Kaso ng Covid-19 sa bansa: ‘Hindi pa flat ang curve’

0
243

“Not yet.”

Ito ang sagot ni Prop. Felix Muga II, PhD, propesor sa Ateneo De Manila Math Department, sa titulo ng kanyang presentation slide “Are we flattening the curve?” na patungkol sa graphs ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa.

Prop. Lex Muga ng Ateneo de Manila Math Department

Prop. Lex Muga ng Ateneo de Manila Math Department

Iprinisinta ito ni Muga sa media briefing na inilunsad ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid), isang inisyatiba at tugon laban sa Covid-19 iba’t ibang sektor, indibidwal at organisasyon, noong Mayo 8, hinggil sa pagharap sa pandemya at ang inaasahang pagtatapos ng pinahabang Enhanced Community Quarantine sa Mayo 15.

Ayon sa gobyerno, nakakakita na ng senyales ng “flattening the curve” sa mga kaso ng Covid-19 sa bansa. “Nasimulan na nating pabagalin ang pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 dahil sa ating pagtutulungan at pakiisa sa mga inisyatiba ng gobyerno,” ani Department of Health (DOH) Usec. Rosario Vergeire sa press briefing noong Mayo 6.

Dagdag pa ni Vergeire, bumagal diumano ang pagdoble ng mga kaso ng Covid-19 at namamatay dito. Mula sa sa tatlong araw ay umaabot sa pitong araw bago dumoble ang mga numero.

Pero batay sa isang linear graph na iprinisnta ni Muga, gamit ang parehas na datos ng gobyerno, ipinapakitang pataas pa rin ang bilang ng mga kaso sa loob ng 5-day moving average sa nakaraang mga linggo. Maging sa logarithmic graph, na ginamit ng DOH sa mga iprinisintang graph nito, makikitang papataas pa rin ang bilang ng mga kaso. “Kung talagang nagfa-flatten, ’yung pinakadulo talagang flat,” dagdag pa ni Muga.

Sang-ayon din si Prop. Judy Taguiwalo, PhD, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at tagapagsalita ng CURE Covid, na hindi pa nakakamit ang pag-aresto sa bilang ng may kaso ng Covid-19 at mga namamatay dito.

“Patuloy pa ang infection, may community transmission pa, hindi ito nahinto,” ani Taguiwalo. Sinabi pa niya na maaaring may ilang panahong lumiliit ang bilang batay sa datos ng gobyerno ngunit hindi ito umano tuluy-tuloy na bumababa.

Dagdag pa ng dating kalihim, makakamit ang ”flattening of the curve” kung lumiliit na ang bilang taong na-infect sa arawang datos. “Pero may kundisyon yan, yung lawak ng mass testing, puwedeng lumiit ang bilang dahil kaunti lang ang na-mass test o hindi pa nakumpirma ang ibang testing,” ani Taguiwalo.

Libreng mass testing

Idiniin din ng grupo sa gobyerno ang pagsasagawa ng libreng mass testing. Susi anila ito upang makita kung gaaano kalawak at kalapad ang kalat ng sakit.

Ayon sa grupo, Marso 16, ikalawang araw ng Coummunity Quarantine, iginigiit na nila ang mass testing. Ngunit matapos ng kalahating buwan saka lang anila inanunsiyo ng DOH ang pagsasagawa nito. Aktuwal itong nasimulan noong Abril 14.

“Kung sasabihin natin na mass testing, matagal na namin ipinanawagan, Marso pa lang o mas maaga pa, na handa dapat tayo sa testing kasi marami doon sa mangyayari, doon sa kontrol, doon sa pagdedetermine ng quarantine, ay nakasalalay sa testing. So napakahalaga po niyan,” ani Dr. Julie Caguiat, MD, co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health at panelist sa naturang media briefing.

Dagdag pa ni Caguiat, umaabot lang sa 5,000 hanggang 7,000 ang sumailalim sa testing mula ng simulan ito. Malayo aniya ito sa 30,000 kada araw na target ng gobyerno. Sa kabuuan, nasa 130,000 hanggang 140,000 o .1 porsiyento pa lang ng populasyon na nakatuon pa sa mga may malalang kaso ang naabot ng testing.

Sa kasalukuyan, mayroon lang 23 testing centers ang nagsasagawa ng testing mula sa 78 target ng gobyerno at kalakhan pa ay nasa Kamaynilaan.

Pinuna din ni Taguiwalo ang paniningil ng P3,500 para sa pagsasagawa ng testing kada tao. Ayon sa gobyerno, mga employer ang dapat magbayad nito. “Paano naman ang mga taga-komunidad?” Tanong ni Taguiwalo para sa mga maralita na aniya’y hindi kayang magbayad ng ganoong halaga.

Samantala, nangangamba ang grupo sa pag-alis ng ECQ sa Mayo 15 kung pagbabatayan ang inabot ng mass testing ng gobyerno. Kung aalisin anila ang kuwarantina, posible umanong lumubo na naman ang kaso ng Covid-19.

Dr. Julie Caguiat ng Council for People's Right to Health o CPRH

Dr. Julie Caguiat ng Council for People’s Right to Health o CPRH

Maayos na sistemang pangkalusugan, ayuda

Kasama rin sa panawagan ng grupo ang pagsasaayos ng sistemang pangkalusugan sa bansa na anila’y kakambal ng “flattening the curve.”

Saad ni Caguiat, ang kakayahan umano ng bansa para harapin ang problema at krisis o pandemya ay nakasalalay sa antas ng sistemang pangkalusugan ng bansa. Sumasalamin aniya sa mahinang sistemang pangkalusugan ng bansa ang hindi handang pagharap sa pandemya bago pa ito pumutok noong Pebrero tungong Marso na maging mga doktor at iba pang frontliner ay tinamaan ng sakit at ang kakulangan sa mga Personal Protective Equipment at mga aparatong medikal tulad ng ventilators at iba pa.

“Kung maganda yung sistemang pangkalusugan natin, kaya natin harapin ang pandemya at magagamot natin yung may problema o may mga sakit ng agaran, mabilisan at epektibo. Pero pag kulang yung serbisyong pangkalusugan natin, yung sistema na yan ay di sapat, maski kaunting kaso pa lang ay luluhod na at hirap na hirap na…at ‘yan ang nakikita namin dito sa Pilipinas.”

Samantala, bukod sa kahilingan para sa libreng mass testing, iginigiit din ng grupo ang pagkakaroon ng contact tracing o pag-alam sa mga nakasalamuha ng mga may sakit, pagtitiyak ng ayuda maging sa mga sasailalim sa isolation at ang pagpapatigil ng diskriminasyon sa mga hinihinala o mga may sakit na Covid-19.