Komprehensibong tasa sa Covid-19 lockdown ni Duterte

0
464

Kaaahon lang ng kalakhan ng Pilipinas mula sa enhanced community quarantine (at ang modified na bersiyon nito) na idineklara ng administrasyong Duterte noong Marso 16. Habang nasa general community quarantine (GCQ) ang maraming lugar kabilang ang Kamaynilaan, at ipinagmamalaki ng gobyerno ang paghina umano ng pagkalat ng coronavirus disease-2019 (Covid-19) (at habang hinintay natin ang di raw maiiwasang “second wave” ng pagkalat ng Covid-19), balikan natin ang ating nakaraang 2.5 buwan: Ano nga ba ang napala ng mga mamamayan? At ano ang nakamit ng gobyerno?

Sinuri at sinuma ng Pinoy Weekly ang ECQ ni Duterte sa tatlong aspekto: I. Kalusugan; II. Kabuhayan; at III. Karapatan.


I: Tugon-medikal sa krisis-medikal

Mga dapat na tugon – at aktuwal na ginawa – ng rehimeng Duterte sa panahon ng nakaraang lockdown sa harap ng pandemyang Covid-19. Ni KR Guda

Graph ng testing na isinagawa, hanggang Mayo 24. Iyung huling linggo, papababa ang bilang ng nate-test. Mula kay Prop. Lex Muga

Graph ng testing na isinagawa, hanggang Mayo 24. Iyung huling linggo, papababa ang bilang ng nate-test. Mula kay Prop. Lex Muga

“Naabot na natin!”

Iyan ang masayang sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa mga tagapakinig sa kanyang online press conference noong Mayo 25. Tinutukoy niya ang antas daw ng kakayahang magsagawa ng testing kada araw ng lisensiyadong mga laboratoryo sa buong bansa para malaman kung may coronavirus disease-2019 (Covid-19) ang mga Pilipino na sumasailalim nito.

Ang original target po ay 30,000 (pagsapit ng) May 30. Pero nung Mayo 20 po, nakaabot na po tayo sa 32,100 tests per day. Nalampasan po natin ang ating target,” ani Roque. Mistulang magandang balita ito. Mahigit isang linggo pa lang nang makatanggap ang tagapagsalita ni Pangulong Duterte ng malawakang pagkondena sa kanyang pahayag na ipinauubaya na ng gobyerno sa “pribadong sektor” ang pagsasagawa ng testing sa pagpasok ng Metro Manila at iba pang lugar sa modified enhanced community quarantine (MECQ) at iba’t ibang probinsiya sa general community quarantine (GCQ).

Nang tanungin ng midya kung may plano ba talaga ang administrasyong Duterte sa “mass testing” (o malawakang pagsasagawa ng tests para madetermina ang inabot ng Covid-19 sa populasyon), nauna pang sinabi ni Roque na wala talagang planong “mass testing” ang administrasyon. Ito’y dahil, aniya, wala namang bansa ang nagsasagawa ng testing sa buong populasyon – kahit pa hindi ito ang kahulugan ng “mass testing.” Sabi niya, “expanded targeted testing” ang sinasagawa ng gobyerno.

Kung kaya may dahilan para maging magiliw si Roque sa kanyang pinakahuling anunsiyo. Kung nakaabot na nga sa 32,100 ang arawang tests sa bansa, hindi ba’t nakamit na rin nito ang “mass testing” – kahit pa hindi ginagamit ng administrasyon ang terminong ito? Hindi ba’t nalampasan na nito ang inanunsiyo ni Deputy Chief Implementer of the National Action Plan Against Covid-19 Vince Dizon noong Mayo 5 na target nitong 30,000 tests kada araw pagtuntong ng Mayo 31?

Tinotonohan ng anunsiyong ito ni Roque ang halos magkakasabay na pagdiriwang ng iba’t ibang opisyal ng administrasyong Duterte: Nagtatagumpay na umano ang bansa sa paglaban nito sa Covid-19. Sa pagtatapos ng MECQ, inihahanda na nito ang mga mamamayan – lalo na ang mga manggagawang (may trabaho pa na) papasok na sa trabaho – na lumipas na ang pinakamalupit na bahagi ng krisis sa Covid-19.

Pero hindi nagtagal ang pagdiriwang ni Roque. Mabilis na nabalikan ng independiyenteng mga eksperto at ng midya ang bilang ng aktuwal na tests na isinagawa noong araw na sinasabi ni Roque na umabot ng 32,100. Noong Mayo 20, sinabi mismo ng Department of Health (DOH) na umabot lang sa 8,179 ang aktuwal na tests na isinagawa para sa Covid-19.

Lumalabas, “theoretical capacity”, o ang tantiya o haka-hakang kakayahan ng lahat ng testing centers at laboratoryo sa buong bansa, ang sinasabi pala ni Roque. Lumalabas, 25 porsiyento lang ng kakayahan ng mga laboratoryo ang naipoprosesong tests. Lumalabas, malayo pa talaga ang bansa sa aktuwal na dapat nitong ginagawa para malaman ang saklaw ng Covid-19 sa bansa, at makagawa ng kaukulang medikal at pampulitikang hakbang para mapigil ang pagkalat nito bago matapos ang lockdown.

Covid-19 testing sa Vitas, Tondo. Larawan mula kay Kgwd. Phil Tiozon

Covid-19 testing sa Vitas, Tondo. Larawan mula kay Kgwd. Phil Tiozon

Mass testing nga ba?

“Test, test, test” ang panawagan ng World Health Organization (WHO) sa mga bansa ng mundo para malabanan ang pagkalat pa ng Covid-19.

Ito’y habang hinihintay ang pagdebelop ng vaccines o gamot na matutulak sa paggawa ng antibodies sa katawan ng tao na lalaban sa coronavirus. Kasabay nito ang pangangailangan para sa contact-tracing (o pagtunton ng mga nakasalamuha ng pasyente), isolation (paghihiwalay ng maysakit sa walang sakit), at treatment (o paggamot ng maysakit).

Matagal na ipinanawagan ng iba’t ibang grupo at independiyenteng mga eksperto sa pampublikong kalusugan ang “mass testing” sa Pilipinas. Pero kahit matapos maipasa ng Kongreso ang Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act of 2020, na nagbigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte para makontrol ang pondo para sa pagtugon sa Covid-19, walang pinrisintang plano ang administrasyon para masiguro na malawakan ang pagsasagawa ng testing sa bansa.

Sinabi ni Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, direktor-heneral ng WHO, noong Marso 13, na “hindi mo malalabanan ang virus kung hindi mo alam kung nasaan ito…Hanapin, ihiwalay, i-test at i-treat ang bawat kaso, para maputol ang kadena ng hawaan. Bawat kaso na nakikita at natutugunan ay nakakalimita sa paglawak ng sakit.”

Pero makikita sa mismong datos ng DOH na sa kabila ng mga panawagan ng WHO, at matapos ipasailalim ang buong Luzon sa ECQ noong Marso 16, limitado ang naging testing ng gobyerno.

Sa situation report ng DOH na sinumite sa WHO noong Marso 30, tinatayang umaabot lang sa 800 tests ang naisasagawa nito sa bansa. Sa Covid-19 tracker ng DOH (www.doh.gov.ph/covid19tracker), Abril 8 lang nagsimula itong magbilang ng mga tine-test. Noong araw na iyon, umabot sa 3,247 samples lang ang na-test sa buong Pilipinas – 2,335 nito’y sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng DOH.

20K na naging 30K target

Inanunsiyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pinangunahan mismo ni Duterte kasama ang kanyang (retiradong) mga heneral sa gabinete, noong Abril 7 na target nitong makapag-test nang di-bababa sa 20,000 pagdating ng Abril 27. Pero sa Covid-19 tracker ng DOH, nakapag-test lang ito ng 4,832 noong Abril 27.

Pinakamataas na bilang ng tests na naisagawa na sa bansa sa loob ng isang araw ay noong Mayo 14. Noong araw na ito, nagsagawa ang iba’t ibang testing centers at accredited na laboratoryo sa bansa ng 11,254 tests. Noong Mayo 25, halos nangalahati na lang ang na-test: 5,914. Bago matapos ang MECQ noong Mayo 29, umabot sa 8,147 ang na-test noong araw na iyon.

(Mas mababa pa riyan ang bilang kung titignan ang “unique individuals tested” – dahil posibleng ang isang tao na nakakuha ng positibong resulta ng test ay magpasailalim pa sa karagdagang confirmatory test o test na nagkukumpirma sa naunang positibong resulta.)

Noong Mayo 29 din (Mayo 30 na lumabas), matapos maiulat ang pinakamalaking bilang ng positibong mga kaso sa isang araw sa 1,046, biglang inanunsiyo ng DOH na hindi naman daw lahat nang ito’y “fresh cases” o mga kaso na na-test tatlong araw o mas maikli pa ang nakaraan. Isanlibo raw ang “late cases” o mga kaso na na-test apat na araw pataas ginawa, samantalang 46 lang ang “fresh.” Tila reaksiyon ito ng DOH sa pagkagulat ng publiko sa malaking natalang bagong kaso – samantalang palaging inaaunsiyo ng gobyerno na papaliit na ang bilang at kontrolado na ang sakit, habang papalapit nang papalapit ang katapusan ng MECQ patungong GCQ.

Ayon sa mga eksperto, kahit pa lumang mga kaso ang kalakhan sa mga naiuulat, lubhang nakababahala pa rin ang napakalaking bilang na ito: 1,046 noong Mayo 29, at 590 noong Mayo 30.

Sa kabuuan, may average umanong mahigit 8,000 tests kada araw ang nagagawa sa Pilipinas, ayon sa Scientists Unite Against Covid-19, isang independiyenteng grupo ng mga siyentistang inaaral ang siyentipikong pagtugon sa pandemya sa Pilipinas.

