Hustisya ang sigaw

0
225

Hustisya para sa mga biktima ng Mendiola Massacre!

Mga Martir ng Bayan: Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez at Roberto Yumul. Mula noon hanggang ngayon, wala pa ring katarungan sa mga martir ng mendiola at nanatiling walang lupa ang mga magsasaka.

Enero 22, 1987, nagmartsa ang libu-libong magsasaka, manggagawa, kabataan at kapanalig ng magbubukid mula Ministry of Agrarian Reform (MAR) sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City. Ang hiling noon kay Pang. Cory Aquino ay tunay na reporma sa lupa. Sa halip na tugunan ang lehitimong daing ng magsasaka, pinaulanan ng bala ng Philippine Constabulary-Integrated National Police, Philippine Marines at Philippine Army ang mga magsasaka at mamamayan. Labintatlong magsasaka at kapanalig ang nag-alay ng buhay at 51 raliyista ang sugatan. Tatlumpu’t dalawang taon ang lumipas, walang napanagot sa mga nagpasimuno at mga salarin. Walang hustisya at wala pa ring lupa sa magsasaka. Lugmok sa kahirapan at dusa ang masang anakpawis.

Makailang beses nang nagpalit-palit ng Pangulo ng bansa, walang solusyon sa problema ng masa. Nagpapatuloy ang monopolyo ng panginoong maylupa at agri-korporasyong lokal at dayuhan sa malawak na lupaing agrikultural ng bansa. Tumitindi ang piyudal at malapiyudal na pagsasamantala at pangaapi sa kanayunan. Walang nagaganap na aktuwal na pamamahagi ng lupa sa rehimeng Duterte, ang isinasagawa ay ang pamimigay ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA), sa layuning singilin at linlangin ang masa. Nagpapatuloy rin ang pangingibabaw ng malalaking burgesya-komprador sa sistemang export-oriented, import dependent at dominasyon ng dayuhang gahaman sa buong ekonomiya bansa. “Noon, isang kahig isang tuka.” Ngayon, “Kahig nang kahig, walang matuka.”

Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, lalo pang naging miserable ang buhay ng masang anakpawis. Walang lupa ang magsasaka, manggawang bukid, manggagawang agrikultural at kababaihang magsasaka. Itinataboy sa baybay-dagat at pook-pangisdaan ang mga mangingisda, upang bigyang daan ang proyektong para sa interes ng iilan at dayuhan. Siil at napakababang sahod ang tinatanggap ng manggagawang Pilipino. Pinapaslang ang mga magbubukid at katutubong mga mamamayan na nananawagan ng lupa, tutol sa mapanirang pagmimina at pagpapalawak ng mga plantasyon sa Pilipinas. Mahigit 170 magsasaka, katutubo at manggagawang agrikultural na ang biktima ng extra-judicial killings sa panahon ni Duterte.

Libu-libong maralita ang pinatay at inusig sa kampanyang “kontra-droga”, habang ligtas at nagliliwaliw ang mga drug lord at sindikato sa loob ng PNP. Pagtindi ng militarisasyon sa kanayunan dahil sa Oplan Kapayapaan na counter-insurgency program na ipinapatupad ng tiraniya at kontramamamayang rehimen. Dagdag pa ang pagsagasa at pahirap na epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law sa masa at taumbayan.

Ang malakas na hiling ng masang anakpawis, libreng
pamamahagi ng lupa sa magsasaka, manggawang bukid at manggagawang agrikultural,
ngayon na! Tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, susi sa
pag-unlad ng ating bansa. Kailangan ang pagpapaunlad ng kanayunan, kasapatan sa
pagkain at paglikha ng mga industriyang lilikha ng trabaho para sa mamamayan at
magpapasulong sa buong ekonomya. Napakalaki ng potensyal ng bansa at ekonomya
na magsarili at kumawala sa dominasyon ng mga dayuhan kaya’t dapat iwaksi ang
mga neoliberal at makadayuhang patakaran sa ekonomya na ipinapatupad ng
rehimeng US-Duterte.

Mahalaga at may pangangailangang ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP at isulong ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (Caser) para sa interes ng masa at taong bayan. Magbubukid at mamamayan, ibayong pagkakaisa at labanan ang tiraniya ni Duterte. Ipinakita sa ating buhay na karanasan, ang mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng magbubukid at taongbayan kung kaya sumulong at nagkamit tayo ng mga tagumpay. Tutulan ang Martial Law sa Mindanao at buong bansa. Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal. Pag-ibayuhin ang pakikibakang magsasaka para sa lupa at kalayaan ng inang bayan. Magpunyagi sa pakikibaka at magtagumpay.