Muling binuksan sa publiko ang Boracay noong Oktubre 26 matapos ang anim na buwang pagpapasara nito sa utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pangunahing layunin nito ang rehabilitasyon at pagtitiyak sa tamang permit at pagsunod sa regulasyon ng mga establisyemento sa buong isla. Ang Boracay ay tinaguriang isa sa pinakamagandang isla sa mundo.
Maraming lokal ng isla na handa na ring bumalik sa naiwan at naantalang trabaho, ngunit dahil sa limitado na lamang ang pagpasok ng turista may mga pangamba pa rin ang mga manggagawa na tuluyang mawalan ng trabaho.
Sa naganap na pagpapalayas sa mga manggagawa’t turista upang i-rehabilitate o ayusin ang isla, may isang bahagi nito ang hindi pa nalinis. Sa likod ng magandang dalampasigan, ang itinagong katutubo sa mata ng mga turista, ang mga Ati. Sila ang unang napalayas bago pa man ang paglilinis.
Nasa gunita ng mga lokal ng isla ang kasaysayan at yaman ng isla. Malinaw sa kanilang alaala na sila ang mga naunang nanakawan, ang nawalan hanggang sa napalayas sa kanilang sariling espasyo.
Higit pa sa pagdumi ng isla ang problema ng mga katutubong Ati. Marami sa kanila ang nanakawan ng sariling lupain. Naging limitado rin ang kanilang paglalakad sa kahabaan ng dalampasigan dahil itinuturing silang mga eyesore. Limitado rin ang oportunidad sa trabaho, lalo na sa mga hotel dahil na rin sa pisikal na katangiang maitim, maliit at kulot, dagdag pa rito ang mababang narating sa larangan ng edukasyon. Ilan lamang ito sa kalagayan ng mga katutubong Ati, na ang ilan sa kanilang lider ay pinatahimik (pinatay) dahil na rin sa pagtatayugod ng kanilang karapatan tulad na lamang ni Dexter Condez.
Isa ring nakaaalarmang proyekto ng lokal na pamahalaan, ang pagsasama-sama nila sa tinatawag na Ati Village na kung saan nagmimistula silang exhibit sa mga mata ng turista. Ang diumanong pamayanan ay nagtataguyod para sa kanilang kabuhayan, maayos na tirahan at pagbibigay seguridad.
Noong Nobyembre 8, nagbigay naman land ownership certificate si Pangulong Duterte sa 45 pamilyang benepisyaryo ng reporma sa lupa mula sa Boracay Ati Tribal Organization para sa 3.2 ektaryang lupa na pag-aari ng gobyerno sa Boracay. Kung tutuusin, maliit pa ring lupa ito sa dapat na lupang ninuno ng mga Ati. At nakakabahala na kaakibat ng pagbibigay ng lupa at programang reporma sa lupa ang pag-uudyok sa mga Ati na ipagbili ang lupa matapos ang 10 taon na pagbabawal sa pagbebenta. Hindi nga ba’t iyon mismo ang kahinaan at butas ng mga programa sa reporma sa lupa sa bansa? Bumabalik ang konsentrasyon ng lupa sa mayayaman at makapangyarihan sapagka’t wala namang pondo at kakayahan ang mga binibigyan ng lupa para pagyamanin ang lupa—kung kaya’t mas nakikita nilang mainam na ibenta ito. Baka matapos ang 10 taon ay makita naman nating ‘ligal’ nang mapalayas ang mga Ati dahil sa kung sila’y mahirapan baka matulak silang maibenta ang kanilang lupang ninuno.
Sa kabila ng pagbabago at pagpapaunlad ng isla, mahalagang maisabay rin ang antas ng pamumuhay ng mga lokal na Ati. Napalaya man natin sa karumihan ang isla, hindi naman natin napalaya ang katutubong nababaon sa dumi ng pang-aalipusta ng mga korporasyong banyaga at lokal.
Sa muling pagbabalik ng ingay at sikip ng isla mula sa dagsa ng turista, sana hindi makalimutang paingayin ang isyu ng mga Aklano—na mapalaya sa mahirap na panlipunang kalagayan sa mayamang isla.
The post Laya(s): Ang Kahirapan sa Islang Mayaman appeared first on Manila Today.