Katarungan, ngayon at sa hinaharap

0
233

BRUSSELS, BELGIUM — Kahit ilang beses pa, kahit saan man siya mapunta, di pa rin mapigilan ni Jimmylisa Badayos maluha tuwing kinukuwento niya ang sinapit ng kanyang inang si Elisa.

Human rights worker ng Karapatan sa Negros at asawa ng isang lider-manggagawa na naging desaparecido noong martial law ni Marcos si Elisa. Pero noong Nobyembre 28, 2017, rehimeng Duterte naman ang bumiktima sa kanya, nang paslangin si Elisa ng pinaghihinalaang mga militar.

Gayumpaman, kakaiba pa rin ang pagkakataong ito, Setyembre 18. Sa pagkakataong ito, sa harap ng daang katao, sa malayo at malamig na lungsod ng Brussels, bansang Belgium: sa unang pagkakataon, dininig ang kanyang kuwento sa pakay na bigyang hustisya ang pagkakapaslang sa kanyang ina. Walang imbestigador ng rehimen, walang korte ng Pilipinas ang nagbibigay pa sa kanyang ng hustisyang ito.

“Katatapos lang noon ng fact-finding mission sa Negros,” kuwento ni Jimmylisa. “Binaril ang aking nanay ng armadong kalalakihan. Binaril siya, at habang gumagapang ay binaril pa. Natuluyan na ang nanay ko…”

Tahimik ang buong kuwarto, bagamat rinig ang hikbi ng ilang takapakinig. At hindi lang ang kay Jimmylisa. Sa dalawang araw ng sesyon ng International Peoples’ Tribunal, ganito ang eksena: bawat testimonya, maging eye witness man o ekspertong testigo (expert witness), madamdamin. Ilan ding dayuhang tagapakinig ang kinailangang lumabas ng bulwagan, hindi kinaya ang bigat ng damdamin.

Bawat kuwento, isang malakas na sigaw para sa hustisya sa mga krimen ng rehimen. Bawat testimonya, pagpapatibay ng panganailangang panagutin si Pangulong Duterte, gayundin ang pangunahing tagasuplay ng armas-militar at tagasanay ng militar at pulisya ng rehimen: ang gobyernong US na kinakatawan ni pangulo nitong si Donald Trump.

* * *

Hindi na kagulat-gulat sa mga tagapakinig noon, sa mismong bulwagan man o sa Facebook Live, ang hatol na “guilty” ang mga akusado.

Mabigat nga ang mga testimonya, at nagtuturo sa direktang partisipasyon ni Duterte sa mga krimeng paglabag sa mga karaptang sibil at pampulitika (pasok dito ang mga pamamaslang, ilegal na pagkulong, tortyur, pambobomba, at iba pa); paglabag sa karapatang panlipunan, pang-ekonomiya at pangkultura (tulad ng pagkait sa karapatan sa lupa, disenteng pabahay, edukasyon, kabuhayan, pampublikong serbisyo tulad ng transportasyon, seguridad sa trabaho, nakabubuhay na sahod, at iba pa); at paglabag sa karapatan sa sariling pagpapasya at kaunlaran, at International Humanitarian Law (tulad ng pananakop sa lupain ng mga Lumad at iba pang katutubo, paglabag sa karapatan ng mga sangkot sa giyerang sibil, at kolektibong karapatan sa kapayapaan at ng mga mamamayang Pilipino laban sa pangihimasok ng dayuhang armadong puwersa).

Isang tunay na tribunal o korte ang IPT, na may panel ng jurors na kinabibilangan ng legal na mga eksperto, o may malawak na kaalaman sa karapatang pantao, at mga usaping pangkaunlaran. Inisponsor ito ng respetadong mga organisasyong pandaigdigan, tulad ng International Association of Democratic Lawyers, European Association of Lawyers for Democracy and World Human Rights, Haldane Society of Socialist Lawyers-UK, Ibon International at International Campaign for Human Rights in the Philippines. Gayunman, direktang nanggagaling sa mga mamamayan (at mga kilusang masa) ang awtoridad nito.

