Nagprotesta ang Pepsi Cola Workers Association (PCWA), grupo ng mga kontraktwal na manggagawa sa planta ng Pepsi Cola, at Kilusang Mayo Uno Metro Manila (KMU-MM), sa tarangkahan ng pabrika ng Pepsi sa Tunasan, Muntinlupa, Hunyo 14.
Kasama ang isang daang kontraktwal at casual na manggagawang tinanggal sa trabaho ng Pepsi Cola Philippines Products, Inc. (PCPPI), ipinanawagan nila ang agarang pagpapabalik sa mga tinanggal na manggagawa noong Hunyo 11. Apat na araw nang walang trabaho ang nasa higit 1,000 kontraktwal na manggagawang tinanggal noong Lunes.
Tigil-operasyon, tigil-kabuhayan
Ayon kay Jembert Navarro, isang forklift operator sa pabrika na tinanggal ng kumpanya, ang pagpapahinto sa kanila sa trabaho ay bunsod ng pagpapasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa anim na deep-well na pinagkukuhanan at pinag-iimbakan ng tubig sa loob ng pabrika.
“Ang sabi sa meeting kasama ng mga regular, “All casual, pull-out“. Kasi wala nang tumatakbong linya [ng tubig] eh. Sa ganoong nangyari, naapektuhan kami. ‘Yung iba sa amin, diyan lang umaasa,” salaysay ni Navarro, na limang taon nang nagtatrabaho sa kumpanya at magpahanggang noong nakaraang linggo ay kontraktwal pa rin ang status sa kumpanya.
Taong 2004, naglabas ng batas ang DENR hinggil sa pagbabawal ng paggamit ng deep well sa loob ng pabrika. Ayon sa mga manggagawa ng PCWA, taong 2011 pa lamang ay nakabinbin na ang notice ng DENR hinggil sa pagpapatigil nito sa paggamit ng deep well ng soda company. Ikinadismaya ng mga manggagawa ang pitong taong pagsasawalambahala ng kumpanya sa notice ng ahensya ng gobyerno na siyang nagtulak upang biglaang putulin ang linya sa tubig sa pabrika at nakapag-antala ng operasyon sa buong pagawaan.
“Una pa lang, alam na nila ang isyu na ‘yan eh. Dapat ‘yan pinaghandaan na nila kung paano sila mag-iimbak ng tubig. Kung gaano ba karaming tubig ang kakayaning kainin ng makina, ng bawat linya. Kasi, kung tutuusin, ilang libong litro ng tubig ang kailangan. Baka nga sa isang linya umaabot ng ilang libong litrong tubig ang nasasayang sa paghuhugas ng bote,” salaysay ni Navarro.
Aniya, “June 11, pinasok ‘yan ng DENR. Maaga ‘yan, mga 8 o 9 [ng umaga]. Pero tingin namin may notice na ‘yan sa mataas. Hindi lang sinabi sa amin. Kasi hindi ‘yan pwede pasukin ng DENR nang walang notice ‘yan eh. Kung papasukin nang walang notice, bypass ang tawag doon. Eh sa yaman ng Pepsi Cola, imposibleng hindi nila kasuhan ang DENR [kapag] pinasok sila nang basta-basta nang walang notice.”
Pinangangamba ng mga manggagawa na maaaring may kasunduang naganap sa pagitan ng PCPPI at ng DENR kaugnay ng hindi agad pagpapatupad sa notice na binigay ng kagawaran sa kumpanya.
Ayon sa pahayag ng PCWA, nalalapit na rin dapat ang kolektibong pakikipagtawaran o Collective Bargaining Agreement (CBA) sa pagitan ng unyong Pepsi Cola Labor Union (PCLU) at ng PPCPI bago nangyari ang pagtanggal sa mga kontraktwal.
Laban para sa pagbabalik sa trabaho at regularisasyon
Ayon sa mga manggagawa, ang 1,000 na kontraktwal na tinanggal ay tiyak na makapagpapalala sa tumitinding kagipitang nararanasan ng mga manggagawa.
Ibinahagi ni Jose Jalandoni Sanao, isang sweeper ng Pepsi Cola, ang kanyang hinaing hinggil sa biglaang pagpapahinto sa kanila sa trabaho.
Salaysay ni Sanao,”13 years na ako sa loob, ang ipinaglalaban namin sana po ang hanapbuhay namin ay permanente. Kung tutuusin nga dapat kami ay regular. Sa panahon ngayon ng kagipitan, hindi nila kami kayang tustusan, hindi nila kami kayang tulungan? Paano po ang aming mga anak, asawa, bahay na inuupahan, tubig na binabayaran, kuryente? Para nila kaming pinapatay sa ngayon.”
Banggit ng mga manggagawa, ang kanilang kilos-protesta ay isang hakbang sa pagpapanawagan sa kanilang karapatan sa tiyak na trabaho. Ayon sa pahayag ng PCWA, kumita ang Pepsi Cola ng halagang P30.3 bilyong piso taong 2017, kung kaya’t kaya ring bayaran ng kumpanya ang arawang sahod ng lahat ng manggagawang apektado sa tigil-operasyon ng pabrika bilang kumpensasyon.
Bukod sa kumpensasyon sa mga araw na pinahinto ang mga manggagawa sa trabaho, ipinaglalaban din ng grupo ang kagyat na pagpapanumbalik sa mga kasama nilang tinanggal at pag-regularisa sa kanila.
Wika ng ilang manggagawa, mayroon sa kanilang nareregular lamang sa mga agency, kung kaya’t hindi rin ramdam ang mga benepisyo na dapat ay natatamasa sa kanilang kumpanya.
“Ang nangyari po ngayon ay sama-samang pagkilos, bilang hinaing naming mga manggagawa. Kung wala pong pagkilos, wala pong mangyayari. Sabi sa batas, anim na buwan lamang ay dapat ka nang gawing regular, pero bakit hindi nila magawa?” dagdag ni Sanao.
Naninindigan ang mga manggagawa na patuloy nilang iaabante ang kanilang laban upang sila’y maibalik sa kanilang mga trabaho.
Umuugnay din ang Manila Today sa PPCPI upang makuha ang kanilang panig hinggil sa isyu, ngunit hindi pa ito nakatutugon sa oras ng paglabas ng balitang ito.
The post Isang libong manggagawa mula sa Pepsi Cola, iligal na tinanggal sa trabaho appeared first on Manila Today.