JV ASKS JMS: Hinggil sa araw ng paggawa at kalagayan ng uring manggagawa

0
238

Ipagdiriwang ng bansang Pilipinas at ng mga manggagawa sa mundo sa Mayo 1 ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Para sa mga unyong manggagawa, gugunitain nila ang naging tagumpay ng kilusang paggawa sa higit isang siglong pakikibaka para sa mga karapatan ng manggagawa at ang mga patuloy na hamon at pakikibaka para sa disente’t produktibong mga trabaho, nakabubuhay na sahod, kaligtasan sa paggawaan, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, at marami pang iba. Samantala, ang Mayo 1 ang kadalasang pagkakataon ng gobyerno upang maglunsad ng job fair sa libu-libong Pilipinong walang regular na hanapbuhay, kabilang ang mga kasalukuyang college graduates.

Anu-ano nga ba ang mga pangunahing isyu na kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino? Ano-ano nga rin ba ang mga hamon at hinaharap para sa kanila?

 

Hilahil ng manggagawang Pilipino

Ipinaliwanag ni Prof. Jose Maria Sison, CPP founding chairman at NDFP chief political consultant na humaharap ang uring manggagawa sa mga isyu at suliraning ibinubunga ng dominasyon ng dayuhang monopolyo kapitalismo at mga lokal na nagsasamantalang uri ng malalaking komprador, asendero at bulok na burukrata “sa malakolonyal at malapyudal na sistemang naghahari sa Pilipinas.”

Aniya, “Ipinagkakait ng mga ito ang demokrasya at hustisya sosyal sa masang anakpawis,”

“Hinaharap ng uring manggagawa ngayon ang patakarang neoliberal na pataw ng imperyalismong US sa Pilipinas, ang malaking bilang ng walang trabaho, maiigsing kontraktwalisasyon, mababang pasahod, lumilipad na presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo, at kawalan ng serbisyong panlipunan sa kanila,” pagpapalawig niya sa kanyang pahayag.

“Dinaranas ng uring manggagawa ang mga problemang dulot ng pagpapataas ng tubo ng mga dayuhan at lokal na kapitalista.  Sa gayon, lumalaban sila para sa pambansang kalayaan, demokrasya at mas mabuting kondisyon sa pasahod at kabuhayan,” ayon kay Prof. Sison.

Ang punto ni Prof. Sison hinggil sa polarisasyong panlipunan ay pinapatunayan ngayon ng pagsasama-sama ng mga konserbatibo, liberal, at progresibong unyon ng mga manggawa para sa isang malawak na aksyong masa sa Mayo 1, bilang pagkondena sa pagdadalawang-isip ni Presidente Duterte na tuparin ang kanyang pangako na lulutasin ang kontraktwalisasyon sa paggawa.

Lumitaw din umano na kontra-manggagawa at sinungaling si Duterte sa pangakong tapusin ang kontraktwalisasyon sa oras na maging presidente siya.

“Dagdag pa rito, idinadahilan ang umano´y proyektong Build, Build, Build para gawin ang TRAIN Law na pampataas ng buwis at presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo.”

Ipinaliwanag niya na maagap namang binabatikos at binabaka ng makabayan at demokratikong kilusan ang mga sirang pangako at mga nagpapalubha sa hirap ng mamamayan na dulot ng rehimeng Duterte.

Maagap umano ang BAYAN sa pagtuligsa sa neoliberal na 10-point socio-economic program ni Duterte na ipinahayag ng kanyang economic team noong Mayo 2016 bago pa siya sumumpa bilang presidente.

“Sa ligal na kilusang demokratiko, angkop lamang ang pakikibaka na magkaanyo ng kombinasyon ng paghaharap ng hinaing at petisyon sa mga maykapangyarihan.”

May pagkakaiba naman umano ang legal na anyo ng pakikibaka sa anyo ng armadong pakikibaka.

“Mabilis ang pagbulusok ng kalagayan ng masang Pilipino sa matinding paghihirap.  Bunga nito, mabilis ang polarisayon ng lipunan at natutulak na magkaisa ang mga progresibo, liberal at konserbatibo sa isang malawak na nagkakaisang hanay para labanan, ihiwalay at gapiin ang ultra-reaksyonaryong rehimen ni Duterte,” paliwanag niya.

 

Kasaysayan ng Pagbangon ng Manggagawang Pilipino

Muling ikinuwento ni Prof. Sison ang mahabang panahon ng ispontanyo at organisadong paglaban ng mga manggagawang Pilipino.

“Sa paghinog pa lamang ng lumang demokratikong rebolusyon noong huling dekada ng ika-19 na siglo, lumitaw na sa hanay ng mga manggagawa ang makabayan at makauring diwa laban sa kolonyalismong Espanyol.”

“Sa gayon, naging tampok ang pagkilos ng mga manggagawang tulad ni Andres Bonifacio, at sa mga gremyo ng mga manggagawa sa pantalan, bodega, tabakalera, palimbagan at iba pang mga empresa.”

