#KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Si Ka Alfred at ang samahan

0
211

Maraming mga manggagawa ang nahihikayat na sumali sa mga samahang paggawa o unyon dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Ang iba ay para labanan ang hindi pantay at hindi makatarungang pagtrato ng kanilang mga kumpanya sa mga manggagawa; mababang pasahod; ‘di ligtas na kundisyon ng paggawa, kontraktwalisasyon; biglaang pagtanggal sa mga manggagawa; at/o para igiit ang mga benepisyo at magkaroon ng katiyakan sa karapatan at kagalingan.

Si Ka Alfred, 33 ay manggagawa ng Jollibee Foods Corporation sa isang warehouse sa Parañaque. Apat na taon na siyang nagtatrabaho rito. Siya ang in-charge sa pagpapalit ng machines at pag-operate ng mga mabibigat na makinarya. Bago siya magtrabaho sa JFC, naging manggagawa muna siya ng Bench sa loob ng limang buwan.

Ang trabaho niya sa JFC ay mula alas-sais nang umaga hanggang alas-sais nang gabi sa loob ng anim na araw.  Sa isang buwan, 360 oras ang iginugugol niya para sa kumpanya, ngunit P11,000 lamang ang sinasahod niya. Dalawa lang raw kasi sila sa pusisyon ng kapalitan niya, kaya shifting ang schedule nila.

Sa Bicutan siya tumutuloy kasama ang isa niyang kapatid kaya sa tuwing wala siyang pasok, nagmomotor siya pauwi ng Calamba, Laguna para bisitahin ang kanyang unica hija at iba pang mga kapatid.

Bago pa lang si Ka Alfred sa Samahang Manggagawa sa Jollibee Foods Corporation (SM-JFC), nahikayat siya ng isang kasamahan at kaibigan na manggagawa rin ng Jollibee Foods Corporation at ito ang unang beses niya sa kampuhan.

Si Ka Alfred habang iniinterbyu ng Manila Today. Kuha ni Erika Cruz.

Ayon kay Ka Alfred, nasa 80 silang mga manggagawa ng JFC Parañaque ang nakiisa sa Mendiola para sa kampuhan ng mga manggagawa.

Para sa kanya, ang pagsali sa samahan ay pakikiisa sa mga kasama at paglaban sa kanyang mga karapatan bilang isang manggagawa.

Mga manggagawa ng Jollibee noong araw na itinayo nila ang kanilang kubol sa Mendiola. Larawan ni Erika Cruz.

Kapag kontraktwal ang mga manggagawa sa isang pagawaan, ibig sabihin nito ay wala silang security of tenure o kasiguraduhan sa paggawa. Maaari silang matanggal sa isang takdang panahon o kapag ginusto ng kumpanya. Kaya ang palayaw ng mga manggagawa sa kontraktwalisasyon ay ‘555’, dahil tigli-limang buwan lamang madalas ang tagal ng kanilang kontrata bago ito ma-renew o hindi.

Madalas ring walang benepisyo ang mga kontraktwal, tulad ng Philhealth, Social Security System, at Pag-ibig benefits. Kung meron man, nalalaman na lang nilang hindi pala ito maayos na nahuhulugan gayong nababawasan naman ang kanilang sahod. Marami rin sa kanila ang bumibili pa ng kanilang sariling safety gear kasi hindi ito ibinibigay ng kumpanya nang libre.

Wala ring karapatan ang mga manggagawang mag-unyon, kaya kadalasan ay samahan ang itinatayo nila upang igiit pa rin ang kanilang mga karapatan sa paggawa.

Mahaba na ang laban ng mga manggagawa tungo sa seguridad sa trabaho, ngunit nalulusutan ng mga kumpanya ang mga batas, tulad ng pagbasura ng JFC ng kontrata ng contracting agency ng Jollibee nang ibinaba ng Department of Labor and Employment ang utos na gawin silang regular. Gayunpaman, ang mismong batas rin ang nagpapahintulot ng kontraktwalisasyon. Isinemento ng Herrera Law ang kontraktwal na paggawa. Sinundan naman ito ng Wage Rationalization Act o pagtayo ng regional wage boards; mas mababa ang sahod ng mga manggagawa sa ibang rehiyon gayong hindi nagkakalayo ang presyo ng mga bilihin. Sa inilabas na D.O. 174 at E.O. 51 ng DOLE, ipinagbabawal ang labor-only contracting ngunit tinitignan ito ng mga manggagawa bilang pekeng pagbasura ng kontraktwalisasyon.

Ayon sa mga opisyales ng SM-JFC, pagkatapos ng kampuhan sa Mendiola ay muli silang magtatayo ng kampuhan sa harap ng main commissary ng JFC sa Parañaque. Para kay Ka Alfred at mga manggagawa ng Jollibee, tuloy-tuloy ang kanilang laban hanggang sa tagumpay.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Si Ka Alfred at ang samahan appeared first on Manila Today.