Kontra taas-presyo ng bilihin

0
259

Hindi maitatanggi: papatindi nang papatindi ang krisis sa ekonomiya ng bansa. Kapansin-pansin at ramdam na ramdam ang tuluy-tuloy na taas-presyo ng mga bilihin.

Noong Setyembre 2017, nasa P100 ang kada kilo ng bangus. Ngayon, nasa P140 na, ayon sa Manila Price Bulletin. Ang presyo ng manok, P90 kada kilo, pero ngayon P115 na. Ang presyo ng kamatis, mula P28 ay nasa P60 na kada kilo. Katunayan, umabot na sa 6.7 porsiyento ang inflation (o pagtaas ng presyo ng mga bilihin) sa bansa ngayong Setyembre 2018. Ito ang pinakamataas na inflation sa loob ng siyam na taon. Mas mataas ito sa 6.4 porsiyentong inflation noong Agosto 2018.

Pero kayang maampat ang walang habas na taas-presyo ng batayang mga bilihin. Ito ang sabi ng progresibong mga ekonomista at eksperto, kaugnay ng papalalang krisis sa ekonomiya sa bansa. Kaya, kung gugustuhin ng gobyerno. Pero maraming dahilan kung talagang ayaw masolusyonan ito.

Pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin (langis at mga pagkain) ang isa sa mahigpit na iminumungkahi ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, progresibong institusyon sa pananaliksik. Gayundin ang sabi ng iba’t ibang organisasyong masa, katulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Gabriela, at iba pa.

At naaayon ito sa batas. Nakasaad sa Section 7 ng Republic Act No. 7581 o ang Price Act of 1992 na maaaring magrekomenda ang National Price Coordinating Council (NPCC) sa Pangulo na magtakda ng price ceiling (o limit sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin) tuwing umaabot na sa di-makatwirang antas ang mga presyo.

“Kailangang kagyat na magbigay ng ayuda ang gobyerno sa milyun-milyong mahihirap na Pilipinas at iyung nasa panggitnang uri. Kabilang dito ang agarang pagkontrol sa presyo, pagtigil sa pagbubuwis sa paggastos sa ilalim ng Train (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) at nakabubuhay na dagdag-sahod,” sabi ni Africa. “Dapat ding gumawa ng mga hakbang para mapalakas ang domestikong agrikultura at industriyang Pilipino.”

Pero sa halip na gawin ito, ang ipinapatupad ng rehimeng Duterte: walang habas ding pag-aangkat ng bigas. Ang kinababahala ngayon ng mga magsasaka, lalong sumadsad ang kabuhayan nila at lalong masadlak sila sa hirap – silang mayorya ng mga Pilipino na nakatali sa agrikultura ang kabuhayan.

Solusyong di-epektibo

“Inaprubahan na ng Presidente ang walang-harang na importasyon ng bigas,” sabi ni Roque, sa isang kumperensiya sa midya noong Martes, Oktubre 9. “Wala na pong restriction ngayon, basta magbayad lang ng taripa at gagamitin natin ang taripa na ito para sa ating mga magsasaka.”

Pero paliwanag ni Arnold Padilla, mananaliksik at manunulat, sa kanyang blog (arnoldpadilla.com), karanasan na ng bansa na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas kahit na tumindi ang importasyon ng bigas nitong nakaraang dalawang dekada.

“Bago ipanganak ang World Trade Organization noong 1995, may average na 2.45 porsiyento lang (1990 hanggang 1994) ang rice import dependency ratio (o ang tantos ng pag-aasa ng bansa sa imported na bigas kumpara sa kabuuang kinukunsumong bigas sa bansa) ng bansa. Sa huling lumabas na 10-taong average (2006 hanggang 2016), tumaas ito nang 4.5 beses tungong 11.06 porsiyento,” sabi ni Padilla.

Samantala, patuloy na tinatanggihan ng economic managers ng rehimeng Duterte ang pangukalang pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin. Ang dinadahilan nila, baka matulak lang ang retailers na magsagawa ng hoarding ng kanilang mga suplay. Pero ang totoo, may kapangyarihan din ang mismong gobyerno na bantayan ang naturang retailers at hulihin ang nagsasagawa ng hoarding.