“Mukhang may paghahalo ng potensiyal at aktuwal na kapasidad (ng pagproseso ng testing), dahil maraming laboratoryo ay nagpoproseso nang mababa sa kapasidad nito, katulad ng PCR facility sa Bicol na nasira noong pagragasa ng bagyong Ambo, at iba pang laboratoryo na nagkukulang na sa suplay,” pahayag ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH), grupo ng mga doktor at health workers na nagtataguyod ng karapatan ng mga mamamayan sa serbisyong pangkalusugan, noong Mayo 26.

Atrasadong pagproseso

Ibig sabihin din ng anunsiyong ito ng DOH, totoo ngang may malaking “backlog” o nahuhuling pagpoproseso ng mga na-swab o na-test na mga tao para sa Covid-19. Bukod pa ito sa isa pang “backlog”: ang “backlog” sa pagpapasailalim sa test ng mga taong dapat mapasailalim dito.

Sa media briefing ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid) noong Mayo 12, ipinaliwanag ni Joshua Danao, isang molecular biologist at research specialist mula sa University of the Philippines (UP), na ang naturang kakulangan ng kapasidad ng mga laboratoryo ay nagreresulta sa “backlogs”.

Ang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests na pinaka-inaasahang tests ay dapat umabot lang nang isa hanggang dalawang araw ang pagpoproseso. Pero dahil sa mababang kapasidad ng mga laboratoryo, madalas na umaabot ng isa hanggang dalawang linggo ang pagpoproseso ng samples.

Bakit sinasabi ni Roque na kaya nang magproseso ng 32,100 samples ang iba’t ibang laboratoryo sa bansa, pero umaabot lang sa mahigit 8,000 ang nagagawang tests sa ngayon? Ayon sa Scientists Unite Against Covid-19, ito’y dahil sa tatlong bagay: (1) kakulangan ng personnel; (2) kakulangan ng mga suplay at/o consumables; at (3) uneven o di-pantay na sample allocation.

May apat na mungkahi si Danac at Scientists Unite Against Covid-19 para umangat ang kapasidad ng bansa sa pagproseso ng tests. Una, “streamlined accreditation,” o pagdagdag ng mga laboratoryo para sa Covid-19 testing sa pamamagitan ng mas mabilis na proseso ng akreditasyon ng mga laboratoryo at “proactive” na pagtulong sa nag-aaplay na laboratoryo na makamit ang mga rekisito para sa akreditasyon.

Pangalawa, pagpapalawak pa ng “sample allocation,” o “pag-allocate ng mga sample para sa testing sa lahat ng accredited na mga laboratoryo (at hindi lang sa pampublikong mga laboratoryo). Pangatlo, “centralized procurement,” o koordinado at nakasentrong pagbili ng kailangang mga suplay sa laboratoryo, tulad ng “test kits, sample collection reagents, RNA extraction kits, at laboratory consumables.”

Pang-apat, kumuha ng karagdagang personnel sa accredited laboratories sa pamamagitan ng pagrekluta at pagsasanay ng mga siyentista na may inisyal na kasanayan o kaalaman sa molecular biology at iba pang kaalaman na makakatulong sa Covid-19 testing.

Pinapakita sa graph na ito ni Tomas Pueyo kung bakit mahalaga ang agap sa testing at contact-tracing.

Pinapakita sa graph na ito ni Tomas Pueyo kung bakit mahalaga ang agap sa testing at contact-tracing.

Ilan ang sapat?

Gaano karaming tests nga ba ang sapat na para malaman ang inabot ng pagkalat ng Covid-19 sa isang bansa?

Maraming haka-haka ang iba’t ibang eksperto. Kabilang rito si Tomas Pueyo, isang enhinyero sa Silicon Valley sa California, Estados Unidos (US) na nagka-interes sa mga datos kaugnay ng Covid-19 at gumawa ng maraming pag-aaral at sulatin hinggil dito. Kasama sa mga inaral niya ang mga bansang tulad ng Vietnam, Taiwan at South Korea na matagumpay na nakontrol ang pagkalat ng naturang sakit.

Isa sa tatlong sanaysay ni Pueyo ang “Coronavirus: How to Do Testing and Contact-Tracing” na inilathala sa Medium noong Abril 27 na nag-viral sa Internet. Dito, sinabi niyang sa mga bansang Vietnam, Taiwan at South Korea ngayon, di-tataas sa tatlong porsiyento (3%) lang ng mga napapasailalim sa test ang nagpopositibo sa Covid-19. Ibig sabihin, sa lawak ng inaabot ng mass testing sa mga bansang ito, maliit na porsiyento na lang ang nagiging positibo.

At bukod sa mababang kapasidad sa testing, nababahala rin ang CPRH sa mabagal at di-episyenteng contact-tracing. Sa presentasyon ng Epidemiology Bureau ng DOH, inamin nitong may 13-araw na delay mula sa pagkokonsulta ng positibong kaso hanggang sa tracing. Noong Mayo 17, lumalabas na 86 porsiyento ng kumpirmadong mga kontak ang na-trace. “Nagresulta ito sa 64,306 na natukoy na mga kontak, o may ratio na anim na kontak kada kumpirmadong kaso,” ayon sa CPRH. Pero 12 porsiyento o 7,436 sa mga kontak na ito ang na-test.

Malinaw na walang mass testing kung titingnan kung sino lang ang pinaprayoritisa ng DOH sa testing: ang mga health worker, matatanda, buntis, o may comorbid illness (may iba pang malubhang sakit) na may sintomas sa Covid-19 ang tine-test. Hindi lahat ng taong nagkakaroon ng “close contact” o malapit na kontak sa kumpirmadong kaso ang tine-test, ayon sa CPRH; iyung may mga sintomas lang.

Sa Pilipinas, nitong Mayo 30, umaabot pa sa 7.5 porsiyento ng mga napapasailalim sa test ang nagpopositibo. Idagdag ang puntong ito sa puntong di-pa nga ngangalahati sa target nitong 30,000 kada araw ang aktuwal na nagagawang tests sa bansa – maiintindihan natin kung bakit pinagpipilitan ni Roque sa madla ang isang “maganda” pero di-totoong balita na sumasapat na ang testing na isinasagawa sa bansa.

Flattening the curve daw?

Noong Mayo 5, ipinagmalaki naman ng DOH ang ayon naman dito’y “flattening” ng “curve”, o pagpapantay ng kurba sa Pilipinas.

Tinutukoy ng “flattening the curve” ang graph ng bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa pagtagal ng panahon. Sa anumang graph na ganito ng mga bansang apektado ng Covid-19, makikita ang pag-angat ng kurba ng graph sa pagtagal ng panahon. Kapag mabilis na umakyat ang kurba, ibig sabihin nito, mabilis na dumarami ang kaso, at maaaring di-kayanin ng sistemang pangkalusugan ng naturang bansa na tugunan ang mga kaso.

Ang kailangan, ayon sa WHO, ay pigilan ang mabilis na pag-angat ng kurba, at gawing mas flat o pantay ito sa pagtagal ng panahon. Mapapantay ito kapag mapapabagal ang pagkalat ng sakit – sa pamamagitan ng mga hakbang medikal ng gobyerno tulad ng mass testing, isolation at treatment, at quarantine o lockdown sa mga lugar na biglang kumalat ang Covid-19.

Noong Mayo 5, pinrisinta sa presser ng DOH si Dr. John Wong ng kompanyang Epimetrics at associate professor ng Ateneo School of Medicine and Public Health, na nagsabing bumabagal na ang pagdoble (doubling time) ng pagkalat ng doubling time. Noong panahong iyon, umaabot na lang daw ng apat hanggang limang araw ang pagkalat ng sakit. Ibig sabihin nito, ani Dr. Wong, na bahagi rin ng sub-technical working group on data analytics ng IATF, na bumabagal na ang pagkalat. Pumapantay na raw ang kurba.

Pero pinabulaanan ito ng ibang eksperto. Sa media briefing ng CURE Covid noong Mayo 8, sinabi ni Prop. Felix Muga II, propesor sa matematika sa Ateneo de Manila University rin, na malinaw kung titingnan lang mismo ang graph ng Pilipinas na hindi pa pumapantay ang kurba. “Nagkakaroon pa rin ng increase pero mabagal ang pag-increase. ‘Yung flat, dapat parang table na,” ani Muga.

May problema umano kung ipapasok ang datos sa isang logarithmic graph (graph na hindi linear o hindi pantay-pantay ang pagtaas ng bilang sa x-axis ng graph), magmumukhang halos pumapantay na ang kurba. Pero kung makikita ang linear graph ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, makikitang umaangat pa rin ito.

Kahit sa Covid-19 tracker ng DOH, malinaw ang tuluy-tuloy na pagtaas ng bilang. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, Mayo 25, umabot na sa 14,669 ang kabuuang bilang ng mga positibong kaso ng Covid-19 sa bansa – 10,371 pa rito ang aktibo, 883 ang namatay na, at 3,412 ang nakarekober.

Sa graph ng nadadagdag na kaso, malinaw na hindi pa pababa ang trend ng nadadagdag bawat araw. Ang pinakamataas na inabot ng pagdagdag ng kaso sa isang araw ay noong Marso 31, nang madagdagan ito ng 538 kaso. Pinakamababa na matapos nito ang 76 nadagdag na kaso noong Abril 4. Pero magmula noon, muling tumaas ito. Nitong Mayo 25, nasa 360 ito – pinakamataas mula Abril 6 (nang tumala ito ng 414).

Para kay Danac, posibleng umaabot na sa pinakarurok ng kapasidad ng bansa na magsagawa ng testing kaya mukhang may “flattening of the curve.” Hindi na lumalaki pa katulad ng dati ang bilang ng nadagdagang kaso dahil hindi na lumalaki ang bilang ng nate-test. Maaaring resulta din ng sinasabing “flattening of the curve” sa Metro Manila ang pagkakaroon ng mas maraming testing centers dito kumpara sa ibang bahagi ng bansa.

Umaabot nga naman sa 19 sa 42 accredited laboratories para sa Covid-19 ay matatagpuan sa Metro Manila.

