Kulong bilang tugon

0
278

Ni Sham Astudillo

Bumuhos ang suporta sa mga inaresto sa Pride March sa Manila noong Hunyo 26. Nagtrend online ang #FreePride20 bilang panawagan na palayain ang LGBTQ advocates na lumahok sa mapayapang Pride March.

Hindi ito ang unang pagkakataong may inaresto sa gitna ng pandemya. Mula Norzagaray 6 hanggang Pride 20, ginamit ng pulis ang COVID-19 bilang dahilan ng pag-aresto sa karaniwang mamamayan. “Quarantine violators” daw ang mga ito — kahit na ang gusto lang naman ng mga ikinulong ay ang iparating ang mga kahilingan nila.

Partida, ayon sa human rights groups: wala pang Anti-Terrorism Bill pero maramihan at garapal na daw ang mga pag-atake. Tila ginagawa rin daw pangkaraniwan ang pagkriminalisa sa pagtututol at pagpapahayag.

Narito ang ilan sa mga kaso ng aresto sa gitna ng pandemya– mga kwento ng kulong imbes na tulong, pag-aresto imbes na pagalang sa karapatan:

Piston 6

Ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force na bawal pumasada ang mga jeepney driver, pati na rin ang mga bus driver, sa panahon ng general community quarantine para raw maiwasan ang maramihang transmission ng virus. June 1, 2020, bumalik sa kalye ang mga driver para hilinging payagan na silang maka-pamasadang muli. Mabigat ang epekto ng halos tatlong buwan na lockdown sa mga driver dahil kawalan ng kita. Hindi rin sila nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan, at kung meron man, hindi nakasasapat sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Matapos maglunsad ng protesta ang mga jeepney driver sa Caloocan City, ikinulong ang anim na driver dahil umano sa kasong “Simple Resistance and Disobedience to a Person in Authority”. Ikinatwiran ng kapulisan na nilabag ng mga driver ang social distancing protocols at ban sa mass gathering nang ilunsad nila ang noise barrage.

Tinaguriang Piston 6 sina Severino Ramos, Wilson Ramilia, Ramon Paloma, Ruben Baylon, Arsenio Ymas Jr., at Elmer Cordero. Isang linggong nakapiit ang Piston 6 bago sila nakalaya sa bisa ng piyansa.

Bumuhos ang suporta sa Piston 6 lalo na mula sa mga netizen. Ayon sa grupong PISTON, may ilang nag-donate ng halagang Php 30 at Php 50 at humingi pa ng paumanhin dahil iyon lamang raw ang nakayanan nila. Bukod sa gastos sa pag-aasikaso ng kaso ng Piston 6, ilalaan ang mga donasyon para makapagbigay ng relief packs sa mga driver na nawalan ng kabuhayan habang hindi pa pinapayagang magbalik-pasada ang mga jeep.

Pangamba ng mga drayber, maaaring maging permanente ang pagbabawal ng IATF sa pamamasada ng mga jeepney, at mailusot ang matagal ang planong jeepney phaseout sa gitna ng pandemya. Matagal nang tinututulan ng maraming driver ang jeepney phaseout dahil papatayin nito ang kabuhayan ng mga karaniwang driver. Tanging may-kaya lang ang makakabili ng “modernized jeep” dahil nagkakahalaga ng Php 1 milyon ang isang unit.

Kapag nangyari ito, ayon sa mga drayber, hindi raw sila mamamatay sa COVID-19 kundi sa gutom mula sa pagkawala ng kabuhayan. Tinatayang mayroong 120,000 jeepney drivers sa buong bansa, at 50,000 dito ang nasa Metro Manila.

Cebu 8

Sinalubong ng mainit na protesta sa buong bansa ang Anti-Terror Bill ng Duterte administration. Sa Cebu, pinangunahan ng mga kabataan ang protesta sa UP Cebu. Kita sa mga litrato na sinunod ng mga grupo ang physical distancing pero ilang minuto nang magsimula ang programa, sumugod ang kapulisan na naka-full battle gear inaresto ang mga nagpo-protesta. Hinabol sila na parang kriminal hanggang sa loob ng campus ng UP Cebu, na labag sa Soto-Enrile accord na nagbabawal sa pulis at militar sa loob ng UP campuses.

Kasama sa inaresto si Jaime Paglinawan, chairperson ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno, na pinadapa at dinaganan ng dalawang pulis kahit dumadaing na siya na nasasaktan at hindi makahinga.

Bukod kay Paglinawan, inaresto rin si Joahana Veloso ng National Union of Students of the Philippines, UP alumnus Al Ingking, Bern Cañedo ng Youth Act Now Against Tyranny, Dyan Gumanao ng Kabataan Partylist at ANINAW Productions, Nar Porlas ng Anakbayan-UP Cebu at Janry Ubral ng Foods Not Bombs. Kabilang rin sa naaresto ang isang bystander na kumukuha lamang ng video ng nangyayari at hindi kasama sa protesta.