Maraming peoples’ tribunal na ang nangyari sa kasaysayan ang daigdig (tulad, halimbawa ng Permanent Peoples’ Tribunal hinggil sa mga krimen sa Bosnia, IPT sa mga krimen ng pasistang rehimen ni Suharto sa Indonesia, at iba pa). Sa Pilipinas, limang beses na ito naganap. Una, noong panahon ng rehimeng Marcos. Pangalawa at pangatlo, panahon ng rehimeng Arroyo, at noong 2015, sa Washington DC sa mismong Estados Unidos, panahon ni Aquino.

Pero sa unang pagkakataon, direktang nakumpronta ng IPT ang isang akisadong rehimen. Bisperas pa lang ng IPT, nakakuha na ng reaksiyon ang rehimeng Duterte sa mangyayari pa lang na pagdinig. “Sham proceeding” ang bansag ng Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagdinig ng IPT. “Nasa linya ko iyan ng batas (international law). Hindi ko kilala ang mga iyan,” hambog ni Roque.

Unang napagsalita ang Malakanyang sa pahayag ng Suara Bangsamoro, grupong pangkarapatang pantao ng mga mamamayang Moro, na kasama sa mga tetestigo sa IPT si Sultan Hamidullah Atar ng Marawi, hinggil sa mga krimen ng rehimen sa pagwasak sa kanilang lungsod at pagpapalikas sa (at di pagbabalik ng) daanlibong sibilyang residente ng Marawi. “Dumalo ako sa kasal (ng isa sa mga sultan o tradisyunal na lider sa Marawi) at hindi ko siya (Sultan Hamidullah) nakita,” mababaw na hirit ni Roque. Pero matagal nang nagsasalita si Atar laban sa mga operasyong militar sa Marawi.

Nang magsimula ang pagdinig sa isinakdal na mga kaso laban kay Duterte noong Setyembre 18, muling iniulit ni Roque ang pangungutya niya sa IPT. Aniya, “propaganda ng Kaliwa” ang naturang pagdinig, dahil “magaling sila (Kaliwa) sa pagdaigdigang [paghuka ng suporta].” Sa panayam naman kay Erwin Tulfo, sinabi ng legal counsel ng Pangulo na si Salvador Panelo na “walang saysay na ingay” lang ang IPT.

* * *

Ibang iba rito ang pagtanggap ng pandaigdigang komunidad.

Matapos ang paglabas ng hatol na maysala ang mga akusado noong Setyembre 19, nagsalita ang kinatawan ng iba’t ibang grupo mula sa iba’t ibang bansa. Nagsalita ang dayuhang mga miyembro ng ICHRP, at kinatawan ng mga kilusang masa mula sa Germany at Peru, at nagsalita rin at sumuporta ang International League of Peoples’ Struggle.

Kinabukasan ng paghatol, pumunta ang ilang saksi, kabilang si Cristina Palabay ng Karapatan, ang mga anak ng mga bilanggong pulitikal na sina Lengua de Guzman (anak ni Rafael Baylosis at asawa ng bilanggong pulitikal na si Maojo Maga) at Belle Castillo (anak ni Ferdinand Castillo) sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland para magbigay rito ng kopya ng hatol.

Sa Brussels, nagbigay din ng kopya ng hatol at mga ebidensiya ang ilang juror, convenor at testigo sa European Parliament, sa isa sa mga miyembro nito na si Anne-Marie Mineur ng Confederal Group of the European United Left – Nordic Green Left. “Kinakatuwa ko ang pagdating ninyo,” bungad ni Mineur, sa wikang Ingles, at hiniling sa mga saksi tulad nina Jimmylisa at Ruth Salditos (asawa ng manunulat at pintor na si Felix Salditos na isa sa pitong di-armadong miyembro ng National Democratic Front na minasaker sa Antique noong Agosto 16), Gil Boehringer (Australyano-Amerikanong abogado na ikinulong ng Bureau of Immigration at dineport dahil sa paglahok sa kampanya para sa karapatang pantao sa Pilipinas), Melodina Gumanoy na presidente ng unyon ng mga manggagawa sa plantasyon ng saging na Sumitomo Fruits Corp. o Sumifru sa Compostela Valley, George San Mateo ng Piston, Joms Salvador (na tumestigo sa mga atake ni Duterte sa kababaihan), na ibahagi ang kanilang mga kuwento.