“Kung nagko-coincide ’yung maraming nade-detect na cases with the areas that have more access to testing, then we have to account for that in the data,” paliwanag ni Danao.

Mula sa CURE Covid Facebook page (@curecovidPH)

Mula sa CURE Covid Facebook page (@curecovidPH)

Siyensiya sa lockdown?

Sa kakulangan ng mass testing at kasunod nitong contact-tracing, isolation at treatment, kadalasang natutulak ang maraming gobyerno ng iba’t ibang bansa sa pamamaraang lockdown, o pagsasara sa mga lungsod o malalaking bahagi ng bansa, pagpigil sa mga tao na lumabas sa kanilang mga bahay.

Sa Luzon at Metro Manila, ito’y sa porma ng ECQ (Marso 17-Abril 30 sa Luzon; Marso 17-Mayo 15 sa Metro Manila), gayundin ang modified enhanced community quarantine (MECQ) (Mayo 16-31 sa Metro Manila); at GCQ (magmula Mayo 16 sa iba’t ibang bahagi ng bansa; magmula Hunyo 1 sa Metro Manila).

Sa isa pang sanaysay ni Pueyo sa Medium na pinamagatang “Coronavirus: The Hammer and the Dance,” inihalintulad niya ang mga lockdown sa hammer o martilyo. Mahalaga ang pagpapatupad ng lockdown sa mga lugar na hindi pa alam ang saklaw ng inaabot ng virus. Kailangan ng mabilis at marahas na suppression o pagpipigil ng kilos ng mga tao para mapigilan ang mabilis na pagkalat ng Covid-19. Kung hindi ito mabilis na gagawin, hindi kakayanin ng health care system ng bansa ang pagtugon sa biglang-dami ng maysakit. Marami ang mamamatay.

Ilang linggo lang ang dapat itagal ng mga lockdown, ani Pueyo. Ang isang dahila’y malupit ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa, lalo na sa pang-ekonomiyang katangian ng mga manggagawa at nagtatrabahong “no work, no pay”. Katunayan, inamin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na posibleng umabot sa 10 milyon ang nawalan ng trabaho dahil sa krisis na ito.

Pero sa punto-de-bista ng medikal na tugon sa krisis, napakita sa ibang bansa na di-bababa sa dalawang linggo lang ang kinailangan para maisagawa ang malawakang testing, contact-tracing, isolation at treatment. Sa panahong ito, kung may sapat na na-test, na-trace, naihiwalay at napagamot, mabilis nang makokontrol ang pagkalat ng sakit.

Mga stranded na OFW dahil sa lockdown sa Kamaynilaan. <b>Neil Ambion</b>

Mga stranded na OFW dahil sa lockdown sa Kamaynilaan. Neil Ambion

Matapos ang “hammer”, puwede na umanong papasok ang mga bansa sa “dance”, o ang pakikipagsayaw o pakikipamuhay ng mga mamamayan sa patuloy pa ring presensiya ng Covid-19 kahit kontrolado na ang pagkalat nito.

Kinuwento ni Pueyo na sa rehiyon ng Hubei, sa China (kung saan nagsimula ang pagkalat ng Covid-19), “(s)a loob ng dalawang linggo, nagsimula na ang bansa na bumalik sa trabaho. Sa loob ng limang linggo buong kontrolado na nito ang sitwasyon. Sa loob ng pitong linggo, papatak-patak na lang ang bagong nada-diagnose. Tandaang ito (Hubei) ang pinakamalalang rehiyon (na tinamaan ng Covid-19) sa China.”

Ganito rin ang ginawa ng Italy, France, at Spain: ang mahigpit na lockdown – bagamat, ani Pueyo, di-hamak na mas mahigpit ang isingawa sa China. Ganito rin ang ginawa umano sa South Korea – bagamat napadali ang contact-tracing ng gobyerno dahil sa malawak na sistema ng paniniktik nito sa mga mamamayan ng nasabing bansa. Gayundin ang ginawa sa Vietnam, na nagsagawa ng lockdown, travel ban, at agresibong testing sa mga mamamayan nito.

Hindi imposibleng maging matagumpay ang lockdown sa demokratikong mga bansa hangga’t agresibong isinasagawa ang testing, tracing, isolation at treatment, ani Pueyo. Ipinapakita umano sa mga datos na “iyung mga bansa na mas handa, may mas malakas na awtoridad sa epidemiolohiya (pag-aaral sa mga simula, pagkalat at pagkontrol ng mga sakit), nagsagawa ng edukasyon sa hygiene at social distancing, mabilis na nagsagawa ng detection (testing) at isolation, hindi kailangang magsagawa ng mas malulupit na hakbang (tulad ng mas malupit na lockdowns) pagkatapos.”

Samantala, Pilipinas ang may pinakamahabang lockdown sa panahon ng pandemyang Covid-19 sa buong mundo, ayon sa mga ulat sa midya. Tumagal nang dalawa’t kalahating buwan (Marso 16 hanggang Mayo 31) ang ECQ at MECQ sa Metro Manila, habang nagpapatuloy dito ang GCQ (at sa ibang lugar Modified GCQ) hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito.

Malinaw sa mga inilahad sa itaas na naging limitado ang testing (at nagkaroon pa ng maraming backlogs), naging makupad ang contact-tracing, at ipinaubaya sa local na mga gobyerno hanggang antas-barangay ang isolation at hindi libre ang treatment o paggamot. Sa huli, marami rin ang ulat ng mga ospital na nagtataboy na ng mga pasyente, kahit malalang kaso, na hindi Covid-19 – dahil puno na ang naturang mga ospital ng mga pasyenteng may Covid-19.

Malinaw, naging bigo ang administrasyong Duterte sa tugon nito sa pandemyang ito.


II: Anyare sa Ayuda

Pamamahagi ng Social Amelioration Program: kulang, mabagal, magulo ang kuwalipikasyon, at may pinipili. Ni Peter Joseph Dytioco

Pila sa Quezon City para sa Social Amelioration Program. <b>Neil Ambion</b>

Pila sa Quezon City para sa Social Amelioration Program. Neil Ambion

Tatlong araw na pumila para sa pamamahagi ng ayudang pera sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa kanilang barangay si Teodoro Omandam, 53, karpinterong wala nang trabaho at residente ng San Juan sa Taytay, Rizal.

Sa ikatlong araw ng kanyang pagpila noong Mayo 11, inatake sa puso si Mang Teodoro habang naghihintay na mabigyan ng form para sa SAP. Bagaman naitakbo sa ospital, binawian siya ng buhay.

Isa si Mang Teodoro siya sa milyun-milyong manggagawang “no work, no pay” na nawalan ng kita at umaasang makakatanggap ng ayuda ng gobyerno. Pero ayon sa lokal na gobyerno ng Taytay, hindi umano siya kasama sa listahan ng mga benepisyaryo sa munisipalidad.

Katulad niya ang milyun-milyong mahihirap na umaasa ayuda ng gobyerno sa panahon ng kasalukuyang pandemya. Dalawa’t kalahating buwan na mula nang ipatupad ng gobyerno ang ECQ. Sa pagpasok ng Hunyo, sa ilalim ng GCQ, usapin pa rin ang hindi pa dumadating na ayudang pinansiyal sa malaking bilang pa rin ng mga manggagawa at iba pang maralitang sektor na nawalan ng kabuhayan.

Kapansin-pansin na di-episyente ang paghahanda at pagtitiyak ng kasalukuyang administrasyon sa pagbibigay ng ayuda sa mamamayan – mabagal, magulo ang sistema ng kuwalipikasyon at hindi nasasaklaw ang lahat ng apektadong na mamamayan.

Maliit na bilang

Sinimulan ang pamamahagi ng SAP noong Abril 3, halos tatlong linggo matapos mag-umpisa ang lockdown.

Umabot daw sa 18 milyong benepisyaryo ang nais abutin ng nasabing programa, ayon sa IATF. Simula’t sapul, marami na ang umalma sa anila’y maliit na bilang ng mga benepisyaryo. Kabilang na rito ang Ibon Foundation, isang independiyenteng institusyon ng pananaliksik, na nagsabing hindi lang umano 18 milyon kundi 18.9 milyon ang dapat na benepisyaryo. Ito’y kung susundan ang datos hinggil sa labor force ng gobyerno noong 2018 at 2019, ang apektadong trabaho at kabuhayan ng pandemya. Ito anila’y 45 porsiyento ng 42.4 milyon na empleyado.

Kinuwestiyon din ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) kung bakit limitado lang sa 18 milyon pamilya ang sinasaklaw ng SAP. Anila, 73 porsiyento lang ito ng 24.5 milyong kabuuang pamilya sa buong bansa. “Nangangako si Duterte na may perang ipapakalat para sa mahihirap, pero sa ulat naman niya ay makikita na limitado pala ang mabibigyan. Makikita din ito sa maraming mga pamahalaang lokal at barangay na nagreklamo sa limitadong bilang ng pamilyang aayudahan,” ayon pa sa grupo.

Anu’t anuman, sinabi ng gobyerno na makakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 ang kuwalipikadong mga benepisyaryo ayon sa regional ­­wage habang P10,000 naman para sa mga apektadong Overseas Filipino Workers. Katuwang sa pagpapatupad ng programa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), DOLE at iba pang mga ahensiya ng gobyerno.

Ipinagmalaki ng gobyerno na noong Mayo 21, umabot na sa 97 porsiyento o 98.6 Bilyon ng badyet daw ng SAP para sa unang tranche ang napamahagi na ng naturang mga ahensiya. Pero ito’y matapos ang isa’t kalahating buwan ng pamamahagi.

Pero kung susundin ang kalendaryo ng gobyerno, matagal nang dapat tapos ang pamamahagi ng unang tranche ng SAP. Sa katunayan, umabot sa tatlong usog sa petsa ng palugit ang DILG sa mga lokal na pamahalaan upang matapos ang pamamahagi ng unang tranche ng ayuda – una noong Abril 30, pangalawa noong Mayo 7 (sa apela ng mga alkalde) at pinakahuli noong Mayo 10. Pero hanggang sa huling pagkakasulat ng artikulong ito, tila hindi pa rin tapos ang pamamahagi ng unang tranche.

