Karampatan ng Tao, panahon pa ni Rizal

0
229

Sa dalawang pagkakataon na nagkaroon ng pangulong nagdeklara ng batas militar sa Pilipinas, naging kasabay na halos ang malawakang tala ng paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Kaakibat nito, ilang mga pandaigdigang samahan at mga pamahalaan ang nagpapahayag ng pagkabahala sa malawakang karahasan at sistematikong patakaran ng pamahalaan na nagsasantabi sa karapatan ng mga mamamayan. Iba-iba ang reaksyon ng mga internasyonal na organisasyon sa kalagayan ng karapatang pantao sa bayan – mula sa seryosong kondemnasyon; paghimok sa pamahalaan na bigyang pansin ang karapatang pantao at baguhin ang patakaran; pagpapahayag ng pagkabahala sa mga pandaigdigang pagpupulong; at pagbibigay ng proposisyon na imbestigahan ang mga kalagayang nagdudulot ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Sa bawat okasyong ito, negatibo ang karaniwang reaksyon ng pamahalaan sa Pilipinas. Maraming taong pamahalaan ang nagsasabi na isang pakikialam ito ng mga dayuhan sa internal na sitwasyon sa Pilipinas. Ilang opisyal ng pamahalaan ang nagsasabing hindi alam ng mga banyagang samahan ang kultura at kalinangan ng mga Pilipino at imposisyon ang mga pagpapahalaga at values ng mga banyaga kung igigiit nito ang pagpapahalaga sa karapatang pantao. Sa ganitong linya, sinasabing wala sa kultura ng Pilipino ang pagpapahalaga sa indibidwal na karapatan kundi isa lang banyagang konsepto na hindi nararapat sa mga Pilipino.

Isa pang kaugnay nito ang nagsasabing bago lamang ang pagturing sa kahalagahan ng karapatang pantao at hindi naman ito nakaugat sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa ganitong mga pananaw, may nagbibigay ng mga suhestiyon na putulin na lang ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan nito sa mga bansang bumabatikos sa kanyang internal na kalagayan patungkol sa karapatang pantao. Mayroon pang nagpanukala na umalis na lang ang Pilipinas sa pagiging myembro ng United Nations at ng sangay nito na United Nations Human Rights Council para hindi na makatanggap ng kritisismo at pakikialam mula sa mga panlabas at banyagang institusyong ito.

Kailangang linawin na mahaba na ang pagkakasangkot ng Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao. Isa ang bansa sa mga pumirma sa Universal Declaration of Human Rights na ipinahayag noong Disyembre 10, 1948. Kasama rin ang Pilipinas sa mga bansang pumirma sa marami pang kasunduan pagkatapos noon, na nagpapatatag sa pagbabantay at pagtatanggol sa karapatang pantao bilang obligasyon ng mga pamahalaang may responsableng pakikitungo sa isa’t isa at pinahahalagahan ang pagkalinga nito sa sariling mamamayan.

Malalim din ang pinag-ugatan ng pagpapahalaga ng ating mga bayani sa karapatang pantao sa kasaysayan. Naipahayag na ito sa mga sulatin at kaisipan ng mga ilustrado sa panahon pa lamang ng kilusang reporma at propaganda. Ang kaisipang nagpapahalaga sa mga karapatan ng mga mamamayan na ipinahayag ng mga ilustrado ang tinitingnan na naging batayan ng kanilang mga pagsusulat at talumpati upang bigyan ang kanilang pagsusuri sa pananakop ng mga Espanyol at ang pagsusulong ng kagalingan ng Pilipinas.

Taliwas ito sa konserbatibo at monarkistang pananaw na kumikilala sa absolutong kapangyarihan ng pamahalaan na karamihang nasa kamay ng mga monarkong aristokratiko at autokratiko batay sa lumang kaisipang konserbatibo na nagsasabing nagmumula ang karapatan ng pamamahala sa ibinigay na banal na karapatan (divine rights) na eksklusibong hawak lamang ng mga hari at monarko. Isinusulong ng mga tagapamandila ng mapagpalayang kaisipan na dapat kilalanin ang batayan ng pamamahala ayon sa pagkilala ng karapatan ng mga tao bilang mamamayan.