Nagkaroon naman ng mga ispontanyong welga laban sa imperyalismong US at sa pamamayani ng mga ilustrado at kasike sa unang rebolusyonaryon gobyernong g Pilipino.

“Pagdating ng Enero 1902, binuo ang Union Obrera Democratica para tipunin ang mga naunang inorganisa na mga makabayang unyong industriyal.”

“Pagdating ng Mayo Uno ng 1903 may malaking pagtitipon ng mga manggagawa para ipagbunyi ang Internasyunal na Araw ng mga Manggagawa.”

Iyon umano ang unang selebrasyon ng Mayo Uno bilang Araw ng Paggawa sa Pilipinas.

Sumunod naman umano ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng modernong unyonismo sa Pilipinas.

“Ang kinikilalang pundador ng UOD na si Isabelo de los Reyes ay pundador din ng Iglesia Filipina Independiyente (IFI). Suportado ng IFI ang kilusang paggawa.  Galing sa Simbahang Katolika ang mga pari at mananampalatayang IFI.”

 

 

Papel ng Simbahang Katolika

Subalit ang Simbahang Katolika umano ay nanatiling reaksyunaryo sa usapin ng kilusang paggawa sa loob ng mahabang panahon, pagbabalik niya sa kasaysayan.

“Sa pasimuno ng mga Heswita, nag-umpisa noong dekada-30 ang mga pag-aaral sa Ateneo de Manila tungkol sa social encyclicals ng Papa para magtaguyod ng ideya ng hustisya sosyal na atrasado at salungat sa Bolsebismo at sosyalismo.”

(Tumampok ang katarungang panlipunan bilang pundasyon ng panlipunang turo ng Simbahan nang naglabas si Papa Leo XIII ng isang sulat-ensiklkal na pinamagatang  Rerum Novarum na tumatalakay sa mga pagbabagong panlipunan at sa kawalang-katarungan na naranasan ng mga manggagawa sa kasagsagan ng Rebolusyong Industriyal. Sinundan naman ito ni Papa Pio XI na naglabas ng kaparehong sulat-ensiklikal na pinamagatang Quadragesimo Anno. Ang mga magkasunod na sulat-ensiklikal na ito ay pareho ngang sumusuporta sa paghahangad ng masa para sa katarungang panlipunan, ngunit pareho ring bumabatikos sa ideyolohiyang Komunista na sumusulpot pa lamang noong panahong iyon.)

Sa hanay naman ng mga kastilang prayleng Dominikano, aniya, nagkaroon ng marami sa kanila na may simpatiya umano sa pasismo ni Franco na pumuksa sa kilusang paggawa sa Espanya.”

“Sa dekada-50, kaugnay ng pagsupil sa Partido Komunista at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan at pangingibabaw ng kontra-komunismo ng Cold War, nagtayo ang mga Heswitang Amerikano ng Institute of Social Order sa tangkang agawin ang inisyatiba sa hanay ng mga manggagawa. Sa klimang ito, naitayo nila ang Federation of Free Workers.”

“Sa dekada-60, sumulpot ang Second Vatican Council na nagbunga ng relatibong progresibong agos sa hanay ng mga pari at madre ng Simbahang Katolika.  Mula sa agos na ito sumibol ang mga seminal na elemento ng Christians for National Liberation(CNL) noong 1969.”

Itinayo ang CNL noong Pebrero 1972.

Lumikha ng malakas na ingay sa Simbahang Katolika ang liberation theology – kaisipan ng lubusang pakikiisa nito sa araw-araw na pamumuhay ng mga dukha at paglaban sa mga inhustisyang istruktural. Noong mga panahong iyon, umalingawngaw ang mga progresibo at maka-masang atas ng Second Vatican Council na naglalagay sa Simbahan sa panig ng mga mahihirap. Sumabay pa rito ang dalawang magkasunod na sulat-ensiklikal ni Papa Juan XXIII (na ngayon ay San Juan XXIII) na pinamagatang Mater et Magristra at Pacem in Teris na parehong tumutunghay sa nagpapatuloy na paghahangad para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Sinundan naman ito ni Papa Pablo VI (na ngayon ay Beato Pablo VI) na naglabas ng sulat-ensiklikal na pinamagatang Populorum Progressio na tumatalakay naman sa pag-ahon ng mga mamamayan sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig mula sa paghihikahos.

(Makalipas ang maraming taon, pinayabong nina Papa Juan Pablo II (na ngayon ay San Juan Pablo II, patron ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan), Papa Benedikto XVI, at Papa Francisco ang mga panlipunang turo ng Simbahan. Ilan lang sa mga sulat-ensikliko na kanilang isinulat hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa at sa mga kawalang-katarungan na nangyayari sa lipunan ay ang Laborem Exercens, Sollicitudo rei Socialis, Centesimus Annus, Caritas in Veriate, at Laudato Si.)