Sa madaling salita, naging tampok ang mabagal na pamamahagi ng SAP sa mga target nitong benepisyaryo.

Nagmamalimos ng makakain o pambili ng pagkain, sa Manila. <b>Darius Galang</b>

Nagmamalimos ng makakain o pambili ng pagkain, sa Manila. Darius Galang

Mabagal

Sa press conference ng DSWD noong Abril 30, halos isang buwan nang simulan ang pagkakaloob ng SAP ang pinakaunang petsa ng palugit ng DILG, aminado si Sec. Rolando Bautista na tila napakalayo pa ng kailangan abutin ng SAP.

Batay sa datos ng naturang ahensiya noong petsang iyon, 6 porsiyento o 104 pa lang ng kabuuang bilang ng lokal na gobyerno ang naka-100 porsiyentong payout.

Kaya naman, umalma muli ang Kadamay sa mabagal na pagbibigay ng ayuda. “Anong petsa na? Kalagitnaan na ng Mayo, kakatapos pa lang ng first tranche, sitwasyon ng emergency pero late na late ang ayuda,” ani Gloria “Ka Bea” Arellano, tagapangulo ng Kadamay. Ayon pa sa grupo, dahil sa mabagal na pagbibigay ng SAP at kaukulang guidelines nito, napilitan ang mga tao na ibuwis ang kanilang buhay para sa ayuda.

Sa update ng DSWD noong Mayo 11, mayroong 597 lokal na pamahalaan, sa kabuuang 1,632, ang hindi pa nakatapos ng payout o pamamahagi ng ayuda. At nitong Mayo 21 nga, 97 porsiyento na raw ang nabibigyan – pero wala pang independiyenteng nakakapagkumpirma rito.

Ayon naman kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, bukod sa mabagal na pagdating ng ayuda ng gobyerno at malaki-laki pa ang di nakakatanggap nito. Ani Africa, huli na nga natanggap ang SAP, umaabot lang sa P4,000-P6,000 ang natanggap ng kalakhan ng benepisyaryo – mas mababa pa sa inaasahang P8,000. Katumbas lang anila ito P80-119 kada araw sa loob ng 49 araw ng lockdown, mas mababa sa poverty line na P353 kada araw ng pamilya na may limang kasapi.

Kinumpirma ito ni Prop. JC Punongbayan, propesor sa UP School of Economics, na nagsabing kahit pa totoong umabot sa 97 porsiyento ang napamahagi ng pondo noong Mayo 21, malayo pa ito para maging sapat sa pangangailangan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho.

“Pag inihambing mo ang amount na ito sa poverty line sa lahat ng rehiyon, makikita na maliit ang emergency subsidy kumpara sa poverty lines noong 2018,” ani Punongbayan, sa public briefing ng CURE Covid noong Mayo 27. “Ibig sabihin, kulang pa ang emergency subsidy para punuan ang minimum income na pangangailangan ng isang pamilya na on average may limang myembro, at para makabili ng basic food at non-food commodities.”

Ang problema talaga, aniya, “masyadong mabagal, masyadong maliit, at masyadong napupulitika ang pagbibigay ng ayuda.”

Magulong pamantayan, kapos na saklaw

“Kada araw, sa isang team, kaya ng 50 (benepisyaryo) ang napupuntahan sa isang araw,” sabi ni Carrie (di-tunay na ngalan), isa sa mga nagsasagawa ng validation sa Caloocan City na nakapanayam ng Pinoy Weekly. “Mga 15 teams kami.”

Kasapi siya ng validation teams ng DSWD na gumagaod sa iba’t ibang barangay ng Caloocan. Bago ang kanilang trabaho, binubuo muna ng mga lider ng mga homeowners association (HOA) o mga lider ng barangay o purok ang inisyal na listahan. “Madalas, kapag kaaway ng HOA o purok leaders, hindi naililista. Nagagamit pa minsan sa korupsiyon.”

Kuwento ni Carrie, nakakaawa umano ang mga di kasama sa lista, pero nakikipapag-usap pa sa kanila. “Kinukuwento nila ang hirap nila. Iyung iba, okey na sa kanila na maikuwento lang nila ang hirap nila,” aniya.

Ang masahol pa, tumatagal ang proseso dahil matapos ang pagbubuo ng listahan at pagsasagawa ng validation, paghihintayin pa ang mga benepisyaryo ng ilang araw o linggo bago muling papilahin para sa ayuda.

“Maraming balita na ite-text sila, tapos tatawagan pa uli, tapos saka pipila. Iba-iba ang paraan. Minsan hindi rin alam ng LGU kung ano ang pagpapatupad,” ani Carrie. “Ang guidelines, halos araw-araw nagbabago.”

Nakakapagpasahol pa umano ang presensiya ng mga militar at pulis na kasabay ng validation teams sa pag-ikot nila sa mga barangay. “Madalas, kapag nagva-validate kami, kasama ang mga sundalo. Automatic kapag nakakakita ng unipormado ang mga tao, nagsisipasok sa bahay. Display lang sila. Kasi ang mga tao, kapag nakakakita ng sundalo, wala nang masyadong tanong. Kahit sa loob mo, tingin mo kuwalipikado ka sa ayuda, kapag nakakita ka ng unipormado, tatahimik ka na lang,” aniya.

Lumalabas na malaking salik sa pagkabagal ang pabagu-bagong pamantayan na itinatakda ng pambansang gobyerno at ang hindi-tugmang bilang at lista ng mga benepisyaryo ng DSWD at mga lokal na pamahalaan. Bunsod nito, labis na nahuli ang pagkuha ng pera mula sa pambansang gobyerno tungo sa mga lokal na gobyerno.

Sa talumpati ni Duterte noong Marso 31, “Lahat, mabibigyan ng ayuda.” Pero taliwas rito ang katotohanang limitado ang natuturing na kuwalipikado sa ayuda ng gobyerno.

Malaking usapin sa lokal na mga gobyerno ang inihanda ng DSWD at iba pang ahensiya ng gobyerno na listahan ng mga benepisyaryo – malaking bilang ng kanilang nasasakupan ang hindi kasama. Bukod pa rito ang kalituhan sa pamantayan kung kada “household” o kada “pamilya” ang pamamahagi ng ayuda. Tila naging karaniwang eksena na sa mga barangay ang pagtatanong ng mga maraming residente sa kanilang mga opisyales kung bakit hindi sila nabigyan ng form na sasagutan para sa SAP.

Sa obserbasyon naman ni Prop. Malou Turalde, dating undersecretary ng DSWD sa ilalim ni Taguiwalo, may iba pang pahirap sa LGUs na ipinataw ang pambansang gobyerno.

Banggit ng implementers sa ground ang logistical challenges at hirap. Halimbawa, pina-download sa LGUs ay grants, wala itong kasamang operational expense. So bahala na ang LGU kung paano niya idi-distribute, anong mga vehicle ang gagamitin, sinu-sino ang mga tao, ‘yung kanilang PPEs (personal protective equipment). Kaya naiiwan sila sa sarili nila. Kaya depende na lang sa initiative yan ng mga LGUs kung magaling ang LGU. So nakikita natin na ang daming concerns na nai-atang sa LGUs,” ani Turalde, sa CURE Covid public briefing din noong Mayo 27.

Pagsetup ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ng sanitation tents.

Pagsetup ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ng sanitation tents.

Sariling kayod

Sa unang bahagi pa lang ng ECQ, ipinasa na ng pambansang gobyerno sa lokal na mga pamahalaan ang pagtitiyak ng kagyat na ayuda, pagpapatupad ng quarantine at pag-asikaso sa may mga kaso Covid-19 sa mga nasasakupan nila. At dahil hindi tugma ang mga listahan ng benepisyaryo na ibinigay ng DSWD kumpara sa kanilang hawak na bilang, may mga lokal na pamahalaan ang nahihirapan.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nahirapan silang matapos ang pamamahagi ng unang tranche bago ang Mayo 7 na deadline. Kinakailangan pa raw kasing obserbahan ang social distancing ng mga opisyal ng barangay kaya matagal mangalap ng pangalan at matagal makapagpa-fillup ng forms.

Samantala, sa Pasig City, sinikap namang gawan ng paraan ni Mayor Vico Sotto na mapabilis ang proseso – at mabigyan kahit ang mga wala sa listahan. Sa pamamagitan ito ng Pasig Supplemental SAP. Gamit ang sariling pondo ng lungsod, sinimulan noong Mayo 5 ang pamamahagi ng P8,000 kada pamilya na mga lehitimong residente. Ani Sotto, “Ang layunin natin sa Pasig Supplemental SAP ay para matulungan po yung mga talagang nangangailangan ng tulong na hindi nabigyan ng DSWD SAP.” Umabot 150,000 hanggang hindi hihigit sa 200,000 pamilya sa lungsod ang target maabot ng nasabing programa.

Sa Makati naman, inilunsad ang “Makatulong P5,000 for 500,000 Makatizens.” Ayon kay Mayor Abigail Binay, layon ng programa na mabigyan ng P5,000 kada pamilya bilang dagdag ayuda, bukod pa sa SAP, sa may 500,000 residente ng lungsod. P2.7 Bilyon ang inilaang budget ng lokal na pamahalaan para sa nasabing programa.

Samantala, ibinigay ng ilang alkalde ang kanilang suweldo para gamiting pang-ayuda sa mga naapektuhan ng lockdown.

Ibinigay ni Navotas Mayor Toby Tiangco ang kanyang sahod mula Abril hanggang Hunyo 2022 upang mabigyang ayuda ang mga hindi nakatanggap ng SAP sa lungsod. Gayundin si Mayor Dino Reyes- Chua ng Noveleta, Cavite ang kanyang suweldo para sa buong 2020 na nagkakahalaga ng halos P2-M para maibili ng food packs para sa 15,000 pamilya habang si Mayor Gerald Anthony Gullas ng Talisay, Cebu ay nag-donate ng kanyang walong buwang suweldo.

