Kanlaon

0
244

Ni JHIO JAN A. NAVARRO

Yanig at nginig ng isla’y hiwatig
Ng hapis ng Kanlaon, ng muhi
Na pinagningas ng pangangamkam
Ng lupa’t labis na danak ng dugo.

Kislap ng luhang nangingilid
Ang andap sa tuktok
Sa tuwinang ili-ili ay inaawit upang
Aluin ang mga sanggol na sa dulo
Ng kuwarenta y cinco’y pinagkaitan
Ng akay ng ama’t yapos ng ina.

Belong itim ang alabok
Na tumatabing sa alapaap sa tuwing
Mga lua ay sinasambit sa belasyon
Ng mga sakadang naghubad ng pamatok.

Sa huli,
Katarungan ang nagbabaga
At nagbabalibagang batong titilapo’t
Babagsak sa mga mansyong
Nakatirik sa libingan ng mga Tumandok,
Sa mga palasyong bangkay
Ng mga sakada ang pundasyon.

Sa huli,
Hustisya ang agos ng naglalagablab
Na grabang didila sa mga humataw
Ng latigo, nagpataw ng pamatok
At kumalabit ng gatilyo hanggang
Sa buto’t laman nila’y maging alikabok at alipato. (https://www.bulatlat.com)

*Ang pamatok at yoke sa salitang Ingles. Ang belasyon naman ay vigil, wake, prayers, at entertainments at night after a person’s death. Ang Lua naman ay recitation, recital, declamation; to recite or quote from memory some verses, or the like. Isa itong native oral form of poetry sa Negros and Panay na binabasa tuwing burol ng kamag-anak. Maaari rin itong kantahin.

The post Kanlaon appeared first on Bulatlat.