Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pasya na buhaying-muli ang nakabinbing usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kanyang gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa isang pagpupulong ng kanyang gabinete noong nakaraang linggo. Bubuhayin umano ang usapang pangkapayapaan kung ilalatag ang isang kasunduan hinggil sa tigil-putukan at ang pagpapatigil sa umano’y pangongolekta ng New People’s Army (NPA) ng ‘revolutionary tax.’ Nais din niyang idaos ang mga pag-uusap dito sa bansang Pilipinas.
Ang mga kondisyon na binanggit ni Duterte ay taliwas sa Deklarasyong Hague at Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Gayunman, sinusuportahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga kondisyong ito sa paniniwalang magbibigay-daan ito sa pagsuko ng Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA. Tinututulan naman ng mga organisasyong masa ang mga kondisyon ng gobyerno para sa pagbubuhay sa usapang pangkapayapaan at tinutulak ang gobyerno na sa halip ay diinan ang pagbubuo ng kumprehensibong kasunduan para sa panlipunan at pang-ekonomyang reporma.
Tumitindi ang krisis panlipunan at pampulitika sa bansa, gayundin ang krisis sa karapatang-pantao. Hindi malayong ang mga sitwasyong ito ang nagtutulak sa administrasyong Duterte na pana-panahong pasulputin ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, kundi mismong ituloy ang muling pagbubukas nito.
Pero anu-ano kaya ang mga pangunahing pangyayari na nagtulak sa presidente na buhaying-muli ang usapang pangkapayapaan? Anu ang haharaping kalagayang pampulitika sa bansa at ang magiging papel ng progresibong puwersa at iba’t ibang sektor sa lipunan?
Habang tinatapos ang sulating ito, naghahanda ang NDFP para sa paggunita sa ika-45 taong anibersaryo ng pagkakabuo nito.
Atras-abante si Duterte
Sa panayam kay NDFP Chief Political Consultant Jose Maria Sison, sinabi niyang nagpakita ang rehimeng Duterte ng bangis sa war on drugs, pagdurog sa Marawi City at paglaban sa mga pwersang rebolusyonaryo at sambayanang Pilipino sa unang dalawang taon nito, pero hindi rin naman nagpatinag ang sambayanang Pilipino sa pagtaguyod sa kanilang karapatan.
“Inakala ni Duterte na masisindak ang sambayanang Pilipino at kakayanin niyang i-pwersa ang ConAss at Chacha sa kanila. Pero ibayong lumalaban ang sambayanan sa iba´t ibang anyo ng pakikibaka at lumitaw ang broad united front ng mga organisasyong pambansa demokratiko, mga panggitnang saray, mga partidong oposisyonista at mga simbahan,” paliwanag niya sa mistulang kabiguan ng mga ‘kaalyado’ ng presidente na itulak ang mga pagbabago sa kasalukuyang saligang-batas ng bansang Pilipinas, lalong-lalo na sa mga probisyon nito sa pulitika at ekonomya.
‘Di rin umano maaaring ikaila ni Duterte na habang lumalala ang krisis pamupulitika, lumalala ang krisis sa ekonomiya.
“Pinataas niya ang buwis sa consumer goods and services para may panggastos sa burukrasya at militar, korupsyon at pambayad sa naipong utang at inaasahang utang mula sa Tsina. Ngayon (dahil sa TRAIN Law), nagliliparan ang presyo ng consumer goods and services; at dahil sa implasyon, galit ang mga tao, pati mga dati niyang supporter.”
Kung kailan lamang, sabi niya, parang o nagkunwaring natauhan at umatras ang presidente sa dating ambisyong magtayo ng pasistang diktadura sa pamamagitan ng pekeng pederalismo at sampung taong transisyon na siya ang diktador.
“Payag na siyang magkaroon ng regular na halalan sa 2019 at nag-alok pa siya sa NDFP na magkaroon muli ng usapang pangkapayapaan.”
Paghahanda para sa halalan
Sa kasalukuyan, naghahanda na ang mga mamamayan sa paparating na halalan sa barangay sa Mayo, matapos mabigo ang Kongreso na muli itong iurong. Ngayon pa lang din ay mga maagang paghahanda na ang malalaking pulitiko para sa nalalapit na pambansang halalan sa 2019.
May pagtataya si Prof. Sison na ang PDP-LABAN ni Presidente Duterte at Liberal Party (LP) ni Vice-President Leni Robredo ang magiging mayor na magkalaban sa halalan sa susunod na taon sa pambansang antas.
