Kaso nina Ka Satur: ano nga ba talaga?

0
188

Balita sa mga dyaryo ngayon ang ginawang paghuli kina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ACT Teachers Representative France Castro, 4 na pastor, 9 na mga guro at iba pang mga kasama.

Ang reklamo sa kanila ay ang di- umano’y paglabag sa salang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 (Republic Act 10364) kaugnay ng Anti-Child Abuse Law (Republic Act 7610).

Sina Ka Satur at mga kasama ay hinuli sa isang police checkpoint sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte noong mga alas 10:00 ng gabi noong Nobyembre 28, 2018.

Ayon sa mga pulis, ang grupo nina Ka Satur ay may mga kasamang 14 na menor de edad na kabataan na estudyante ng Salugpungan Learning Center, isang paaralan para sa mga Lumad.

Ang nasabing mga bata ay balak sana ng grupo nina Ka Satur na dalhin mula sa Barangay Palma Gil sa Talaingod, Davao del Norte patungo sa Maco sa Compostela Valley.

Ayon sa kapulisan dapat ay may dalang “parental consent” o dokumento ng pagsangayon ng mga magulang, para sa mga bata, ang grupo nina Ka Satur.

Dahil di umano ay wala silang maipapakitang anumang dokumento kaya sila kinasuhan ng mga pulis. Ang Salugpungan Learning Center diumano ay pinasara na ng Department of Education, dahil sa tinuturuan nito ang mga kabataan upang magrebelde sa pamahalaan, sabi pa ng kapulisan.

Ayon naman sa grupo nina Ka Satur, sila ay nandoon para magdala ng school supplies at pagkain sa komunidad bilang bahagi ng kanilang National Solidarity Mission.

Nagkataon namang noong Nobyembre 28, 2018, bandang alas 6:00 ng hapon, pinilit na sarhan ng grupo ng militar na kung tawagin ay Alamara ang Salugpungan Learning Center.

Humingi ng tulong sa grupo nina Ka Satur ang mga tumakas na taga paaralan at sila naman ay kaagad na pinuntahan ng mga ito.

Magkasama na sana sila ngunit pagdating sa checkpoint, doon na pinatigil at inaresto ang grupo nina Ka Satur.

Ngunit pagdating sa piskalya, ang tanging naisampa ng piskal na demanda ay ang Anti-Child Abuse Law lamang.

Ang kasong ito ay may pyansang P80,000.00 bawa’t isa at agad namang nagpyansa sina Ka Satur.

Ngunit ano ba talaga ang probisyon ng RA7610 at RA10364 na umano ay nilabag ng grupo ni Ka Satur?

Ipingbabawal ng batas na ito ang pagbibiyahe sa isang tao para siya ay magamit sa sapilitang pagtatrabaho, eksploytasyong sekswal, pang-aalipin, o pagtanggal at pagbenta sa mga panloob na bahagi ng kanyang katawan.

Ang RA 7610 naman ay ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination. Naaprubahan ito ng 1992.

Ayon sa batas na ito ay bawal ang “child abuse” o pangaabuso sa bata na maaring maganap sa pamagitan ng pagkaroon ng pang-aabuso, kapabayaan, kalupitan, pang-aabusong sekswal, masamang salita, pagkakait sa batayang pangangailangan, hindi pagbibigay ng pangangailangang medikal o pagsagawa ng mga bagay na makakaapekto sa normal na paglago ng isang bata.

Malinaw na ang ginawa nina Ka Satur ay labas sa nilalaman ng mga batas na ito.

Malinaw din na ang pagsampa sa kanila ng kaso ay upang patigilin ang kanilang patuloy na pagkilos upang itaguyod at proteksyunan ang karapatang pantao.

Ano pa ang hinihintay natin mga kasama? Halina at samahan sina Ka Satur!