Kaligtasan ng obrero, seguruhin

0
226
Screencap mula sa video ng aksidente sa pabrika ng Hanjin sa Subic, Zambales na pinaskil ng FB page ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin. Makikita sa video ang aktuwal na pagkalaglag ng isang manggagawa habang nakalambitin at nanganganib ang iba pa.

Screencap mula sa video ng aksidente sa pabrika ng Hanjin sa Subic, Zambales na pinaskil ng FB page ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin. Makikita sa video ang aktuwal na pagkalaglag ng isang manggagawa habang nakalambitin at nanganganib ang iba pa.

Dapat nang magpasa ang Senado ng isang maka-manggagawang panukalang batas na nangangalaga sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos ang malagim na pagkamatay ng isang manggagawa at pagkadisgrasya ng iba sa isang aksidente noong Mayo 12 sa Hanjin Heavy Industries and Corporation (HHIC) Philippines, na nag-oopereyt sa Subic, Zambales.

Nagprotesta sa harap ng Senado ang mga manggagawa sa pangunguna ng KMU noong Mayo 21 para manawagan ng katarungan para sa mga biktima ng Hanjin, gayundin para itulak ang mga mambabatas na ibasura at palitan ang “pinalabnaw” na bersiyon ng Occupational Safety and Health (OSH) Bill na ipinasa noong Pebrero.

Kasabay ng protesta ang pulong ng Bicameral Conference Committee (Labor, Employment and Human Resources Development) ng Senado para talakayin ang Occupational Safety and Health Standards Act. Ayon sa KMU, kapos ito sa mga probisyon para panagutin ang mga kompanya sa mga paglabag sa kaligatasan ng mga manggagawa sa mga pabrika.

“Ang pagkamatay at pagkasugat ng mga manggagawa ng Hanjin ay direktang resulta ng malalang paglabag ng kompanya at pagkabigo nitong sumunod sa mga pamantayan kaugnay ng kaligtasan ng mga manggagawa,” sabi ni Lito Ustarez, bise-presidente ng KMU.

Mariin din niyang kinondena ang gobyerno sa umano’y pagbubulag-bulagan nito sa ganitong mga gawain.

Naging viral sa social media ang pagkahulog ng apat na manggagawa ng Hanjin sa pagawaan nito ng barko noong Mayo 12 na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkakaospital ng iba pa.

Agad namang ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Hanjin subcontractor na Binictican I-Tech Corp. na ipatigil ang paggawa matapos ang aksidente.

“Ang pagsandig ng Hanjin sa subcontracting ay sinadya para mapababa ang pananagutan nito kapag may aksidente, subalit ang mas malakas na batas sa kaligtasan ng mga manggagawa ay magtitiyak na mapapanagot ang Hanjin sa kriminal na kapabayaan at maling pagtrato sa mga manggagawa,” ani Ustarez.

Samantala, nagpahayag naman ng pagtanggap ang Gabriela Women’s Party sa pag-apruba ng OSH Bill  sa bicameral level ng Senado habang nangakong ipagpapatuloy ang pagtulak sa kriminal na pananagutan ng mga kompanyang lumalabag sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Itinuturing ng Gabriela na historikal ang pag-apruba sa OSH Bill matapos ang apat na taong pagkakampanya nito kasama ng mga samahan ng mga manggagawa.

“Hindi na makakatanggi ang mga kompanya sa loob ng economic zone sa inspeksiyon kaugnay sa pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa o kung may aksidenteng may naganap,”ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Kabilang pa umano sa panukala ang karapatan ng manggagawa na tumangging magtrabaho o lumiban kung may “panganib” sa pagawaan.

Idinagdag ni Brosas na bagamat hanggang P100,000 lang kada araw ang multa at walang kriminal na pananagutan ang mga kompanyang lalabag, malaking pagbabago na ito kumpara sa umiiral na P1,000 hanggang P10,000 multa.

Unang isinampa ng Gabriela, kasama ng blokeng Makabayan ang panukala noong 2014 matapos ang mga aksidente sa mga pagawaan kabilang ang naganap sa Eton Residences sa Makati at Hanjin sa Subic.