hustisya.

Kasama rin nila ang iba pang mga magsasaka sa Gitnang Luzon na ipinaglalaban din ang kanilang mga karapatang magbungkal, at iba pang mga sumusuporta sa kanilang laban.

Sa kasalukuyan, buhay na buhay ang kilusang bungkalan sa mga lupain ng Hacienda Luisita.

Sa lumipas na 14 taong kawalan ng hustisya sa nangyaring masaker sa Hacienda Luisita, kasama ni Pastor Gab ang iba pang mga kaanak ng mga napatay at mga mangagawang bukid na nandoon din sa araw ng masaker.  Patuloy din ang pagpanawagang ibigay na ang lupa sa mga mangagawang bukid na tunay na nagmamay-ari ng mga ito ayon sa desisyon ng Supreme Court noong  April 24, 2012.

The post #HLMXIV: Panayam sa isang naulilang ama appeared first on Manila Today.