Samantala, naging viral naman noong Marso sa social media ang isang video message para kay House Speaker Alan Peter Cayetano ng kapitan ng Barangay Talisay, Batangas na si Abdul Aziz Natanuan.

Sa nasabing video, igiginigiit ng naturang kapitan na ilinaw ni Cayetano ang aniya’y pahayag nito sa isang Facebook video, kaugnay ng SAP, na “lahat ay bibigyan at walang lalaktawan.”Ayon pa sa kapitan, 2,500 ang pamilya sa kanyang nasasakupan ngunit 821 SAC form lang diumano ang kanilang natanggap. Ginagamit aniya ng kanyang mga nasasakupan ang naturang video ni Cayetano para igiit na sila ay dapat maisama sa listahan ng makakatanggap ng ayuda.

Sa hiwalay na video, bilang sagot kay Natanuan, inilinaw ni Cayetano na may kalituhan ang DSWD sa paggamit sa “household” at “pamilya” bilang pamantayan sa kuwalipikasyon sa SAP. Inamin din niya na may posibilidad na hindi aayon ang bilang ng kuwalipikado sa aktuwal na bilang ng pamilya sa mga barangay bunsod diumano sa nakalap na datos sa mga census. Posible din diumanong may nakalaang ibang programa para sa mga hindi kuwalipikado sa SAP.

Niratsada ng lokal na mga pamahalaan ang pamamahagi ng SAP mula Mayo 1. Dinagsa ng ang libu-libong benepisyaryo sa mga lugar ng payout. Pumila nang ilang oras sa mainit na panahon maging ang mga senior citizen, persons with disability, mga buntis at kahit mga nagbabaka-sakaling mabigyan ng form para sa Social Amelioration Card. Kapansin-pansin hindi na nasusunod ang social/physical distancing at inaabot pa ito ng magdamag hanggang umaga.

Sa kabila nito, ayon sa DSWD, mahigit 70 posiyento lang ang naabot na mga benepisyaryo ng SAP isang araw bago matapos ang Mayo 7 na palugit.

Pila para sa ayuda, walang social distancing, sa Sitio San Roque, QC. <b>KR Guda</b>

Pila para sa ayuda, walang social distancing, sa Sitio San Roque, QC. KR Guda

Korupsiyon, militarisasyon

Sa kabila ng pagsisikap ng iba, mayroon din nagsasamantala na mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng SAP.

Inaresto noong May 2 si Danilo Flores, 66, kagawad ng Brgy. San Agustin sa Hagonoy, Bulacan dahil sa pangongolekta umano ng higit sa kalahati ng SAP mula sa mga benepisyaryo sa kanilang lugar. Sa isang video, nakunan si Flores na binabawasan ng P3,500 ang P6,500 ayuda ng mga benepisyaryo na mapupunta sa mayor at ibibigay diumano sa mga hindi makakatanggap ng SAP. Pinabulaanan naman ni Mayor Raulito Manlapaz ang paratang ni Flores at wala umano siyang kinalaman sa ginagawa ng kagawad. Nahaharap si Flores sa kasong graft.

Sa tala ng DILG, mayroong 183 opisyal ng barangay ang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) hinggil sa kasong graft and corruption kaugnay ng pamamahagi ng SAP. Nag-alok si Pangulong Duterte ng P30,000 pabuya sa bawat makakapagsuplong ng kumpirmadong kaso ng opisyal ng barangay na sangkot sa anomalya sa pamamahagi ng SAP.

Mas malala pa, may mga kaso din ng pananakit at pagbabanta sa buhay ng sa pagitan ng mga opisyal ng barangay at mga residente sa kanilang saklaw.

Noong mga unang araw ng Abril, naglabas ng manipesto ang mga sitio chairman sa Brgy. San Luis sa Antipolo na nagpapahayag ng kanilang pagsuko sa “pamimigay ng SAC forms” at “hindi na pumapayag na maging instrumento” sa anila’y “magulong palakad na ito”. Ayon sa manipesto, nakaranas ang dalawa sa nasabing mga opisyal ng pagbabanta sa kanilang buhay mula sa mga residenteng hindi nabigyan ng SAC form.

Dahil sa paggigiit na maisama sa listahan ng mga mabibigyan ng ayuda, naranasang mabugbog ni Alex Reyes ng diumano’y kagawad at tatlong tanod ng Brgy. Rizal sa Dinalupihan, Bataan noong Abril 5. Miyembro si Reyes ng Persons With Disability o PWD kung kaya’t nagreklamo ito kung bakit hindi siya kasama sa listahan ng SAP.

Sa paniniwalang “mas tapat” daw magtrabaho ang militar, iniutos ni Duterte sa DSWD, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND), na pamunuan ang mamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP sa pulong ng IATF noong Mayo 11. Rekisito sa ikalawang tranche, ayon kay Bautista, ang pagsusumite ng mga lokal na pamahalaan ng liquidation report at listahan ng mga benepisyaryo sa loob ng 15 araw matapos ang palugit ng unang tranche na nagtapos noong Mayo 10.

Sa kabila ng hakbang na ito, hindi umunlad ang pamamahagi. Hanggang matapos ang MECQ sa Kamaynilaan, katakut-takot ang pila na inabot ng mga umaasang benepisyaryo katulad sana ni Mang Teodoro. Bukod sa kawawa ang matatanda at may kapansanan, madalas na hindi na rin nasusunod ang social distancing sa mga pila.

Sa karanasan naman ni Carrie na bahagi ng validation team, nakakapagpalala lang ng sitwasyon ang presensiya ng mga sundalo. Natatakot ang mga tao, hindi makapaggiit ng nararapat sa kanila.

Manggagawa sa pier. <b>Kontribusyon</b>

Manggagawa sa pier. Kontribusyon

Iba pang problema

Samantala, tinawag na puno ng problema ang mga programa ng ayudang pinansiyal ng DOLE. Bigo umano itong kilalanin ang malawak na epekto ng pandemya at ECQ sa kabuhayan at trabaho ng milyon-milyong manggagawa sa loob at labas ng bansa.

Noong Mayo 21, sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na posible ngang umabot ng 10 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang Covid-19.

Pero sinabi rin ng DOLE umabot lang umano ng 1,059,387 manggagawa ang naabot ng mga programa at nakapagpaluwal ng P5.49-M bilang ayuda. Umabot sa 618,722 umano ang benepisyaryo ng Covid-19 Adjustment and Measures Program (CAMP), habang 337,198 naman ang nakinabang sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, Barangay Ko Bahay Ko (Tupad #BKBK). Nasa 103,467 OFWs mula sa kabuuang 150,000 target na beneipisyaryo ng AKAP ang iniulat na naabot ng ahensiya.

Samantala, sa kanayunan, grabe ang diskontento, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Ramdaman umano ng mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda sa anila’y lubhang napakabagal at hindi nakakasapat na ayuda sa mga sektor sa agrikultura. Ayon sa KMP, hindi nararamdaman ang epekto ng ayuda mula sa gobyerno sa kabila ng malaking badyet na inilaan sa Department of Agriculture at DSWD. Ayon pa sa grupo, matapos ang pitong linggo ng ECQ, 353,037 o 3.6 porsiyento lang (hanggang April 21) ng 9.7 milyong magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda ang naabot ng ayuda.

Iginigiit ng grupo ang P10,000 cash aid bawat pamilya at karagdagang P15,000 subsidyo sa produksiyon para patuloy na makapagtanim at makapangisda.

Kung tatanungin naman si IATF at Presidential Spokesperson Harry Roque, may pagbagal diumano sa pamamahagi ng ayuda bunsod ng aniya’y napakahirap magpatawag ng maraming tao sa isang lugar bilang pagsunod sa social distancing at pabago-bago ang guidelines tulad ng verification ng kuwalipikadong benepisyaryo ng pambansa at lokal na gobyerno.

“Itong ganitong kalaking pagbibigay ng ayuda ay unprecedented at sanay lang tayo (gobyerno) sa pamamahagi ng 4Ps,” ani Roque, sa isang panayam sa programang Unang Balita sa GMA 7 noong Mayo 1.

Mga manggagawa, pagod sa paglalakad mula sa kanilang mga pabrila, matapos bahagyang magbukas ang mga empresa dahil sa deklarasyon ng MECQ noong Mayo 15. <b>Neil Ambion</b>

Mga manggagawa, pagod sa paglalakad mula sa kanilang mga pabrila, matapos bahagyang magbukas ang mga empresa dahil sa deklarasyon ng MECQ noong Mayo 15. Neil Ambion

SAP, ipamahagi din sa GCQ areas

Sa pagtatapos ng pamamahagi ng unang tranche ng SAP, inanunsyo ni Roque ang kaagdagang limang milyong pamilya na mabibigyan ng SAP batay sa utos ni Duterte. Ngunit ayon sa tagapagsalita ng pangulo, hindi na makakatanggap ng ayuda ang mga lugar na nasa GCQ.

“Dapat lang na dagdagan ang bilang ng makakatanggap ng ayuda, pero kailan pa iyan makukuha? Ang gutom at hirap, kinakaharap na ngayon pero sa takbo ng sistema nila, baka sa mga susunod na buwan pa iyan matatanggap!” ani Taguiwalo ng CURE Covid.

Iginiit ng CURE Covid na maibigay pa rin ang ayuda kahit sa mga mga lugar na nakapailalim sa GCQ. Ayon pa sa grupo, ang hindi pagbibigay ng SAP sa milyong pamilya na nasa GCQ ay labis na kawalan ng konsiderasyon at hindi patas.

