Komiks na siksik sa Himagsik

0
229

Bago mo mahawakan ang librong komiks na Dead Balagtas (DB), makakabasa ka muna tungkol rito sa social media. Matagal na itong umaani ng papuri ng mga mambabasa, alagad ng sining, at aktibista — karamihan, iyung galing sa batang henerasyong tinatawag na “millennial.” Kahit ang ilang manunuri ng mga aklat, sang-ayon; nanalo ito ng Best Graphic Literature at Best Design sa Philippine Book Awards, na ang pagpaparangal ay ginanap nitong Nobyembre 24.

May mga larawan na nagpapakita ng ganda ng mga dibuho ng DB, malayung-malayo na sa maiisip ng mas nakakatandang mga henerasyon kapag sinabing “komiks.” Tawag-pansin din ang awtor, na gumagamit ng alyas na Emiliana Kampilan. Marami ang nagtatanong: sino siya? Batay sa samu’t saring hibla na bumubuo sa DB, nakakamangha ang mga hilig niya. Lalong nakakadagdag ng misteryo na tuwing nakikita siya sa mga larawan, nakasuot siya ng bayong sa ulo.

Sa aktwal, laman ng DB ang apat na kabanata, mula pinakamaikli patungong pinakamahaba, apat na kwentong ang nasa sentro ng bawat isa ay dalawang karakter. Tinatahi sila ng siyentipikong paliwanag tungkol sa paggalaw ng kalupaan at karagatan sa mahabang kasaysayan ng mundo. Tinatahi, kapwa sa paglalarawan ng iba’t ibang ugnayan ng mga tao at sa mga imahen na ginamit.

Sa “Ang Santinakpan,” ikinwento ang mito ng mga sinaunang Pilipino tungkol sa pagkakalikha ng sanlibutan kung saan sentral ang dalawang diyos na mag-asawa. Dahil ayaw pakilusin ng lalaking si Tungkung Langit ang babaeng si Laon Sina, nagdamdam at lumayo ang huli, at sa paglayo ay nag-ambag sa paglikha.  

Sa “Ang Daigdig,” salaysay naman ang sabay na paglaki ng isang batang lalake at isang batang babae, halatang kapwa petiburgis, sa panahon ng computer games. Tila patungo sa romantikong ugnayan ang dalawa, pero ipinakita ang pag-unlad ng pagkatao ng babae habang wari’y nanatiling nakatali sa pagkabata ang lalake.

Sa “Ang Karagatan,” inilahad ang pagkakakilala ng dalawang lalake sa isang muntikang sapakan — at ang paglalim ng kanilang ugnayan. Parehong laki sa kulturang kilalang macho: Muslim ang petiburgis, Batangueno ang manggagawa. Ipinakita kung paano nila tinanggap ang kanilang sarili pagdating sa pagmamahal.

Sa “Lupang Hinirang,” ikinwento ang pagkakakilala ng isang babaeng kabataang manggagawa at isang lesbiyanang estudyanteng aktibista at ang naging relasyon nila. Ipinakita ang kanilang pagharap sa pagkakaiba ng uring pinagmulan, pagsisikap makaraos sa buhay, at pakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya.

Napakaraming dahilan kung bakit matatawag na rebeldeng komiks ang DB. Punung-puno ito ng paghihimagsik sa iba’t ibang larangan. Tila pagdedeklara at pagdiriwang ito ng pagpupumiglas at paghulagpos sa kalakaran sa lipunan — na matagumpay, dahil nakapaloob sa mga kwentong kongkreto at buhay na buhay.

Taliwas sa pagiging pang-aliw at pampalipas-oras ng karamihan ng komiks, naglaman ito ng mga seryosong paksa at tema. Hindi ko alam ang istandard ng mga dibuho sa komiks, pero maririnig ang mga papuri na nagsasabing kahit dito’y tumatapat kung hindi man humihigit pa ang DB. Ang lahat ng kwento, tinatahi ng pagbaklas sa kalakaran ng kasarian, at sa pagiging dominante ng kalalakihan.