Samantala, patuloy na minamaliit ng rehimeng Duterte ang epekto ng taas-presyo ng mga bilihin sa ordinaryong mga mamamayan.

“Nakaranas na rin tayo ng mas mataas pang inflation noong nakaraan. Wala itong malaking diperensiya,” sabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Sa kabila ito ng matinding nararanasan ngayon ng mga mamamayan sa bawat pagtaas ng presyo.

Sabi nga ni Africa, ramdam na ramdam ng mahihirap ang kahit kaunting taas-presyo dahil simula’t sapul, di na sumasapat ang kanilang sahod para makaagapay sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Ugat ng krisis

Sa kabila ng tumitinding krisis pang-ekonomiya sa ilalim ni Duterte, dapat umanong suriin ang mas malalim na ugat nito.

Ayon sa Ibon, sapat at nakakapagsarili ang suplay ng Pilipinas at nagagawa pang mag-eksport ng bigas hanggang dekada ‘80. Taong 1993 nang magsimula na itong mag-angkat ng bigas mula sa Vietnam at Thailand at ngayo’y isa na sa mga top importer nito.

Mauugat umano ang kalagayang ito sa pagiging labis na atrasado ng produksiyong agrikultural sa bansa at sa kapabayaan ng gobyerno para paunlarin ang sektor. Nananatiling makaluma ang mga kagamitan, hindi mekanisado ang produksiyon at lampas kalahati pa rin sa mga taniman ang walang irigasyon. Kung ikukumpara rin sa mga katabing bansa nito, umaabot lang sa apat na milyong ektarya ng lupa ang nakalaan para sa bigas. Kung ikukumpara sa mga katabing bansa, umaabot sa mahigit pitong milyon ang inilalaan ng Vietnam at mahigit sampung milyon naman sa Thailand.

Dagdag pa rito, ayon sa Ibon, nanatiling small-scale at mababa ang produksiyon ng bigas sa bansa. Ang patuloy na kumbersiyon ng mga taniman tungo sa komersiyal na gamit, maging ang kumbersiyon ng staple crops tungo sa mga produktong pang-eksport ang siyang nagiging dahilan ng palagiang krisis sa suplay ng bigas sa bansa.

Samantala, higit pang pinaiigting ang krisis dulot ng kawalang lupa ng mga magsasaka. Sa kabila ng repormang agraryo ng mga nakalipas na administrasyon, nananatiling monopolisado at kontrolado ng iilang makapangyarihang pamilya sa bansa ang malalawak ng mga lupain.

Ilan sa mga ito ang malalaking negosyante rin sa bansa gaya nina Henry Sy, pamilya ng mga Zobel de Ayala, Roxas, Lopez, Yulo, Floirendo, Consunji, ang mga Cojuangco ng Negros, Cojuango-Aquino ng Gitnang Luzon. Sa kalagayang ito, pito sa bawat 10 magsasaka sa bansa ang nananatiling walang sariling lupa. Dagdag pa rito, para maikutan ang pagpapasailalim ng mga ito sa repormang agraryo ng pamahalaan, pinag-iibayo ang land conversion o pagpapalit gamit sa mga agrikultural na lupa patungo sa pagiging industriyal at komersiyal. Dahil dito, kaliwa’t kanan din ang pangangamkam sa mga lupang bungkalan gaya ng nangyayari sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa Tarlac, Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.

Ang kalunus-lunos na kalagayang ito ng mga magsasaka at pagiging lubhang atrasado ng sariling agrikultura ang siyang nagbubunsod ng palagian at patuloy pang tumitinding krisis sa suplay ng bigas at pagkain sa bansa.

Taas-presyo ng langis

Ayon sa Ibon, ang deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon sa ilalim ng mga patakarang neoliberal sa ekonomiya na pinaiiral mula dekada ’80 ang higit pang nagpapasahol sa nararanasang krisis ng bansa.

Ang deregulasyon sa industriya ng langis ang dahilan ng maya’t mayang pagtataas ng presyo nito at siya ring nagbubunsod ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin at nagpapalubha sa nararanasang inflation. Taong 2001 nang malagdaan ang Oil Deregulation Law na nagpatubay sa polisiya ng kawalan-ng-kontrol ng gobyerno sa industriya ng langis, partikular sa kawalan nito ng kontrol sa presyo na siyang dinidiktahan naman ng mga monopolyong kompanya ng langis.

