Kadamay, patuloy na inaatake

0
191

Hindi dapat ipiit ang sino mang tao dahil lang sa kanyang paniniwala at hangaring pampulitika,” ayon sa Seksiyon 18.1 ng Artikulo III o Bill of Rights. Pero kaliwa’t kanan ang nagiging paglabag dito, mula sa danas ng daan-daang bilanggong pulitikal sa Pilipinas, kabilang ang dalawang miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) nitong nakaraang eleksiyon.

Ayon sa ina ng dalawang miyembro ng Kadamay, Abril 13, isang buwan bago ang halalan, nagsasabit si John Arlegui at Reynaldo Viernes ng mga tarpaulin sa haywey sa Angat, Bulacan. Ninais nilang makatulong sa panghihikayat iboto ang Bayan Muna Party-list at si noo’y senatorial candidate Neri Colmenares.

“Tinutukan sila ng baril at isinakay sa van. Matapos nito’y dinala sa isang safehouse sa Bulacan, piniringan at ininterogate ng dalawang araw,” ayon sa pagsisiyasat ng Kadamay.

Sumulpot na lang ang kaso ng ilegal na pagbebenta ng armas matapos dalhin ang dalawa sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group sa Cabanatuan. Ayon sa police report, mayroon silang dalawang baril, dalawang hand grenade at P10,000.

Gustong manakot

“Kitang-kita kung gaano kadesperado gobyerno sa pagpigil sa tunay na oposisyon,” ani Colmenares.

Isa siya sa mga nananawagan para sa abot-kaya at disenteng pabahay para sa mga maralita, pati na rin ang pagkakaroon ng national minimum wage para maging makakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa.

Dagdag ng Kadamay, paulit-ulit na pinatagal ng awtoridad ang pagbibigay ng kopya ng dokumento, kahit sa mismong kapamilya ni Arlegui at Viernes. Ngayon, hinihintay pa rin ng Kadamay at ng mga kapamilya nila ang resolusyon ng piskal.

“Hindi na ito nakakagulat dahil hindi naman unang beses ito na nangyari,” pahayag ng Kadamay, “ngunit kapansin-pansin ang pagtindi ng mga atake habang papalapit ang eleksiyon.”

Pebrero pa lang, nakaramdam na ng pagmamanman ang ilang miyembro ng Kadamay. Nakatanggap si Eufemia Doringo, tagapagsalita ng Kadamay at volunteer sa Neri Colmenares for Senator Movement, ng text mula sa secretary ng barangay. Ayon sa text, hinahanap ng kapitan si Doringo. Nang tanungin ni Doringo ang secretary, hindi rin nito alam ang layunin sa pagpapatawag.

Nang matuloy na ang pagkikita noong Pebrero 19, hindi pala ang kapitan ang naghahanap kay Doringo kundi si Major Jeoffrey Braganza (JFT-NCR) at isa pang hindi nagpakilalang kasama. Dito na pinaliwanag si Doringo ukol sa isang “Peace Caravan”.

“CamRes po kayo ma’am ‘di ba po?” tanong pa raw ng hindi nagpakilalang kasama ni Braganza, nagpapahiwatig na pupuwedeng bumisita ang militar para sa sinasabing caravan o sa kung ano pang layunin.

Di tinatatanan

Hindi pa rin tinatantanan ni Jeffrey Ariz, tinatawag na asset ng militar at polisya, ang paninindak sa mga miyembro ng Kadamay sa Pandi. Minsan pa raw niyang pinasok ang klinika ng komunidad at binansagang pagmamay-ari niya.

Sa pananakot at pagbabanta, layunin nina Ariz na mapilitang tumigil sa pag-oorganisa at pagtulong sa kampanya ang mga miyembro ng Kadamay, ayon sa tagapangulo nitong si Bea Arellano. Pero nananatili ang mga miyembro sa pagiging aktibo sa grupo.

Kinokondena ng Kadamay itong mga “desperadong hakbang ng rehimeng Duterte para pigilan ang pagkakaroon ng tunay na representasyon ang maralitang lungsod sa gobyerno.”

Ayon sa Seksiyon 4 ng Bill of Rights, mayroong “karapatan ang taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.” Ano na lang sa Saligang Batas ang natitirang sinusunod ng gobyerno?