Sa unang tatlo: Taliwas sa kasikatan ng mga mito mula Kanluran, nilaman ang mito ng lahing kayumanggi — at kahit dito, ang pinatampok ay iyung sa babae kumakampi. Taliwas sa gasgas nang kwento ng pag-unlad ng lalake at pag-iwan sa babaeng babalikan, babae ang umunlad ang pagkatao. Pinatampok ang aspeto ng Islam at pagpapamilya na progresibo pagdating sa pagtanggap sa mga bakla.

Sa huling kwento, positibong inilarawan ang relasyong lesbiyana, at ng isang manggagawa at isang petiburgis pa man din. Gayundin ang pagtaliwas sa dikta ng pamilya pagdating sa trabaho at uri, sa pagrerelasyon at sekswalidad. Lantad ang aktibismo ng pangunahing karakter: miyembro ng Gabriela, kampeon ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan, at nagtuturo ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino.

Taliwas sa pagkabulag sa manggagawa ng tanaw ng kapitalistang midya, nagpakita ang DB ng iba’t ibang manggagawa. At lahat sila, ramdam kung hindi man gagap kung paano sila pinagsasamantalahan at sinusupil, at may pahapyaw sa kanilang karapatan. Ilang ulit na sinaltikan ang rehimen ni Rodrigo Duterte, sa pag-abuso sa kababaihan, pagsupil sa mga aktibista, at iba pang kasamaan. 

Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng titulo. Sa isang banda, idinedeklara mang “dead” si Balagtas, wari’y binubuhay nito ang sinaunang makatang Bulakenyo para sa bagong henerasyon. Nasa DB nga naman ang kwento ng pag-iibigan ng mga makabagong Florante’t Laura, na kayakap din ng kasaysayan ng bayan, na ngayo’y “isang madilim, gubat na mapanglaw,” na sinuri ni Balagtas. 

Sa kabilang banda, posibleng himagsik din ito — sa tradisyong pasalita, kapwa binabasa at binibigkas, na kinakatawan ni Balagtas. Panahon nga naman ngayon ng pormang biswal, na kahit hindi tuluyang nagsasantabi sa mga pormang nauna ay may sariling katangian at kakayahan. Nakakatuwa: sa paggigiit ng DB ng bagong biswalidad, buhay ang baybayin at mga imaheng likha ng mga katutubo.

Nagtapos ang isang kwento sa pagmamahalan batay sa pagtanggap sa sarili. Ang isa pa, sa pagtanggap ng pamilya at pagpapatuloy sa pakikibaka batay sa kakayahan. Magandang simula ang pag-uugnay ng paggigiit ng sekswalidad sa paglaban, at sa makauring paglaban sa porma ng aktibismo. Kumakabig ang DB sa mga mambabasang apolitikal o bahagyang mulat para sa pulitikang progresibo.

Kapana-panabik, gayunman, kung paano nito iraradikalisa ang mga relasyong nilikha. Ang pagpapalaya ng kasarian at pagpapalaya ng uri at bayan. Ang pang-araw-araw na buhay at ang sistema, at ang mga naghahari rito. Ang panimulang aktibismo at ang mas matataas na porma ng paglilingkod. Ang mga pagsulong na nakakamit ngayon at ang pangangailangang ipagtagumpay ang malayang bukas.

Madamdamin ang mga kwento, pero isang malakas na unang sigaw ng pag-aaklas ang unang tomo ng DB. Pinag-aabang ang mga mambabasa. Pagkatapos ng deklarasyon ng rebelyon, ano na? Mula sa pagbangga sa kalakaran, sasagupain na ba ang iilang makapangyarihan at kanilang tauhan? At ipinasilip ng DB na kaya ng komiks na kahit biglaan ay swabeng bigwasan ang mga naghahari-harian.

Tunghayan! Palakpakan! Abangan!

26 Nobyembre 2018