Dahil dito, malalim na iniuugat ng mapagpalayang kaisipan ang pagsasabing ang karapatan ng mga tao bilang mamamayan, at hindi ang karapatan ng mga monarko sa paghahari, ang batayan ng pamamahala. Ito rin ang pinag-uugatan ng kaisipan ukol sa soberanya. Sa pananaw na mapagpalaya, nasa kamay ng mga mamamayan ang soberanya, at ibinibigay lamang ito sa kanilang mga kinatawan upang ang mga kinatawan ang bubuo ng pamahalaan. Sa kabilang banda, binabanggit ng konserbatibong kaisipan na ang monarko ang natatanging soberanya sa lipunan, at itinuturing na subheto at hindi mamamayan ang mga taong kanyang pinamamahalaan. Hindi kinakailangang isalamin at maging kinatawan ang hari ng kaisipan o damdamin ng mga mamamayan sa konserbatibong pamahalaan.
Sa pagdating ng mga mag-aaral at kabataang Pilipino sa Europa noong ikalabing-siyam na dantaon, nalantad sila sa tunggaliang nagaganap sa pagitan ng dalawang kampo. Ang naging natural na pagkiling ng mga ilustrado sa kaisipang nagbibigay ng karapatan sa mga mamamayan ang magiging kapuna-punang bunga ng pagkakahayag na ito. Ito rin ang magiging batayan kung bakit mabubuo ang malakas na negatibong impresyon ng mga ilustrado sa mga prayle at sa institusyon ng praylokrasya, na siyang titingnan bilang isang malaking institusyonal na balakid hindi lamang sa pagtatamo ng sekularisasyon, kundi sa pagbubuo ng liberal na kaayusan sa Pilipinas.

Si Jose Rizal ang isa sa mga ilustradong nagbigay ng malalim na pagkilala sa liberal na kaisipan ng karapatan ng tao na dala ng Rebolusyong Pranses. Isinama ni Nilo Ocampo sa akda niya ang pagsasalin ni Rizal sa Declaration des droits d l’hommes et du citoyen bilang Ang mga Karamptan ng Tao batay sa isinulat ng Pambansang Asembleya ng Pransya matapos ang pagtatagumpay ng Rebolusyong Pranses ng 1789. Ayon kay Ocampo, hinihinala ni Wenceslao Retana na nasulat sa Hong Kong sa pagitan ng Nobyembre 1891 at Hunyo 1892 ang salin ni Rizal.
Mahalaga ang pagsasaling isinagawa ni Rizal mula sa Pranses tungo sa Tagalog. Ipinapakita nitong kailangang ipabatid sa mga mamamayan ng kapuluan ang kaisipang nakapaloob sa dokumentong nagluklok sa karapatan ng tao bilang batayan ng pamamahala. Binibigyang pansin sa pagsasalin na makikita sa mga kaisipan at dalumat ng katutubong wika at kultura maipapahayag ang unibersal na konsepto ng mga karapatan. Ganito ang ginawang pagsasalin ni Rizal:

Ang mga Karampatan ng Tao
• Ang tao’y malayang ipinanganak; nananatiling malaya at sa karampata’y paris-paris.
• Ang mga karampatang ito’y: ang kalayaan; ang sariling pag-aari; ang katiwasayan; at ang pagsuway sa umaapi.
• Ang punong kapangyariha’y nagbubuhat lamang sa kalooban ng bayan; liban dito’y walang katipunan, walang taong makapaghahawak ng gayong lakas.
• Kalayaan ay ang makagawa ng balang di makasasama sa iba.
• Walang maipagbabawal ang kautusan kundi ang makasasama sa katipunan.
• Ang kautusa’y kalooban ng karamihan. Sinuma’y makasasapi sa paglalagda niya o sa pamagitan kaya ng sinugo. Dapat maging isa ang kautusan sa lahat, mag-ampon man o magparusa: At yamang paris-paris sa mata niya ang lahat ng tao, matatanggap din naman ang lahat sa balang kaginoohan, kalagayan at hayag na katungkulan, ayon sa kani-kanilang kaya, bait at katalinuhan.
• Walang mapararatangan, mahuhuli o mabibilanggo kaya na di tumutungtong sa guhit ng kautusan, at alinsunod sa mga paraang iniatas.
• Ang kautusa’y walang maipaparusa kundi ang totoong kailangan lamang at batid na makagagaling. Walang maikakapit na parusa kundi alang-alang lamang sa ngalan ng isang kautusang tapat na ginamit, at naipahayag muna bago nangyari ang sala.
• Sakali’t dapat piitin ang isang nagkasalang di pa napatutunayan, ay parurusahang maghigpit ang balang malabis na pasakit na gamitin sa pagbibilanggo.
• Di madadahilang ikibo sa kaninuman ang mga isipan o pananampalatayang sarili, samantalang di nakagugulo sa kapayapaang atas ng kautusan.
• Isa sa mga mahalagang karamptan ng tao’y ang malayang pagpapahayag ng sariling isip o manukala, samakatwid baga’y masasabi, masusulat, maipalilimbag na paanyo ang anuman, pananagutan lamang ang mapakalabis sa mga tinadhanaan ng kautusan.
• Upang mapagtibay ang mga karampatang ito’y kinakailangan ang isang hayag na lakas, o tanggulan ng bayan.
• Nang manatili ang lakas na ito at matakpan ang mga kailangan sa pangangasiwa sa bayan ay dapat umambag ang lahat, hati-hati, at ayon sa kaya ng isa’t isa.
• Mapag-uusig ng sinuman o ng mga sinugo kaya ang katwiran ng ambagang ito, makasusunod na maluwag, mababantayan ang paggamit, malilining ang laki, ang pagkukunan, ang pasigil, at ang itatagal.
• Masusulit ng katipunan ang balang pinagkatiwalaan ukol sa pangangasiwa niya.
• Kapag ang katibayan ng mga karampatan ng isa’t isa at ang mahinusay na pagbubukod-bukod ng mga kapangyarihan ay di mapaninindigan ng isang katipunan, ang katipunang ito’y walang kabuluhan at di dapat kilanlin.
• Yamang ang sariling pag-aari’y isa sa mga dakila at di magagahis na karampatan, sinuman nga’y di maagawan ng kanyang pag-aari, liban na lamang sa isang malaki at hayag na kagipitan ng katipunan, at kung may pangakong maaasahan ng tapat na pagbabayad.
Ito ang mga wastong ibinigay ng Asamblea Constituyente, o katipunang nagbuo sa mga punong-isip ng taong 1789.

