Kawalang trabaho sa OFWs, kawani ng gobyerno (Ikalawa sa dalawang serye)

0
253

“No work, no pay, no job — wala lahat.”

Ayon kay Melvin Cacho, 27, Overseas Filipino Worker (OFW) sa Thailand, ito ang kalagayan ng karamihang nagtatrabaho sa ibang bansa ngayong panahon ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“Di ko na kaya…Hindi ko na po alam ang gagawin ko dito sa Thailand. Hindi na ako makakain, di man lang ako makauwi sa Pinas,” kuwento pa niya.

Mas malamang kaysa hindi na may kaanak tayong OFW na nawalan ng trabaho tulad ni Melvin ngayong pandemya. Walo sa 10 pamilyang Pilipino ang may kaanak na nagtatrabaho sa labas ng bansa. Taya ng Migrante International, mayroong 200,000 OFWs na istranded sa iba’t ibang bahagi ng mundo – nawalan ng trabaho.

Noong Hunyo, inasahan ang pagbalik ng 42,000 o higit pang OFW sa bansa dahil sa kawalan ng trabaho. Ayon mismo sa DOLE, maaari pang lumobo ito nang 100,000. Maliit pang bilang, dahil ayon sa Migrante KSA (Saudi Arabia), may 200,000 nang Pilipino ang mawawalan na ng trabaho sa pagsasara ng mga negosyo roon.

Ayudang bitin, dagdag-singilin

Maraming kuwento ng kalunus-lunos na buhay ng OFWs sa ibang bansa, bukod pa sa kawalan ng pera at kuwarantina. Sa Saudi, nangangalahig na ng basura ang mga OFW para lang may makitang makakain. May mga nagpakamatay na.

Nangako ng ayuda ang gobyerno sa kanilang programang Abot-Kamay ang Pagtulong ng Department of Labor and Employment (AKAP DOLE). Dito, makakakuha dapat ng ayudang P10,000 ang mga OFW na nawalan ng trabaho – sa ilang piling bansa. Kaya naman nanawagan sana ang Migrante na isama ang higit 100 bansa (kasama ang Thailand) sa 29 bansang inisyal na inilista ng gobyerno na mabibiyayaan ng ayuda.

Samantala, sa gitna ng pandemya, nitong Abril 22, inilabas ng Philippine Health Insurance Corporation ang PhilHealth Circular No. 2020- 0014.

Nakasaad sa naturang sirkular na lahat ng OFW na may sahod na P10,000 hanggang P20,000 ay kailangang magbayad ng tatlong porsiyento sa Phil- Health ng taunang sahod nila. May inisyal na bayad ding P2,400 sa unang pagpasok ng OFW bilang miyembro ng PhilHealth.

Umalma rito, siyempre, ang mga OFW, kabilang na ang Migrante, na nangalap ng mga pirma ng mga migrante sa isang online petition para mapatigil ang paniningil – sa panahon pa ng malawakang kawalan ng trabaho at sa panahon ng pandemya.

VIP daw?

Ipinagyayabang din ng administrasyon na may VIP treatment daw ang mga OFW sa kanilang pag-uwi sa bansa – hanggang sa mga probinsiya. Pero pinabubulaaanan ito ng mga nakauwi na sa bansa. Marami sa kanila na tumuloy sa kuwarantina ang may nasabi ukol sa kawalan ng serbisyong medikal lalo na ng testing kung positibo sila sa Covid-19, psychosocial services, maging pampinansyal na ayuda.

Nang nakalabas na sa kuwarantina, patuloy ang kanilang kalbaryo. Marami ang nakitang natulog sa pasilyo ng Ninoy Aquino International Airport, sa Villamore Airbase, at sa mga kalsada malapit sa paliparan, pabalik sana sa kanilang mga probinsiya pero di pa makaalis.

Tanggalan sa gobyerno

Sa dami ng mga Pilipino, sa dami ng kailangang paglingkuran ng mga kawani ng gobyerno lalo na sa panahon ng Covid-19, dapat mas marami pang kinukuhang empleyado ang gobyerno.

“Pero mas lalo tayong nagbabawas (ng kawani),” sabi ni Roxanne Fernandez, kontraktuwal na empleyado ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), presidente ng Contract of Service Employees Association (Cosea) at tagapagsalita ng Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon).

Matapos ideklara ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Kamaynilaan, naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng National Budget Circular (NBC) No. 580, o ang Adoption of Economy Measures in Government Due to the Emergency Health Situation, noong Abril 12. Galing ang legal na basehan nito sa RA 11469 or the Bayanihan Act of 2020 na nagbigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte na maglikom ng pondo para sa government’s efforts laban sa Covid-19.

Malaki ang tatabasin ng sirkulo sa badyet – sa mismong badyet na pinagkukuhanan ng sahod ng Contract of Service (COS) at Job Order (JO) employees. Ayon sa Section 4.1 ng Circular, “35% of programmed appropriations under the FY 2020 General Appropriations Act (GAA) shall no longer be available for release effective April 1, 2020. Likewise, at least 10% of the released allotments to covered entities under Section 2 hereof for Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) and Capital Outlay shall no longer be available for obligations.”

Nangangahulugan ito ng ibayong tanggalan sa hanay ng mahigit 700,000 kawaning kontraktuwal.

Pagpihit ng mga ahensiya

Paliwanag ni Fernandez, karamihan ng mga kontrata ng mga di-regular na mga kawani ay natapos na nitong Hunyo 30.

May mga ahensiya ng gobyerno na ang nagbago ng kanilang planong pampinansiya para sumunod sa memorandum. Kasama na rito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang ahensiyang may pinakamaraming empleyado at pinakamaraming kontraktuwal.

Sinabi na ng ahensiya na nag-iisip itong magtabas ng pondo sa ilang community-based na programa at serbisyo tulad ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan (Kalahi) at Sustainable Livelihood Program (SLP), at mangangahulugan rin ng layoffs sa mga kawani nito. Naglabas na rin ng katulad na memorandum ang Development Academy of the Philippines (DAP).

Binatikos ni Santiago Dasmariñas, pambansang presidente ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), ang administrasyong Duterte na nag-utos – batay sa Bayanihan to Heal as One Act – ng pagtatapyas ng badyet ng mga ahensiyia para raw sa Covid-19.

“Bakit hindi hayaan na lang ang mga ahensiya ng gobyerno na i-realign ang mga pondo nila batay sa pinlano at aktuwal na pangangailangang pangkalusugan at pang-ekonomiya ng mga manggagawa ng mga ahensiya at publiko tulad ng libreng mass testing at treatment, sapat na quaranting facilities at livelihood assistance? (Bakit hindi ito gawin) sa halip na isakripisyo ang seguridad at kagalingan ng mga manggagawa at pangangailangan ng publiko?” sabi pa ni Dasmariñas.

Sa kabilang banda, aniya, hindi pa rin lubusang napapakita ng administrasyon kung saan nagamit ang mahigit P200 bilyong pondo para sa Covid-19.

Dugtong pa niya na wala namang kongkreto, komprehensibo at sistema-tikong plano ang gobyerno upang tugunan ang pandemya. “Paano natin ngayon sinasabing walang sapat na pondo?” tanong niya.