May ilang mungkahi ang iba’t ibang eksperto. Sa tingin ni Taguiwalo, may mali talaga sa targeting system ng DSWD sa mga benepisyaryo ng SAP. Dapat umano, unibersal – o lahat na – ang naging sistema targeting imbes na pinipili lang. Mas episyente umano ito. Maraming pag-aaral na ang nagsasabi na ang unibersal at hindi targeted na pamamahagi ng ayuda ay mas mabilis at mas episyente. Puwede namang unahin ang mga mas nangangailangan o bulnerableng mga sektor, pero dapat unibersal na.

Sang-ayon dito si Africa, na nagsabing bukod sa SAP ay kinakailangan pang tiyakin ng gobyerno ang ayuda ng tatlo pang buwan.

Sa online forum ng Ibon Foundation kamakailan, sinabi ni Africa na maaaring maglaan ng P900-M o P300-M kada buwan ng gobyerno para tinatawag nitong “unconditional cash transfers” na maaaring ipadaan sa mga institusyonalisado nang cash subsidy. “Bilang short term measure, matitiyak nito na walang mahihirap na pamilya ang mapag-iiwanan sa kasalukuyang krisis sa Covid-19.”

Kahit si Prop. Joseph Lim, ekonomista mula sa Ateneo de Manila University, pabor sa pagpapatuloy ng ayuda sa ilalim ng GCQ. “Iminumungkahi natin na iinstitusyonalisa ang isang unemployment insurance, at bukas sa mga mungkahi paano ito iinstitusyonalisa. O baka puwedeng lumikha ng isang institusyon para dun. Dapat ganun tayo mag-isip mula ngayon hanggang sa susunod na panahon ng taon,” aniya, sa wikang Ingles.

Anu’t anuman ang dapat na porma ng nagpapatuloy na ayuda, malinaw ang pangangailangan dito ng mga mamamayang Pilipino. May ulat ni Priscilla Pamintuan


II: Kinalimutang karapatan

Sa ilalim ng ECQ, kung karaniwang tao ka’t lumabag sa mga protocol, malupit ang parusa sa iyo. Pero kung makapangyarihan ka, militar o pulis, maluwag ang pag-unawa sa iyo ng gobyerno. Ni Darius Galang

Panghuhuli ng mga pulis sa ilang nagpapahayag ng kanilang saloobin noong Mayo 1. <b>Kontribusyon</b>

Panghuhuli ng mga pulis sa ilang nagpapahayag ng kanilang saloobin noong Mayo 1. Kontribusyon

Nakikita po natin (na) mas gumaganda nga po ang ating peace and order situation dahil sa quarantine…”

Ito ang sabi ni Interior Sec. Eduardo Año sa press briefing sa Malakanyang noong Hunyo 1, unang araw ng GCQ sa Kamaynilaan at iba pang lugar. Ipinagmalaki ni Año ang malaking pagbawas umano ng krimen noong panahon ng ECQ, mula Marso 16 hanggang Mayo 31.

Ang atin pong crime ay bumaba nang 59 porsiyento. From 11,000…ay naging 4,000 na lang po ang ating crime volume,” sabi pa ng dating hepeng heneral ng AFP.

Ang sabi pa ni Año, bumaba ang paggamit ng ilegal na droga sa panahon ng ECQ. Kakaiba ang kanyang dahilan: “(S)a matagal na panahon na hindi nakagamit ng droga iyong mga ibang kababayan natin ay unti-unting naka-adjust din iyong katawan nila. Maaaring sa susunod ay mai-get rid na nila iyang paggamit ng droga sapagkat forcefully ay nagkaroon ng tinatawag na withdrawal,” nakakamanghang sabi niya.

Walang anumang ipinakitang batayan o pag-aaral na nagpapatunay na totoo ito – na dahil sa lockdown ay hindi na lumaganap ang ilegal na droga, at dahil hindi na lumaganap ang ilegal na droga ay wala nang adik sa bansa.

Nakakapagpakamot-ulo man ang argumento ni Año, makikita pa rin dito kung papaano minaksimisa ang ECQ ng mga nagtutulak ng militaristang pagtugon sa anumang problema.

Sa pagtingin nina Año, gayundin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Advisor (at dating hepeng heneral din ng AFP) Hermogenes Esperon, Social Welfare Sec. (isa pang dating hepeng heneral) Rolando Bautista, gayundin sa kasalukuyang AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr. at Philippine National Police Director-General Archie Gamboa, pagkakataon na ang ECQ at pandemyang Covid-19 para mapasailalim ang bansa sa mala-batas-militar na sila ang maumuno.

Mga taga-San Roque na inaresto habang naggigiit ng ayuda. <b>Kontribusyon</b>

Mga taga-San Roque na inaresto habang naggigiit ng ayuda. Kontribusyon

Panunupil sa panahon ng lockdown

Kung sa ibang bansa katulad ng Spain, France, Italy, at Vietnam, hindi maituturing na krimen ang paglabag sa mga protocol ng lockdown (bagamat istrikto sila sa pagpapatupad nito), sa Pilipinas, nakita ang napaka-istriktong implementasyon nito. Umaabot sa puntong ituring na krimen o malaking kasalanan na nga ang paglabag dito.

Lumabas lang ang isang paa mo sa harap ng bahay, paglabag na iyon.”

Ito ang madalas na naririnig sa mga pulis, opisyal ng barangay at iba pang enforcers ng kuwarantina sa iba’t ibang komunidad sa panahon ng ECQ. Nangangahulugan ito, sa maraming pagkakataon, ng pagkakakulong – mula sa mga bata na walang ibang makilusan sa masisikip na bahay hanggang sa mga magulang at may-edad na maghahanap ng makakakain kaya lumalabas ng bahay.

Sa dalawa’t kalahating buwan ng ECQ, natipon ng Pinoy Weekly mula sa mga ulat sa midya ang listahang ito ng iba’t ibang klase ng parusa ng mga paglabag sa curfew at iba pang patakaran sa panahon ng kuwarantina:

1. Ipinasok sa kulungan ng aso (may 2 menor de-edad)
2. Pinag-push up
3. Pinag-duck walk
4. Pinag-sit ups (hands on ears)
5. Pinosasan
6. Pinaupo sa tabi ng kabaong
7. Pinahiga sa kabaong
8. Pinicturan nang nakapikit sa ipad, inilagay sa salamin ng kabaong
9. Pinag-Mobile Legends nang walang cellphone
10. Itinali sa bewang, pinag-walk of shame
11. Itinali sa kamay, pinag-walk of shame
12. Pinag-sexy dance sa harap ng menor de-edad
13. Pinagyakap ng monobloc habang nakatayo
14. Pinag-lips-to-lips (mga LGBT ito)
15. Pinagpalipad ng saranggola na walang tali
16. Pinagtulak ng sasakyan
17. Ipinasok sa loob ng gulong trak at pinagulong-gulong
18. Pinagpasan ng kabaong, pinagprusisyon sa kunwaring libing
19. Pinag-squat
20. Pinag-low jump at high jump
21. Sinampal at kinaldagan
22. Kinunan ng mug shot
23. Pinaghubad-baro
24. Pinaluhod at pinaamin
25. Pinag-push up gamit ang knuckles
26. Naglamay sa kunwaring burol na may kabaong
27. Ginutom ng 12hrs
28. Pinagbantaang babarilin kung hindi susunod
29. Ibinilad sa araw
30. Pinaghawak ng kandila at pinagprusisyon habang nagdarasal
31. Pinaaktong tumutungga, pero walang alak
32. Pinakanta na parang nagbi-videoke
33. Pinagdasal ng rosaryo habang nakaluhod sa aspalto
34. Pinalaya agad, pinauwi, pero tinokhang

Ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao at abogado, malinaw na marami rito’y labag sa batas – hindi proportionate o katapat ng “kasalanan” ang mga parusa.

Lagi nating maalala kung paano ipagmalaki ng mga tagapagsalita ng administrasyong ito ang pagbalewala sa batayang karapatang pantao sa pamamagitan ng pag-arestong walang mandamyento dahil sa umano’y paglabag sa mga polisiya sa lockdown….(Maalala natin kung paano nito) nilinlang ang publiko na hindi na raw kinikilala ang karapatang pantao sa panahon ng pandemya,” sabi ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), noong Abril 20, o mahigit isang buwan ng ECQ.

 

Katakut-takot na abuso

Sa pakikipanayam ng Pinoy Weekly sa ilang residente ng Olandes, Marikina, napag-alaman na may mga naitalang mga kaso pa ng panggagahasa na mga pulis mismo ang sangkot.

Hindi pa natutugunan na mabigyan ng sapat na imbestigasyon dahil mismong mga pulis ang involved,” sabi ng isang nakapanayam ng PW na tumangging magpakilala. Mga miyembro ng LGBT na hinuli ng pulis, ikinulong sa mga estasyon – kung saan, ayon sa kanila, sila’y ginahasa ng pulis. “Nakita lang anila na lalakad-lakad ang tao, na walang dalang bag na pamalengke, sapat na para madampot ka ng pulis,” ayon sa isa pang di nagpakilala.

Sa minimum, sana raw ay imbestigahan ang ganitong mga paratang sa pulis. Takot ang mga biktima kung kaya walang pormal na nagsasampa ng kaso – at may dahilan para sila matakot.

Noong Mayo 1, Pandaigdigang araw ng Paggawa, dinampot rin ng pulis ng Marikina ang 10 boluntir ng CURE Covid at Bayanihang Marikenyo at Marikenya habang nagsasagawa sila ng feeding. Kinasuhan sila ng paglabag diumano sa batas na mula pa noong Martial Law ni Ferdinand MarcosBatasang Pambansa No. 880 – o ilegal na pag-aasembelya. Pinosasan at ikinulong na magdamag kahit na iniuutusan na mismo ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang pulis na palayain sila.

Si National Capital Region Police Office Chief. Gen. Debold Sinas mismo ang pumunta sa himpilan ng pulis sa Marikina para seguruhing hindi mapapalaya ang 10. Nakalaya lang sila kinabukasan matapos sabihin ng piskal na “for futher investigation” pa umano ang kaso at iniutos nito ang pagpapalaya nila.