Posible umanong isaalang-alang ng mga partidong ito sa kanilang plataporma ang mga pangunahing problema ng bayan dahil malubha na ang krisis at may tulak ang mga makabayan at progresibong organisasyon at usapang pangkapayapaan.
Naniniwala siya na malaking kapital ng PDP-LABAN ang signipikanteng pagsulong ng peace negotiations. Susulong naman ito kung taglay ng mga kasunduan ang pambansang kasarinlan, demokrasya, hustisya sosyal at independyenteng patakararang panlabas.
Pero ang LP naman ay sumusuporta rin umano sa peace negotiations. Ipinaliwanag niya na “mapapasama ang katayuan ng PDP-LABAN sa eleksyon” sa oras na itigil o pigilin umano ng rehimeng Duterte ang pagsulong ng usapang pangkapayapaan.
“Tampok na sangkap ng kalagayan ang peace negotiations. Pero marami pang mahalagang sangkap tulad ng kalagayan sa ekonomiya at kung paano tinutugunan ng mga partido ang mga hinaing ng masang Pilipino sa larangan ng ekonomya at pulitika.”
“Gusto ng grupong Resistance sa LP na tuunan ang makabayan at progresibong paninindigan. Ganundin ang ilang bahagi ng rehimeng Duterte, subalit mas may pananagutan na ang rehimen sa mga paratang ng pagiging papet, korap, malupit, mapanira, atbp,” ayon kay Prof. Sison.
“Gayunman, may lamang ang rehimen at PDP-LABAN sa paggamit sa kapangyarihan at pondo ng gobyerno para magtayo ng malakas na makinarya sa halalan, laluna sa antas ng barangay. May supermajority ito sa Kongreso, laluna sa Mababang Kamara at meron pang Kilusang Pagbabago na gagamit sa DILG.”
“Kahit na may malaking bentahe ang rehimen at PDP-Laban, puwedeng singilin sila ng oposisyon at ng bayan tungkol sa maraming mahalagang isyu. Malamang na patuloy ang pagsama ng ekonomya at pagsingil sa rehimen tungkol sa mga paglabag sa mga karapatang tao kung walang pagsulong ng peace negotiations.”
Papel ng mga progresibong puwersa
Ipinaliwanag niya na may tindig at kilos na independiyente at may inisyatiba ang Makabayan bloc at mga organisasyong masa na makabayan at progresibo pagdating sa pakikipag-alyansa sa mga pulitiko.
Kasali pa nga umano sila sa broad united front ng Movement against Tyranny sa kasalukuyan.
Kung gayon, may batayan umano sila para lalong makipagkaisa sa LP.
Pero kung maging seryoso ang rehimen sa peace negotiations at maging matagumpay ito, sabi ni Prof. Sison, makakakuha umano ito ng malaking kredito at bentahe para sa halalan ng 2019.
“Lagot ang partido ni Duterte kapag lumitaw itong hadlang o salungat ito sa makatarungang kapayapaan.”
“Sa antas ng mga kandidatong senador, sinumang kandidato ng anumang partido ay magiging mabango kung kinikilala ng bayan na tagapagtaguyod ng peace negotiations at mga reporma na kailangan para lutasin ang sandatahang tunggalian at pagkakaroon ng makatarungang kapayapaan,” ayon sa kanya.
“Dahil malaki ang baseng masa ng CPP, NPA, NDFP, malaking bahagi ng electorate ang nasa pamumuno nila. Kahit na hindi sila magpatakbo ng mga kandidato, kaya nilang sabihan ang mga botante kung sinu-sino ang mga dapat ihalal.”
Sa tingin naman niya, darami ang makabayan at progresibong kandidato na mananalo, maging sa ilalim ng Makabayan Bloc at ng ibang partido.
Papel ng iba’t ibang sektor ng lipunan
Gagawin umano ng US ang lahat ng makakaya para panatilihin ang kanyang pangkalahatang paghahari sa Pilipinas.
“Dahil nasa accelerated strategic decline ang US, sinisikap ng Rusya, Tsina at Hapon na magpalaki ng bisa at impluwensya sa Pilipinas.”
Ganundin umano ang European Union.