Magmula noon umano, banay-banay na sumulong ang CNL hanggang bumilis ito dahil sa pagpataw ni Marcos ng pasistang diktadura sa Pilipinas.

“Malaki ang naging papel ng CNL para labanan ang mga paglabag sa karapatang tao at itaguyod ang kilusan para sa pambansa at pagpapalayang panlipunan.”

Sa ngayon, pagtataya niya, malaki at malakas na ang CNL sa buong Pilipinas. Kumikilos ito sa paraang underground.

Umusbong din ang iba’t ibang ligal na mga grupo at alyansa ng mga taong-Simbahan na lantarang tumitindig para sa mga mahihirap at inaapi gaya ng AMRSP, GOMBURZA, Church Peoples-Workers Solidarity, PCPR, Solidarity Philippines, at National Clergy Discernment Group.

Magkasama umano ngayon ang mga Katoliko, IFI at mga Protestante pagdating sa mga alyansang ekumenikal at multi-sektoral.

“Mataas ang determinasyon nila na labanan ang mga ginagawa ni Duterte at mga kampon niya sa paglabag sa mga karapatang tao at sa mga pagmumura at pag-alipusta sa mga relihyoso at taong simbahan.”

Habang ang artikulong ito ay sinusulat, naging laman ng mga balita si Sr. Patricia Fox, NSD, dahil sa napipintong pagpapa-deport sa kanya mula rito sa bansang ito dahil sa umano’y pagsali sa mga gawaing pulitikal. Kinondena ito ng iba’t ibang organisasyon bilang isang uri ng panggigipit sa mga human rights defenders, lalong-lalo na sa mga taong-Simbahan na tumutulong sa mga mahihirap na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Nililinaw naman ni Sr. Pat na ang kanyang mga ginagawa ay bahagi ng propetikong misyon ng Simbahan: buong-pagpupunyaging itayo ang Simbahan ng mga Mahihirap, tumindig para sa mga mahihirap at makiisa sa kanilang araw-araw na paghahangad para sa dignidad.

Nabalita rin ang pagpatay kay Fr. Mark Ventura, isang batang paring Katoliko, noong Abril 29, bandang alas-otso ng umaga, matapos niyang magdaos ng misa sa Peña Weste, Gattaran, Cagayan. Kilalang aktibo si Fr. Ventura sa Archdiocese of Tuguegarao sa mga kampanya para sa proteksyon sa kalikasan, mabuting pamamahala at kapayapaan. Kilala rin siyang tutol sa malaking mina at tumutulong sa mga pambansang minorya sa kanilang lugar.

 

Hamon sa gitna ng eleksyon, usapang pangkapayapaan at paghahangad ng pagbabagong panlipunan

Mahalaga umano para sa mga manggagawa at sa sambayanan ang pagsisikap na buhayin muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

“Pero huwag tayong masyadong umasa sa usapang ito dahil sa madaling magbago ang isip at postura ni Duterte at hindi pa maliwanag kung binitiwan na niya ang malisyosong ambisyong magpataw ng pasistang diktadura sa Pilipinas sa ilalim ng karatula ng pekeng pederalismo.  Masyadong marahas at sakim ang mga bumubuo sa naghaharing pangkating Duterte,” paalala ni Prof. Sison.

Ipinapaalala rin ni Prof. Sison na hindi dapat umasa sa mga halalan ng naghaharing sistema para baguhin ang sistema ng pang-aapi at pagsasamantala.

“Kabaligtaran ng pag-asang magbunga ng mabuting presidente ang halalang 2016, lumabas na mahusay lang pala si Duterte sa pangangako at pambobola,” paliwanag niya

“Gayunman, ang mga legal na pangyayari tulad ng halalan at usapang pangkapayapaan ay mga pagkakataon para ilahad ang mga proglema at isyu na mahalaga sa uring manggagawa at iba pang mga uri at sektor na inaapi at pinagsasamantalahan.”

“Sikapin nating lumaganap ang kamalayang pambansa-demokratiko at sumulong ang mga makabayan at progresibong Partido at kandidato sa mga halalan.”

Pagkakataon din umano ang usapang pangkapayapaan para ipalaganap ang Programa ng NDFP para sa demokratikong rebolusyon ng bayan, itaas ang kamalayang ng sambayanang Pilipino at palawakin ang kanilang pwersang rebolusyonaryo.

Aniya, dapat umasa sa sariling pagkilos ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino para labanan ang mga imperialista at mga lokal na mapagsamantalang uri at para lumaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga ito.

“Kapag matatag at militanteng lumalaban ang sambayanang Pilipino ayon sa pamumuno ng uring manggagawa at rebolusyonaryong Partido nito, tiyak na susulong  muli ang rebolusyon para lubusin ang demokratikong rebolusyon at tumuloy sa  rebolusyon at konstruksyong sosyalista.”

The post JV ASKS JMS: Hinggil sa araw ng paggawa at kalagayan ng uring manggagawa appeared first on Manila Today.