Hindi maitatwa ang kanilang kahalagahan sa araw-araw nating pamumuhay. Kung wala sila, maaaring mapilay ang ating pang-araw- araw na mga gawaing bahay.
Ang aking tinutukoy mga kasama’y ang mga kasambahay.
Dangan lang at marami sa kanila ang inaabuso at tinuturing na walang karapatan.
Kaya malaking tulong sa kanila ang paglabas ng Republic Act No. 10361 o Batas Kasambahay noong 2013 para ilinaw ang karapatan ng mga kasambahay.
Sa ilalim ng batas na ito ang isang kasambay ay isang taong gumagawa ng mga gawaing pambahay katulad ng pagiging katulong, yaya, taga luto, hardinero, o taga laba. Hindi kasama rito iyong mga driver ng pamilya at iyong mga nagbibigay ng serbisyong pambahay paminsan-minsan lang at hindi permanente. Nililinaw ng batas na ito na may karapatan sa minimum wage ang isang kasambahay.
Ang buwanang minimum wage na ito noong 2013 ay P2,500 sa mga kasambahay na nagtatrabaho sa National Capital Region; P2,000 sa nagtatrabaho sa mga lungsod at first class municipalities; at P1,500 na nagtatrabaho sa iba pang munisipyo.
Ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ay binibigyan ng karapatan para dagdagan o i-adjust ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay.
Nitong Disyembre 2017, ginawa nang P3,500 tuwing buwan ang minimum na sahod ng mga kasambahay sa National Capital Region. Nagkaroon din ng dagdag ang sa ibang regions.
Dapat bayaran nang hindi tatagal sa minsan sa isang buwan ang sahod ng isang kasambahay.
Bukod dito, dapat ding bigyan ng daily at weekly rest day, service incentive leave, at 13th month pay ang kasambahay.
Dapat bigyan ng pahinga nang hindi bababa sa 8 oras bawat araw ang isang kasambahay.
Sa loob ng isang linggo, karapatan din niyang magpahinga sa loob ng hindi bababa sa 24 oras.
May karapatan din siyang masakop ng SSS, Pag-ibig at PhilHealth.
May karapatan din siya sa board, lodging at medical attendance, bukod pa karapatan sa education at training.
Hindi rin puwedeng pakialaman kung paano niya gagamitin ang kanyang sahod.
Karapatan din niyang tumanggap ng outside communication, at mabigyan ng kanyang employment contract pati na ’yung certificate of employment.
At higit sa lahat, may karapatan din siyang sumali o magbuo ng unyon o anumang labor organization.
Sa kaso ng Remington Industrial Sales Corporation vs. Erlinda Castaneda (GR No. 169295- 96) na hinatulan ng Korte Suprema noong Nob. 20, 2006, nilinaw ng Mataas na Hukuman kung kailan dapat ituring na regular na empleyado ng kompanya at hindi bilang isang domestic worker ang isang manggagawa.
Sa nasabing kaso ay nagsampa ng kasong illegal dismissal, underpayment of wages, non-payment of 13th month pay at non-payment of service incentive leave itong si Erlinda laban sa kompanya.
Sinabi niyang kinuha siya bilang company cook ng kompanya, pero simula nang lumipat ang kompanya mula sa Quezon City tungo sa bago nitong lokasyon sa Caloocan, sinabihan siya ng kompanya na hindi na kailangan ang kanyang trabaho at tinatanggal na siya ng kompanya.
Simple lang ang depensa ng kompanya sa nasabing kaso.
Sinabi ng kompanya na isang domestic helper at hindi isang regular na empleyado itong si Erlinda. Diumano, nang lumipat sa Caloocan ang kompanya ay tumangging sumama itong si Erlinda at hindi totoong tinanggal ito sa trabaho.
Nagdesisyon pabor kay Erlinda ang Labor Arbiter. Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kompanya at ang kompanya naman ang pinanalo ng NLRC. Nakarating ang kaso sa Korte Suprema matapos magdesisyon ang Court of Appeals ng pabor dito kay Erlinda.
Sa desisyon ng Korte Suprema, pinanigan nito si Erlinda. Siya ay isang regyular sa empleyado ng kompanya at hindi isang domestic worker dahil napatunayan ng Korte Suprema na ang kanyang gawain na pagluluto ng pagkain ay hindi lang para sa pamilya ng mayari ng kompanya bukod pa sa ginagawa niya ang nasabing gawain sa lugar ng kompanya.
Binanggit ng Korte Suprema na ang isang empleyado ay maituturing lang na domestic helper kung ang kanyang gawain ay nakalaan lang para sa kapakanan ng pamilya ng may-ari ng kompanya at doon nagtatrabaho sa bahay ng may-ari.
Sa panig ni Erlinda, ang kanyang pagluluto hindi lang para sa pamilya ng mayari kundi para rin sa ibang empleyado nito.
Kaya, ang hatol ng Korte Suprema ay hindi isang domestic helper itong si Erlinda, kundi isang regular employee ng kompanya.