Hustisya para kay Randy Echanis

0
402

Dalawang araw na nasa kustodiya ng Quezon City Police Distrtict ang labi ng beteranong aktibista, lider-pesante at konsultant pangkapayapaan na si Randall “Randy” Echanis, na isa sa dalawang pinaslang sa isang bahay sa Novaliches, Quezon City madaling araw ng Agosto 10.

Kahit pa kinilala na ng pamilya, kabilang ang asawang si Erlinda Echanis, ang labi niya, pilit na kinuha ng QCPD ang labi ni Echanis na ibuburol sana sa St. Peter’s Memorial Chapel sa Quezon City, gabi ng Agosto 10. Dinala ang labi sa Pink Petal Funeral Home sa La Loma, Quezon City at pinakatan ng maraming pulis. Gabi ng Agosto 10, inaresto pa ang isang paralegal volunteer, si Paolo Colabres, at tinangkang arestuhin ang abogado ng Anakpawis na si Luz Perez. Nabawi lang ang labi nitong gabi ng Agosto 12, matapos tumugma umano ang tumbprints ni Echanis sa labi. 

Kinondena ng iba’t ibang grupong pangkarapatang pantao ang anila’y labis nang paglapastangan sa alaala ng isang kilalang progresibong lider.

“Kinokondena ko ang patuloy na panghaharas ng PNP La Loma-QCPD sa lantarang atake ng pag-agaw ng labi ng asawa ko mula sa amin. Nitong umaga, positibong kinilala ko ang walang-buhay na labi niya na may marka ng tortiyur, maraming saksak at tama ng bala. Ngayong gabi, nakuha namin ang labi niya at nailipat sa isang pinili naming punerarya. Ngayong gabi rin, mahigit 10 pulis mula sa La Loma PNP (Philippine National Police) ang puwersahang kumuha sa labi para ibalik daw sa Pink Petal Funeral Homes sa La Loma,” kuwento ni Erlinda, sa wikang Ingles.

Sa kabila ng mga panghaharas at pagtanggi ng pulisya, iginiit ng kaanak at ng progresibong mga grupo na si Echanis nga ang labi – at siya nga ang pinaslang ng pinaghihinalaang mga elemento ng rehimeng Duterte.

Kuha ni Jon Bustamante

Mahabang pakikibaka

Si Echanis, 71, ay pambansang tagapangulo ng Anakpawis Party-list at deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Isa ang naturang insidente ng pagpatay sa pinakauna at prominenteng kaso ng pampulitikang pamamaslang sa hanay ng mga aktibista at progresibong grupo sa Metro Manila matapos maipatupad ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Ayon sa KMP, brutal na pinaslang ng suspek si Echanis. Pinagsasaksak umano siya hanggang bawian ng buhay. Sabi nga ng asawa niya, may marka pa ng tortiyur at pamamaril ang labi. Anila, mga hinihinalang puwersa ng Estado ang mga salarin. “Nasa amin ang lahat ng rason para paniwalaang gawa ito ng mga puwersa ng Estado at mga mersenaryo ng gobyernong Duterte,” ani Danilo Ramos, pambansang tagapangulo ng KMP.

“Isinulong ni Echanis sa huling apat na dekada ang substansyal na mga reporma para sa mga pesante at pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan. Tanging mga hasyendero, mga land grabber at mga militaristang tutol sa kapayapaan ang naghahangad ng kanyang kamatayan,” saad pa ni Ramos.

Kilala si Echanis o Ka Randy para sa marami, bilang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga magsasaka at tagapagsulong ng pangmatagalang kapayapaan at hustisya.

Isa sa mga pangunahing isinulong ni Echanis, bilang pambansang tagapangulo ng Anakpawis, ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) kasama ng iba pang mga maka-mahirap na mga panukala at resolusyon na inihain ng naturang grupo sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Bukod sa kinabilangang organisasyon ng mga magsasaka at maralita, lumahok din si Echanis, mula 2002, sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas Naging malaki din ang kanyang papel bilang konsultant hinggil sa Agrarian Reform and Rural Development sa pagbubuo ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms.

Naging aktibo din si Echanis sa paglahok sa usapang pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Malaki ang naging papel nito sa pagkamit ng kasunduan hinggil sa prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga negosyador ng GRP noong 2017, bago ang pag-atras ng gobyerno ng Pilipinas sa nasabing usapang pangkapayapaan.

Nangampanya si Echanis para sa pagpapalaya ng lahat ng bilanggong pulitikal matapos makalaya mula sa pagkakabilanggo. Kontribusyon/PW FIle Photo

Tatlong beses ikinulong

Ayon sa KMP, ipinakulong si Echanis ng tatlong presidente – una noong panunungkulan ni Ferdinand Marcos, ikalawa ni Cory Aquino at ni Gloria Macapagal-Arroyo na siyang pinakahuli.

Nakapanayam pa ng Pinoy Weekly si Echanis na kalalaya lang noong 2009, mula sa halos isang taong pagkakakulong. Ito’y matapos ang ilegal na pag-aresto at nang maibasura ang gawa-gawang kaso laban sa kanya kaugnay ng mass graves diumano ng New People’s Army sa Hilongos Leyte.

Si Echanis (naka-green na shirt), bilang bahagi ng Reciprocal Working Committee on Socio-Economic Reforms para sa NDFP, sa ikaapat na round ng usapang pangkapayapaan noong 2017. Jon Bustamante

Naghahanda si Echanis para sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at administrasyong Arroyo nang aming makapanayam. Tatalakayin ng magkabilang panig ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

“Sabihin na nating ito ‘yung pinakalaman, pinakamahalaga sa mga agenda ng usapang pangkapayapaan. Ito yung magsisikap na magbigay ng solusyon sa mga problema ng mga mamamayan, lalo na sa pangkabuhayan: reporma sa lupa sa mga magsasaka, usapin ng mga manggagawa at iba pang sektor, na siya namang pinag-uugatan ng labanan, ng civil war sa kasalukuyan sa ating bansa,” sabi noon ni Echanis.

Kahit umano nakulong ng tatlong beses, saad ng KMP, nagpatuloy anila si Echanis sa pagkilos para sa tunay na reporma sa lupa at makatarungang kapayapaan. “Ibinigay ni Ka Randy ang kanyang buhay para sa mga magsasaka at sa sambayanan,” sabi ng grupo.

Iginiit din ng KMP ang hustisya para kay Echanis at nanawagan ng pambansang pagkondena sa pagpaslang sa naturang lider-magsasaka.

“Ang pagpatay sa kanya ay ginawang mas malupit at walang puso sa kabila ng isang pandemya na ang kamatayan at kagutuman ay malaganap. Dapat managot ang rehimeng Duterte na paulit-ulit na nagsasalita at kumikilos laban sa tunay na reporma sa lupa at isang makatarungang kapayapaan,” pagtatapos ni Ramos.