Samantala, higit pang pinatitindi ng bago at mas matataas na buwis sa ilalim ng Train ang dagok na dulot ng kaliwa’t kanang oil price hike. Sa ilalim nito, pinatawan ng bagong excise tax ang diesel na umaabot sa P2.50 kada litro at P3.00 kada litro naman para sa kerosene. Bukod pa rito, tinaas naman ang mga excise tax ng gasolina na aabot sa P1.65-2.65 hanggang P7.00 kada litro.

Samakatwid, ang mga dagdag-singilin sa ilalim ng Train ang responsable sa one-fourth na pagsirit ng presyo ng krudo. Magpapatuloy pa umano ang pagdadagdag ng excise tax sa mga produktong petrolyo at tinatayang aabot ang permanenteng dagdag singil sa P6.72 kada litro ng diesel, P5.60 para sa kerosene at hanggang P6.33 para sa gasolina.

Kontrol sa presyo, pagkilos ng bayan

Sa harap ng pinakamataas na tantos ng inflation at ang nagtataasang presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo, kinakailangang makamit ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap, ang kagyat na mga solusyon upang arestuhin ang mga epekto nito.

Pangunahin dito ang agarang na pagtataas ng sahod upang humabol sa P1,168 family living wage kada araw. Igiit dapat ng mga manggagawa na ipatupad ang dagdag sahod sa anyo ng isang pambansang minimum wage.

Kaakibat nito, itulak dapat ng mga mamamayan ang gobyerno na kontrolin ang mga presyo ng bilihin at batayang mga serbisyo. Upang magawa ito, kailangan suspendihin ang 12 porsiyentong value-added tax (VAT) at excise tax sa langis.

Ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), “Nanawagan ang Bayan na tanggalin ang excise tax sa langis upang kagyat na maibaba ang presyo nito. Nasa P7.00 kada litro ang excise tax sa gasolina at P2.50 naman sa diesel. Hindi uubra ang anumang panukala na hindi nagtatanggal ng dagdag buwis sa langis.”

“Maaari ding alisin ang VAT sa langis lalo na’t kada taas ng presyo ay lumalaki din ang ipinapataw na 12 porsiyentong VAT. Alinman sa dalawa ang gawin ng gobyerno, kagyat na pagbaba ng presyo ang dapat maging resulta. Hindi na dapat ipagpaliban pa ito.” Dagdag pang mungkahi ni Reyes.

Kagyat din dapat ipatigil ang Train Law, ang salarin sa pagtaas ng presyo at ang walang kapantay na implasyon. Hindi dapat pahintulutan ang Tax Reform for Attracting Better and Higher Quality Opportunities o Trabaho, ikalawang yugto ng Train.

Habang ipinaglalaban ng mga mamamayan ang kagyat na mga solusyon, tinutungo din dapat nito ang pagsusulong sa ganap na pagwawakas ng kahirapan, kawalan ng trabaho at kagutuman. Sa pamamagitan ng pakikibaka, kakamtin ng mga mamamayan ang pambansang industriyalisasyon at ang tunay na repormang agraryo.

Sa pamamagitan ng mga ito, itatayo ang mga batayang industriya; ipapamahagi ang lupa para sa pakinabang ng nakararami; isusulong ang ekonomiyang umaasa sa sarili; patatataasin ang produktibidad sa kanayunan man o sa kalunsuran; titiyakin trabaho para sa lahat ng may gusto at may kakayahan; at tunay na matitiyak ang maayos at matiwasay na buhay ng mga mamamayan.

Sa panahon ng tumitinding krisis, tungkulin ng bawat isa na labanan ang mga kontra-mamamayang mga pakana ng kasalukuyang administrasyon. Hakbang-hakbang dapat ipaglaban ng mga mamamayan ang kanilang mga karapatan at mga kahilingan hanggang sa makamit ang pangmatagalang solusyon sa nararanasang kahirapan at kagutuman ng buong sambayanan.