Humihiwa ang gutom ng tiyan sa Baseco compound

0
202

Ni R.B.E. ABIVA

Anong kapit-tigas sa pagkakalapat ang kanilang mga labi;
anong lamlam ng kanilang mga mata
na wari’y tahanang walang laman
o naghihingalong sinag-araw kung dapithapon;
anong higpit ang pagkakasaklot
ng luma’t inaamag na rosaryo
sa kanilang butuhan-payat-tuyong dibdib;
at paglapat ng mabangis na anino
sa suwelo ng mundo’y bumabangis din
ang pagbulwak ng nangangalam-nangangasim
na mga mumurahing tiyan;
ang tikatik ng mga lumang orasan sa dingding
ay waring pagbibilang ng kamatayan
na tahimik-palihim na nagkukubli
sa dilim ng mga eskinita at esterong
siyang paraiso ng mga ipis, uod, at daga;
at kapag muling lumangitngit
ang nagsisiklutan-nagpipiglasang mga laman
sa loob ng tiyang bihira kung maambunan
ng katiting ni mumo ng biyaya’y
nagmimistulang karit ang buwan
tingga at bali-baling krus ang mga bituin
at dagat ng mga kalansay at bungo
ang langit na pinagkukutaan ng mga Diyos;
nagkukulay-kalawang ang buong papawirin
at wari’y singaw na mula sa bunganga ng baril
ang hininga’t samyo ng buong Maynila at sangkatauhan
habang animo’y kuko ng limbas ang paparating na gabi;
hayok-mapanlinlang-mabangis itong iaanak ng Kanluran
at anong siba’t ‘alang awa nitong gugutayin-lalamunin
ang duguang araw sa Silangan.

Ang may-akda ay dating bilanggong politikal. Nagsusulat siya ng tula at maikling kuwento sa wikang Iloko at Filipino. Siya ang awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula (Pantas Publishing, Quezon City, 2018). Nalathala na rin ang kanyang mga tula sa Bannawag Magazine, Philippine Collegian ng University of the Philippines-Diliman, Pinoy Weekly, bulatlat.com, Northern Dispatch Weekly at marami pang iba. Nakatakdang ilabas ang kanyang aklat na Bandillo: Limampung Tula Sa Madilim Na Umaga, isang koleksiyon ng mga tulang alay sa martir ng rebolusyon na si Randy Felix Malayao.

Want to read stories like this? Help us keep up continue writing about issues that matter.

The post Humihiwa ang gutom ng tiyan sa Baseco compound appeared first on Bulatlat.