Hindi lang sila ang naging kaso ng pagdampot noong Mayo 1. May hinuling 18 boluntir din ng CURE Covid at Tulong Kabataan na nagsasagawa ng “kusinang bayan” sa Brgy. Central, Quezon City. “Naninindigan ang Kabataan Party-list na walang maling ginawa ang mga residente at mga volunteer sa pagsasagawa ng Kusinang Kabataan at iba pang aktibidad sa ilalim ng CURE Covid,” pahayag ng Kabataan Party-list noon.

Ikinulong sila sa Kampo Caringal nang dalawang araw. Noong Mayo 11, napag-alamang may 13 pulis sa naturang kampo ang nagpositibo sa Covid-19. Inilagay sa lockdown ang naturang kampo sa loob ng tatlong araw. At kahit ang mga “Quezon City 18”, na nagtagal sa kampo nang dalawang araw habang may kumakalat na palang Covid-19 sa mga pulis, ay kinailangang mag-self-quarantine. Pati ang abogado ng 18 na si Sol Taule ng Karapatan ay kinailangang mag-self-quarantine nang 14 araw.

Samantala, noong Mayo 1 rin, inaresto ang 42 katao, kasama pa ang ilang alagad ng alternatibong midya, sa Iloilo City, matapos magprograma nang may social distancing ang ilang miyembro ng progresibong mga grupo roon bilang pagkondena sa pamamaslang sa coordinator ng Bayan Muna na si Jovy Porquia.

Karapatan sa pagpapahayag

Hindi naging ligtas sa kaso ang mga nasa social media, nang isa-isahin ang mga pahayag na umanoý laban sa pangulo at sa mga hakbang sa pagsugpo sa Covid19 sa kauuan.

Pilit ng gobyerno, sa pamamagitan ng DOLE, na ipadeport si Elanel Egot Ordidor, isa umanong caregiver sa Yunlin County, Taiwan, dahil umano sa kasong “cyberlibel”. Nakita umano ng ahensiya na “willful posting of nasty and malevolent materials” na tinutumbok si Duterte sa Facebook. Sinabi ni Roque na gusto nilang hingin sa bansang China ang deportasyon ni Ordidor sa pag-aakalang “probinsiya ng China ang Taiwan”. Pero nagpahayag ang gobyerno ng Taiwan na hindi nito susundin ang hiling na deportasyon ky Ordidor, Taiwan pa mismo ang nagtanggol sa OFW: Anila’y huwag maging sensitibo ang gobyernong Pilipinas sa mga batikos.

Matapos ang mainit na pakikipagtalo sa social media na kinatampukan ng pagbabatikos niya sa gobyerno, kinasuhan ng libelo ng kanyang dating mga guro niya si Joshua Molo, isang manunulat pangkampus. Nangako ng ayudang legal ang Karapatan para sa kabataan, na sapilitang pinagsulat ng apology matapos ang mga palitan ng salita. “Most certainly we will be providing him with proper and competent legal representation and a bunch of lawyers were actually in contact with us and have pledged their support in this bigger battle of Joshua Molo,” ani Jose Mari Callueng, miyembro ng Karapatan.

Isa sa naging mga tagasuporta ni Molo ang manunulat na si Lualhati Bautista. Aniya,Ang papel ng teacher sa buhay ng mga estudyante ay hindi lang para magturo ng mga araling-akademiko kundi higit sa lahat, hulmahin sila sa sariling paninindigan; hindi yung tiklop-tuhod na pagsunod sa gusto ng nakatataas, hindi ang diwa ng pangingibabaw ng malakas sa mahina, o nakatatanda sa nakababata.”

Noong Abril 18 naman, inaresto ng mga pulis ang manunulat at negosyanteng si Maria Victoria Beltran matapos magpaskil siya sa Facebook ng status na nagsasabing nasa episentro na raw ng buong solar system ng Covid-19 ang Sitio Zapatero sa Cebu City matapos ang “9,000” kaso na nagpositibo rito. Ayon kay Beltran, malinaw namang satirikal o pabiro ang kanyang post, at sinumang makakabasa nito’y siguradong hindi literal ang magiging interpretasyon sa kanyang post.

Tila bawal nang magbiro sa ilalim ng ECQ, kung ang patatamaan ng biro ay ang mga nasa kapangyarihan.

Katulad na lang ng kaso ni Ronnel Mas, isang public school teacher sa Zambales, na pabirong nagpost sa kanyang Twitter account na magbibigay siya ng P50-M pabuya sa sinumang papatay kay Duterte. Inaresto ng NBI si Mas noong Mayo 11, pinrisinta sa midya nang nakaluhod at nakaposas, umiiyak at humihingi ng patawad.

Maraming grupong pangkarapatang pantao agad ang nagsabing ilegal ang pag-aresto kay Mas. Malinaw na biro ang tweet niya. At kahit pa hindi maganda ang kanyang biro, hindi dapat inaresto si Mas at ipinasailalim sa pampublikong pagpapahiya.

Kinabukasan, noong Mayo 12, inaresto naman ng isang pulutong ng mga elemento ng CIDG ang construction worker na si Ronald Quiboyen, 40, sa kanyang boarding house sa isla ng Boracay. Bago nito, nagpaskil daw si Quiboyen sa Facebook ng biro na magbibigay siya ng P100-M pabuya sa sinumang papatay kay Duterte.

Kinabukasan muli, Mayo 13, inaresto naman sa Cordova, Cebu ang walang-trabahong bagong gradwadong si Maria Catherine Ceron, 26. Ilang oras lang ito matapos magpaskil din siya sa Facebook na magbibigay daw siya P75-M pabuya sa papatay sa pangulo.

Malinaw sa tatlong kasong ito na pabiro lang ang social media posts nila. Walang kakayahang magbigay ng milyun-milyong pabuya ang isang public school teacher, manggagawa sa konstruksiyon at walang-trabahong kabataan. Pero ginawa silang ehemplo ng rehimen: Sinumang magbabanta sa presidente, kahit pabiro, ay aarestuhin.

Inilinaw na ng mismong Department of Justice (DOJ) na walang batayan ang warrantless arrest ng NBI laban kay Mas.

Maaaring isama rin sa mga pagbubusal ng administrasyong Duterte ang biglaang cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) sa higanteng broadcast network na ABS-CBN. Nakasalang pa rin sa Kamara ang aplikasyon para sa renewal ng prangkisa ng naturang network. Sa matagal na panahon, bago magsagawa ng recess ang Kamara, at bago ang ECQ, ayaw na pormal na dinggin ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN. Bago rin ang ECQ, nangako ang NTC na magbibigay ito ng provisional authority para sa pagpapatuloy ng operasyon ng network.

Matatandaang taong 2016 pa, pinag-iinitan na ni Duterte ang ABS-CBN. Hindi umano nito pinalabas ang ilang TV ads niya noong tumakbo siyang presidente.

Matapos ang cease-and-desist order ng NTC sa ABS-CBN noong Mayo 4. <b>Neil Ambion</b>

Matapos ang cease-and-desist order ng NTC sa ABS-CBN noong Mayo 4. Neil Ambion

Dahil may ‘paglabag’

Laganap rin ang naging karahasan sa kalye sa panahon ng kwarantina. Dagdag lang ang mga nasa ibaba sa naiulat na ng Pinoy Weekly na laganap na pang-aabuso noong ECQ.

Dating nagsilbi si Winston Ragos sa militar noong matinding bakbakan sa Marawi. Marahil dahil doon kaya siya nagkaroon ng post-traumatic stress disorder, o sakit sa pag-iisip dahil sa matinding trauma sa giyera.

Nitog Abril 22, lumabas siya ng bahay na walang face mask, at nakasagutan ang mga pulis sa isang checkpoint sa Maligaya Drive, Barangay Pasong Putik sa Quezon City. Rumesponde ang kapulisan upang siyaý tangkaing hulihin. Pero sa sumunod na mga eksena at nakuhanan ng audio at video, tinutukan na si Ragos ng baril ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr.

Nagpakilala na si Ragos na dati siyang miyembro ng AFP, at biglang hinawakan ang dala nitong sling bag. Sa ulat ng pulisya, naglalaman ito ng baril, na pinabulaanan ng kanyang kamag-anak.

Binaril siya ni Florendo. Matapos nito, sinabi ni Florendo na may baril daw sa bag ni Ragos. Sa imbestigasyon ng NBI, sinabi nitong malaki ang posibilidad na “tinanim” lang ng mga pulis ang baril kay Ragos.

Samantal, tila ba binigyan ng dagdag-kapangyarihan ang mismong mga barangay tanod sa pagpapatupad ng ECQ.

Sa Quezon City, isang tindero ng isda ang pinagpapalo at dinakip ng  Oplan Task Force Disiplina ng opisina ni Mayor Belmonte noong Abril 28, dahil anila lumabag sa batas sa kuwarantina. Nakuhanan ng ilang residente ng Panay Avenue ang pambubugbog at panghahampas kay Michael Rubia.

Ayon sa mga saksi, alam naman nila ang batas sa kuwarantina, ngunit alam rin nila na nagtatrabaho lang si Rubia. “Hindi na dapat sinaktan,” “you are abusing your authority!” ang maririnig sa nakuhang video habang sinasaktan at kalauna’y ipinasok sa sasakyan ng task force si Rubia.

Maging ang ekslusibong mga subdibisyon at kondominyum ng middle class at maykaya ay nakaranas din ng abuso sa kamay ng pulisya.

Noong Abril 20, ipinasok ng kapulisan ang Pacific Plaza Towers, isang kondominyum sa Bonifacio Global City sa Taguig City dahil sa umano umano na hindi tumutupad ng mga naninirahan doon sa social distancing.

