Isa, pakikiisa

0
223

Sa isang iglap, gumuho ang mundo ni Tin (Liza Soberano). Naglaho ang kanyang mga pangarap. Nagsara ang mga oportunidad na minsang nagkikislapan sa hinaharap. Balisa siya sa biglang pagbabago ng mundo niya.

Sa pelikulang Alone/Together (dinirehe ni Antoinette Jadaone para sa Star Cinema), minsang estudyante ng art studies sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman si Tin. Marami siyang ambisyon sa buhay: makapagtapos nang may latin honors (magna cum laude), kumuha ng karanasan sa pagtatrabaho sa mga museo sa Pilipinas, magtrabaho sa pinakamalalaki at pamosong museo sa ibang bansa – sa Metropolitan Museum sa New York, Amerika, at Musee D’Orsay sa Paris, France. “Baguhin ang mundo,” sabi niya sa kaibigan/kasintahang si Raff (Enrique Gil). “Gusto mo, isama pa kita.”

Pero ang pangarap niyang magtrabaho sa ibang bansa, para lang makakuha ng karanasang magagamit sa paglilingkod sa sariling bayan. “Babalik ako,” pangako niya sa paboritong propesor (Nonie Buencamino).

Inilalarawan ng planong ito ni Tin ang dahilan ng pangingibang bansa ng libu-libong – baka pa nga milyun-milyong – miyembro ng panggitnang uri na nagtapos ng kolehiyo sa Pilipinas. Dahil walang masyadong oportunidad para isapraktika ang propesyon sa isang bansang atrasado, agrikultural at walang sariling industriya, natutulak silang mangibang bansa. Kasama na sa natutulak dito ang mismong mga iskolar ng bayan, mga pinag-aral ng buwis ng mga mamamayan sa state universities and colleges. Pero kahit papaano, ang ilan sa kanila, tulad ni Tin, binibigyang katwiran ang pangingibang bansa: babalik naman sila para iaplika sa sariling bansa ang mga natutunan sa mga banyaga.

Pero hindi na umabot sa pangingibang bansa si Tin. Pagkagradweyt, sa kanyang unang pinasukang trabaho, nasangkot siya sa pagnanakaw ng isang boss na tumakas. Nagkakaso siya. Naglaho ang mundo niya.

Apektado pati ang relasyon niya kay Raff. Hindi maipaliwanag ng pelikula kung bakit. Pero anu’t anuman, tila kasama sa mundong ito ni Tin na gumuho ang relasyon nilang dalawa. Magkakambal ang pangarap na mangibang bansa at pag-iibigan nila. Nang maglaho ang una, nawala na rin ang pangalawa.

Ito na marahil ang pinakaseryosong pelikula ng tambalang LizQuen (Liza Soberano-Enrique Gil). Bagamat romantikong pelikula pa rin – hindi mo maaasahang lumihis dito ang sistemang loveteam ng Star Cinema at ABS-CBN – lumilihis sa pangkaraniwang love story ang Alone/Together. Bagamat may mga pagkakataong sumasablay pa sa pananalita (halatang hindi natural managalog ang iskolar ng bayan na si Tin), sa pangkalahata’y sakto ang pagganap nina Liza at Enrique. Baka ito rin ang unang pagkakataon sa karera ng LizQuen na tumangan sila ng mga karakter na nasasadlak sa seryosong mga problema na huhubog sa pagkatao ng mga karakter nila.

Nalampasan lang ni Tin ang krisis niya dahil sinagip siya ng isa pang lalaki – pero mistulang binihag din siya nito sa mundo at propesyong hindi niya ginusto o pinlano. Muling pagkikita nila ni Raff matapos ang limang taon ang naghudyat kay Tin na balikan ang nakaraan—nakaraang pangarap at pag-ibig. Kasabay ng panunumbalik ng pangarap at pag-ibig ang panunumbalik ng kagustuhang “baguhin ang mundo.”

Interesante marahil para sa naging estudyante ng UP at mga aktibista na binudburan ang pelikula ng ilang imahen ng aktibismo at mga isyung panlipunan. Sa lektyur ni Tin hinggil sa Spoliarium, binigyan-diin niya ang hindi paglimot sa mga leksiyon ng nakaraan. “Never forget,” sabi niya. Napapanahon sa panahong nanunumbalik ang mga Marcos sa pulitika at lumalakas ang pasismo sa gobyerno. Sa mga eksena sa UP, may mga aktibistang dumadaan sa AS Steps, may mga nagsasagawa ng lightning rally sa graduation. Sa isang eksena ng porum sa Vargas Museum, tinatalakay na dapat paglingkurin ang sining sa sambayanan.

Sa isip ni Tin, bahagi ng paglilingkod sa sambayanan ang (naudlot na) pangingibang bansa. Sa isang banda, totoo naman ito. Malaki ang papel ng mga migranteng Pilipino sa ekonomiya ng Pilipinas. Totoo ring maaaring makakuha ng kaalaman ang mga migrante na maiaambag pagbalik sa sariling bayan. Totoo ring sa ilang pagkakataon sa kasaysayan, nagkakasabay ang pangarap at pag-ibig ng burgesya sa pangarap at pag-ibig ng nakararami. Noong panahon ni Juan Luna at ng kolonyalismong Espanyol, nagkatugma ang ambisyon ng mga ilustrado na mamuno sa sariling bansa sa hangarin ng malawak na masang Pilipino na lumaya mula sa kolonyalismo. Ang hangarin ng isa, o ng iilan, nagkakatugma sa hangarin ng nakararami.

Sa kabilang banda, dumarating din sa punto ng kasaysayan na maghihiwalay ng landas ang burgesya at masa, ang indibidwal at kolektibo, ang mga katulad ni Tin at ang sambayanang nagpaaral sa kanya. Kung sana’y napalalim niya ang kahulugan ng sinisigaw ng mga aktibista noong graduation nila – paglingkuran ang sambayanan! – matatanto niyang para mabago ang mundo, kailangang muling makaalpas sa makitid na ambisyon ng nag-iisa, para sa nakararami’y makiisa.