“Laging may kinalaman sa pulitika ng Pilipinas, laluna sa eleksyon, ang malalaking negosyanteng lokal at dayuhan. Mayroon silang cash at facilities na pwedeng gamitin ng mga pulitiko sa kampanya,” paliwanag ni Prof. Sison hinggil sa mapagpasiyang papel ng malalaking negosyo sa pangangampanyang elektoral.
“Ang mga Simbahan sa pangkalahatan ay umiiwas sa akusasyon na nakikialam sa estado at lumalabag sa principle of separation of church and state. Hindi ito nakikialam sa eleksyon liban kung nagagambala o nasisira ang interes nitong materyal at ispiritwal. Pero kaya nito na lumaban sa anumang personahe o partido na kontra-Simbahan o labis na nang-aabuso sa karapatang tao.”
Ayon kay Prof. Sison, karamihan ng malalaking mass media network ay pag-aari ng malalaking burgis na pamilya at kontrolado rin ang mga ito ng kanilang mga advertiser na malalaking korporasyon na lokal at dayuhan (na nagpopondo rin sa malalaking pulitiko).
Karagdagang paliwanag niya, ang mga mayor na mass media network ay kampi sa gusto ng may-ari at ng pinakamalalaking advertiser nila.
“Ang pariralang ´civil society’ ay pantukoy sa mga NGO na pinansyado ng mga imperyalista at pati gobyerno ng Pilipinas. May nuance pa ang parirala na sibil o mapayapa ang lipunan kahit na inaapi at pinagsasamantalahan. Pero puwede ring maayos na gamitin ito para tukuyin ang citizenry o organized citizenry, tulad ng MOs na ND ang katangian. Lumalaki ang impluwensya nila sa eleksyon dahil lumalaki at lumalaganap sila,” paliwanag niya hinggil sa lumalaking papel ng “civil society” sa prosesong elektoral.
Mga hamon at hinaharap bago ang 2019
Naniniwala naman si Prof. Sison na may pag-asang magkaroon ng mga repormang sosyal, ekonomiko at pulitikal sa pamamagitan ng mga kasunduan kung talagang seryoso ang rehimeng Duterte sa peace negotiations.
Pero, aniya, kailangang isagawa ang mga kasunduang ito.
“Kung matagumpay ang peace negotiations, may batayan para sa kapayapaang makatarungan at matibay. Ang mga pwersang rebolusyonaryo, tulad ng CPP, NPA at NDFP ay magtutuon sa implementasyon ng mga kasunduan”.
“Kung mabigo ang peace negotiations, lalong lalagablab ang armadong rebolusyon at lalong lalaganap at lalaki ang mga masang protesta.”
Muli niyang ipinapaalala na hindi maasahan ang eleksyon para sa pundamental na pagbabago dahil mga ahente ng mga imperyalista at ng mga nagsasamantalang uri ang may pera at iba pang pamamaraan para kontrolin ang mga pinakamalaking partido at buong proseso ng halalan.
“Kung matagumpay ang peace negotiations, implementasyon ng mga kasunduan ang magiging usapin sa halalan. Dapat igiit ng masang Pilipino ang implementasyon ng mga reporma ayon sa kasunduan.”
Naniniwala si Prof. Sison na lalong masama para sa naghaharing sistema kung mabigo ang peace negotiations sa paggawa ng mga karampatang kasunduan.
“Ibig sabihin na walang gagamitin ang taumbayan na batayan ng implementasyon kundi ang programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan na ipinaglalaban ng CPP, NPA at NDFP kung mabibigo ang peace negotiation at wala mang kasunduan sa social, economic at political reforms na nagawa.”
“Kahit sa ilang kaso ng peace agreement sa ibang bansa, nakakalimutan ang implementasyon ng kasunduan matapos makuha ng mga reaksyunaryo ang pagdisarma sa hukbong bayan at pagtatapos ng armadong rebolusyon. Kung gayon, mga imperyalista at mga nagsasamantalang uri pa rin ang nananaig at patuloy sila sa pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis,” paliwanag ni Prof. Sison hinggil sa kasamaan ng kondisyon ng pagpapasuko sa isang panig sa gitna ng isang usapang pangkapayapaan, gaya ng karanasan ng Revolutionary Armed Forces of Colombia (FARC) sa nilatag na kasunduang pangkapayapaan sa Colombia noong 2016 at ng Farabundo Martí National Liberation Front (FMLN) sa kaparehong kasunduan sa El Salvador noong 1992.
The post JV asks JMS: Hinggil sa kalagayang pampulitika bago ang 2019 appeared first on Manila Today.