Muli, ikinuwento ni Jimmylisa ang tungkol sa nanay niya. Muli, naluha siya habang ikinukuwento niya ito. Naluha rin si Mineur, iyung miyembro ng European Parliament, sa kuwento ng mga saksi. Nangako siyang aaralin niya ang ipinasang mga dokumento at idadagdag ang boses sa mga kumukondena sa mga abuso ng rehimeng Duterte.

Noong hapon ding iyon, iba naman ang reaksiyon ng humarap sa mga testigo.

Sa embahada ng Pilipinas sa European Union, nagsumite rin ng kopya ng hatol ang mga kalahok sa IPT. Pagpasok pa lang sa bilding, hinarang na sila ng isang opisyal ng embahada na di nagpakilala, at sinabing “ipadal na lang sa pamamagitan ng registered mail” ang dokumento. Pinaaalis sila ng opisyal. “Pero nandito na kami, personal na nga naming ibibigay, bakit pa kailangang ipadala sa mail?” giit ni Joms Salvador ng Gabriela.

Napilitang umatras ang opisyal, at kalauna’y napuwersang humarap sa delegasyon si Eduardo de Vega, embahador ng Pilipinas sa European Union. “Maniwala kayo, narinig na namin ang tungkol sa inyo,” bungad ni de Vega. Tinanong niya kung bakit hindi raw pinapasok sa IPT ang “ilang tao na gustong makinig” sa mga pagdinig. Tinutukoy niya marahil ang apat-kataong DDS (Duterte Diehard Supporters) na pumunta sa venue ng IPT at nagpumilit na pumasok kahit di-rehistrado. Lumalabas, siya o sila sa embahada ang nagpadala sa mga ito.

“Bakit may mga dayuhang lengguwahe na isinisigaw?” tanong niya. Nanood pala de Vega ng Facebook Live streaming. Matapos ang pagbasa sa hatol, sumigaw ng chants ang ilang dayuhang dumalo: “?El pueblo, unido, hamas ser avencido!” (Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban) Tinanong din ng embahador sa delegasyon kung magrarali sila—na sinagot ng delegasyon na hindi.

Paglabas ng delegasyon ng IPT, ikinagulat nila ang pulutong ng Belgian police na nasa labas ng embahada. Tinawagan umano ng embahada ang mga pulis sa pag-aakalang magrarali ang delegasyon.

Nanawagan din sila ng mga DDS sa Belgium na pumunta sa embahada noong araw na iyon, at ipakita ang suporta sa minamahal nilang Pangulo. Ayon sa mga nakakita, humigit-kumulang 15 hanggang 20 DDS ang pumunta.

* * *

Kinabuksan muli, Setyembre 21, tumungo rin sa International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands si Jimmylisa. Kasama niya sina Renato Reyes Jr., na tumayo bilang isa sa complainants sa IPT para sa Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at si Peter Murphy na isa sa convenors ng IPT.

“Ibang iba ang pagtanggap sa amin sa ICC kumpara sa sarili nating embahada sa Belgium,” kuwento ni Jimmylisa. Sa ICC, mainit na hinarap sila ng kinatawan nito para tanggapin ang kopya ng hatol. “Nangako silang kokontak sa amin sa loob ng dalawang linggo (matapos mabasa ang isinumiteng mga dokumento),” sabi pa niya.

Samantala, sa Maynila noong araw ding iyon, dambuhalang protesta ang isinagawa sa Mendiola at Luneta para gunitain ang lagim ng batas militar ni Marcos at kondenahin ang pasistang diktadura ni Duterte.

Kabilang sa bitbit na plakard ng mga nagrali: Larawan ni Duterte sa likod ng mga rehas. Guilty! ang sigaw nito. Hindi pa man kayang maipatupad ang naturang hatol, hindi pa man ngayon o sa nalalapit na hinaharap, umaasa si Jimmylisa, at marami pang iba, na balang araw makakamit din nila ang hustisya.


Featured photo: Larawan ni Jon Bustamante