Ayon kay Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng Joint Task Force Covid Shield, nakatanggap daw sila ng ulat na hindi nasusunod ang social distancing sa naturang kondominyum. Habang naghahanda ang PNP ng mga kaso, naghanda rin ang may-ari ng condominium na maghapag rin ng sarili nilang kaso laban sa kapulisan, sa panghihimasok sa kanilang pribadong espasyo.

Noong Abril 26, ibinalita sa midya ang tangkang pagdakip sa Espanyol na si Javier Salvador Parra, residente ng Dasmarinas Village sa Makati City. Nag-umpisa ito sa tangkang pagpapabayad ng multa sa kanyang katulong na nagdidilig ng halaman sa kanyang bakuran, nang walang face mask.

Lumabas si Parra, na ayon sa mga pulis ay nakainom pa, at pinaninindigan na nasa bakuran pa rin niya ang katulong. Hanggang sa nauwi sa tangkang pagposas sa banyaga sa driveway ng sarili niyang bakuran.

Ilan lang ito sa mga kaso ng abuso na naiulat sa midya.

"Mananita" ni NCRPO Chief Gen. Debold Sinas (kaliwa, naka-orange).

“Mananita” ni NCRPO Chief Gen. Debold Sinas (kaliwa, naka-orange).

Pampulitikang pamamaslang

Pinaslang si Ragos at iba pa sa konteksto ng pagpapatupad umano ng lockdown. Pero mayroon ding mga kaso ng pamamaslang na may pampulitikang dahilan – mga aktibista ang biktima ng bala ng mga asasin.

Ganito ang nangyari kay Marlon Maldos, aktibista at choreographer na nakabase sa Cortes, Bohol. Siya ang pumalit bilang artisitikong direktor ng Bansiwag, isang grupo ng aktibistang mga tagapagtanghal. Ang pinalitan niya’y si Alvin Fortaliza na ilegal na inaresto noong Marso 2019. Noong Marso 17, sa habang ipinasasailalim pa lang ang Luzon sa ECQ at isa-isa na ring nagla-lockdown ang iba’t ibang probinsiya labas sa Luzon, dinukot si Maldos sa haywey. Natagpuan siyang patay noong araw ding iyon.

Noong Abril 30, bisperas ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa, pinaslang ng mga asasin sa Iloilo City si Jory Porquia, beterano at kilalang lider ng Bayan Muna sa naturang lungsod.

Pinasok ang bahay ni Porquia at doon siya pinagbabaril. Bago ang insidente, nakatanggap siya ng mga banta: itigil ang mga inilulunsad na pakain at iba pang relief operations sa kanyang lugar. Malawakang kinondena ito ng maraming grupo. Bago pinaslang, naging abala rin si Porquia sa relief operations at pagpapakain sa maraming residente ng Iloilo na di-makapaghanapbuhay dahil sa lockdown.

Noong Mayo 26, pinaslang naman ang lider-magsasaka na si Allan Aguilando, 42, sa Catarman, Northern Samar. Isang linggo lang ito matapos ragasain ang mismong probinsiya ng bagyong Ambo. Tagapangulo si Aguilando ng Northern Samar Small Farmers’ Association. Ayon sa militar, napatay raw siya sa isang engkuwentro – bagay na pinabubulaanan ng mga kasamahan ni Aguilando.

Nakatanggap din si Aguilando ng mga panghaharas at banta, lalo na matapos niyang lumahok sa kampanyang Stand with Samar, na kampanya laban sa mga paglabag sa karapatang pantao sa probinsiya, noong 2017.

Sa malapit na probinsiya, sa parehong araw, pinaslang din ang pambansang pangkalahatang kalihim ng Kadamay na si Carlito Badion sa Ormoc City.

Mayo 26 pinaslang si Badion, pero Mayo 28 na nang matagpuan ang bangkay niya – may mga marka ng tortyur at posibleng panununog. Binaril siya sa mukha.

Pagkondena ng Kadamay, ng progresibong mga grupo at ng mga maralitang lungsod ang pagpaslang kay Badion. Matagal siyang naglingkod bilang lider-maralita laban sa maraming demolisyon ng mga komunidad sa Kamaynilaan. Pinamunuan din niya ang Kadamay sa kampanyang okupasyon nito sa di-ginagamit na pampublikong mga pabahay sa Bulacan noong 2017.

Tumungo si Badion sa kanyang probinsiya, sa Leyte dahil umano sa walang tigil na panghaharas, paniniktik at mga banta sa kanyang buhay habang nasa Maynila.

Tila isinabuhay ng armadong mga elemento ng Estado ang pahayag ni Duterte: “shoot them dead!” sa aniya’y nasa “legal fronts” ng rebolusyonaryong kilusan.

Labi ni Carlito "Ka Karletz" Badion, sa Ormoc City.

Labi ni Carlito “Ka Karletz” Badion, sa Ormoc City.

Walang pananagutan

May mga kaso naman ng abuso na inimbestigahan diumano ng PNP o NBI, o ng lokal na mga pamahalaan.

Inimbestigahan ng Quezon City Government ang pambubugbog sa fish vendor na si Rubia, at napatunayang malaki ang paglabag ng mga umaresto.

The City Government shall never condone any acts of violence or violation of human rights, regardless of reason or justification, especially when committed by an official or employee of the city government or any of the city’s barangays,”ang pahayag ng city government. Kalaunan, tinanggal sa serbisyo ang kawani.

Inimbestigahan din ang naging pagtugon sa naging salimuot sa bakuran ng dayuhang si Parra. Samantala, binantaan naman ang dayuhan ng deportasyon mula sa Pilipinas.

Pero kakaiba ang naging tugon sa imbestigasyon sa PPT sa Taguig. Hindi pa man nasisimulan ang imbestigasyon, karapat-dapat pa rin daw purihin ang mga pulis sa isinagawang pagpasok sa gusali, ayon sa mga puno ng kapulisan.

Inimbestigahan din ang mga kaso nina Ragos at Mas. Napag-alamang umabuso nga sa kanilang kapangyarihan ang mga pulis o NBI sa mga kaso nila. Nabalitang natanggal sa puwesto ang pulis na bumaril kay Ragos, habang walang malinaw na parusa sa mga ilegal na umaresto at nagpahiya sa publiko sa gurong so Mas.

Pero pinakatampok na kaso ng pang-aabuso at lantarang paglabag ng mga miyembro at opisyal ng pulisya sa sarili nitong ECQ protocols ang ginawang pagdiriwang ng kaarawan ng mismong hepe ng NCRPO na si Gen. Debold Sinas noong Mayo 8.

UCamp Bagong Diwa, Taguig City ng kaarawan ni Sinas. Kumpleto ang pagdiriwang: may inuman, may Voltes V cake, may buffet. Pinaskil pa mismo sa opisyal na pahina ng NCRPO sa Facebook ang mga larawan nito.

Pero tinanggal ito matapos ang malawakang backlash o pagkagalit ng mga netizen. Halata at malinaw ang mga paglabag sa protocol ng ECQ: ang mass gathering o pagtitipon ng maraming bilang ng tao at kahit ang liquor ban o pagbabawal sa pagbenta ng alak sa panahon ng ECQ sa maraming lungsod ng Metro Manila.

Tinangka pang depensahan ni PNP Dir. Gen. Archie Gamboa si Sinas. Wala naman daw paglabag. Pero dahil sa pag-ingay ng mga mamamayan sa social media, natulak itong mag-anunsiyo ng imbestigasyon. Sinabi pa ni Sinas na “mananita” (o madaling araw na pagsasalubong ng pagdiriwang sa isang may kaarawan) lang ang naganap.

Pero bago pa man matapos ang anumang imbestigasyon, sinabi na ni mismong Pangulong Duterte, sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Mayo 20, na pinananatili niya sa poder si Sinas.

“Ako ‘yung ayaw na malipat siya. Mabuti siyang opisyal. Tapat siya at hindi niya kasalanan kung may magharana sa kanya sa birthday niya,” sabi ni Duterte.

Sa kabila ito ng napakalinaw na mga paglabag ni Sinas sa mismong mga protocol na si Duterte at ang kanyang Inter-Agency Task Force ang nagpatupad.

Hindi tuloy maiwasang komentuhan ng maraming mamamayan sa social media: Bakit sa ordinaryong mamamayan, malupit sila, pero sa mga makapangyarihan at nasa poder, lagi silang nanghihingi ng pag-unawa?

Dibuho ni Renan Ortiz

Sa gitna ng pandemya

Napakaraming pagtala ng paglabag sa karapatang pantao sa gitna ng pagsugpo sa Covid-19 sa Pilipinas.

Nararapat nga ba ang mga pagdakip? Sa tingin ng legal na mga eksperto, hindi. Anila, hindi sapat ang mga kasong tulad ng “illegal assembly” bilang legal na kaso sa mga umano’y paglabag, lalo na’t naisakatuparan din naman ang social distancing. Pundamental na karapatang pantao ang malayang pagpapahayag. Pundamental rin ang karapatan sa pribadong pag-aaari.

Sa legal pa lang na pagtingin, hindi dapat naipang-ibabawan ng Bayanihan to Heal as One Act ang Konstitusyong 1986, na siyang pinakamataas na batas sa bansa. Mga eksperto rin ang nagasasabi na hindi militaristang pamamaraan ang aahon sa mga mamamayan mula sa Covid-19, kundi serbisyong medikal.  Tutal at sakit ang kalaban, marapat lang na atensiyong medikal ang ilapat ng gobyerno para masugpo ang Covid-19 sa bansa.

Ngunit sa umpisa pa lang ng lockdown, nakita na sa militaristikong aksiyon, hindi sakit ang sinusupil, kundi ang mga mamamayang lalong nagiging diskontento sa tugon ng administrasyong Duterte sa pandemya, naglalagay lalo sa kanila sa peligro ng sakit at nagbabanta pa sa kanilang buhay at kabuhayan. At ngayong GCQ, pinalalala pa ito, sa malamang na paglagda ni Duterte sa Anti-Terrorism Bill na naglalayong palawakin ang depinisyon ng, at parusa sa, “terorismo”.