Hindi lamang pagsasalin ang isinagawa ni Rizal kundi isang pag-uugat din sa lokal na kaisipan ukol sa karampatan, sa mga unibersal na dalumat ng karapatang pantao na makikita sa teksto.

Mahalagang banggitin na ang paggamit niya ng konsepto at dalumat ng bayan bilang salin ng nation, at ang katipunan bilang salin sa Société/society. Mahalaga ito sa kadahilanang binibigyan ng pagpapahayag ni Rizal sa wikang katutubo ang kahulugan ng nasyon/bayan na bubuuin ayon sa katipunan ng mga mamamayang bubuo nito. Mahalagang banggitin ang paggamit niya ng bayan/katipunan sa halip na bansa/lipunan na siya namang magiging palasak sa diskursong makabayan simula ng ikadalawampung dantaon. Ang bayan/katipunan bilang pormularyo ang magiging batayan din ng mga bubuuing diskurso ng kilusang radikal at rebolusyonaryo sa pagbabalik ni Rizal sa Pilipinas, na magsusulong ng kalayaan at paghihiwalay ng Pilipinas mula sa Espanya bilang isang malayang bayan. Ito rin ang magiging katawagan sa kilusan ni Bonifacio na nakabatay na sa wikang Tagalog at hindi sa wikang banyaga. Ang mga kaisipang gaya ng anak ng bayan, katipunan, kalayaan at iba pang kaugnay na dalumat ang siyang gagabay sa mga susunod na sulating ipapahayag nina Bonifacio, Jacinto, Sakay at iba pang mapanghimagsik. Isinalin din ni Rizal ang konsepto ng volonté (Pranses) o will (Ingles) bilang kalooban na siyang nagpalalim sa paglalahad ng dalumat sa higit na malawakang kaisipang malapit sa lipunang Pilipino.

Mapupunang ginamit ni Rizal ang salitang karampatan ng tao sa pagpapayahag upang bigyan ng diin hindi lamang ang bahagi ng kinikilalang dapat sa pagiging tao, kundi ang pagkilala sa pagiging sapat at ganap ng pag-iral ng tao bilang tao. Sa pagiging ganap at sapat ng kalayaan, katiwasayan at karapatan sa sariling pag-aari – makikita ang pagiging tao ng tao. Higit pa rito, ang karapatan sa pagsuway sa mga nang-aapi na siyang batayan ng anumang kilusang rebolusyonaryo at mapagpalaya ang isa sa pinahalagahan ng dokumentong isinalin ni Rizal. Kung hindi ito sapat, o ganap, wala ring dapat sa pag-iral ng tao bilang tao. Ang pagtatanggol sa sarili mula sa paratang, pag-uusig at hatol na isinasagawa; ang kakanyahang magsulong ng kautusan/batas ng kagalingan ng lahat; at ang pagkakaroon ng kinatawan ng kapangyarihang nagmumula sa bayan bilang batayan ng karapatan sa pamamahala ang ilan pang mahalagang kasangkot sa ideya ng karapatan at karampatan sa dokumentong isinalin.

Ang isinagawang pagsasalin ni Rizal ang isa sa patunay na nakaugat sa kasaysayan at kalinangang Pilipino ang pagpapahalaga sa karampatan ng tao at karapatang pantao. Susundan ito ng higit na malawak at malalim na pagsusuri ni Andres Bonifacio sa kanyang akdang “Dapat Mabatid ng mga Tagalog;” at Emilio Jacinto sa akdang “Liwanag at Dilim” na mag-uugnay sa pagpapahalaga sa karapatang pantao bilang kaisipang gagabay sa kilusang mapagpalaya laban sa pananakop at mapagsamantalang pamamahala. Sa susunod na henerasyon, ang mga tumatampalasan sa kalayaan at karapatang pantao sa pamamagitan ng panunupil at pagsasamantala ang sila pa ring magpapahayag ng pagtutol sa kahalagahan ng karapatang pantao sa Pilipinas. (https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Karampatan ng Tao, panahon pa ni Rizal appeared first on Bulatlat.