Habang nagaganap ang marahas na dispersal at pang-aaresto ay lumitaw sa social media ang video ng mass gathering sa Metropolitan Cebu Water District na ipinatawag ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na nagdiriwang ng kanyang kaarawan noong araw na iyon. Itinanggi ng mga opisyal isang party ito, at sa halip ay meeting daw ng mga opisyales ng barangay. Mismong ang Association of Barangay Councils ng Cebu City ay nagtaka dahil nalaman lang nila ang pagtitipon matapos makita ang video sa social media.

Hindi rin naging ligtas sa harassment ang pamilya ng isa sa Cebu 8. Pinuntahan ng dalawang kalalakiha ang bahay ni para kausapin ang pamilya, at sinabihan diumano na “Badlonga na ninyo kay sa sunod niyo mahibaw’an naa nana siya sa kabaong (Pagsabihan ninyo siya kasi baka sa kabaong na siya makikita sa susunod).” Lumaganap din ang mga death at rape threats sa mga nagpahayag ng pagtutol sa Anti-Terror Bill.

Ipinalaya ng korte ang Cebu 8, pero itutuloy pa rin ang pagdinig sa mga kaso laban sa kanila.

Iloilo 42, Marikina 10 at iba pang inaresto noong Mayo Uno

Bilang pagkundena sa pagpaslang sa kilalang aktibistang si Jory Porquia, naglunsad ng protesta ang mga kamag-anak at kaibigan niya Porquia sa Iloilo City. Pero ang tugon ng PNP sa Iloilo ay ang pag-aresto sa 42 aktibista dahil nilabag nila diumano ang ban sa mass gatherings sa gitna ng lockdown. Kabilang sa inaresto si Krisma Niña Porquia, isa sa mga anak ni Jory Porquia. Pati pari, abogado, at journalists ay inaresto ng mga kapulisan noong araw na iyon.

Ang pag-aresto sa Iloilo 42 ay kabilang sa mga mass arrest na inilunsad ng PNP sa buong bansa noong May 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Sampu rin ang inaresto sa Marikina kahit na naglulunsad lang sila feeding program. Dalawang lider-manggagawa ang inaresto sa Montalban, Rizal na nagpo-protesta bilang pag-alala sa Labor Day. Inaresto rin ang mga manggagawa ng Coca-Cola sa Laguna sa hindi malinaw na kaso– basta’t binansagan silang mga kasapi raw ng New People’s Army.

‘Quarantine violators’

Ayon sa ulat ng Philippine National Police, aabot sa 130,000 katao ang inaresto at ikinulong dahil sa quarantine violations noong Abril 2020. Ang mga hinuli ay sumailalim sa iba’t-ibang porma ng tortyur kabilang na ang ibinilad sa araw, pinaupo at pinahiga sa kabaong, pinagsayaw ng malaswa, pwersahang pinaghalik ang mga LGBT, ipinasok sa loob ng gulong ng truck at pinagulong, pinalo, pinaluhod, pinaghubad, ginugutom, pinapatay.

Tampok na biktima ng karahasan ng kapulisan sa panahon ng lockdown si Winston Ragos, ang retiradong sundalo na binaril at pinatay sa isang checkpoint sa Quezon City. Si Michael Rubuia, ang fish vendor sa South Triangle, Quezon City, ay sinaktan at kinaladkad hanggang dalhin sa presinto dahil umano wala siyang face mask. Inaresto rin ang isa pang fish vendor na si Mang Dodong sa Caloocan dahil wala siyang quarantine pass nang lumabas ito ng bahay para maghanap ng makakain ng kanyang pamilya. Labingdalawang araw siyang nakakulong hanggang sa makapag-pyansa sa tulong ng mga taong simbahan sa Caloocan.

Masaklap ang karanasan ng taumbayan sa nagdaang mga buwan. Ang mga dati’y naghahanap-buhay ng marangal ay itinulak sa lansangan para mamalimos at makipagsapalaran laban sa aresto at tortyur — kapalit ng maihahain sa mesa.

Hindi pa kasama sa mga kwentong ito ang mga pagdukot at pag-aresto sa mga magsasaka, Lumad, at mga aktibista sa labas ng mga syudad. O ang mga kritikong nagpost ng kritisismo sa social media at tinugis ng pulis. Ang ganitong kalagayan, ayon sa human rights advocates,  ay titindi pa sa pagpasa ng Anti-Terrorism Bill kunsaan hindi lang kulong ang magiging laganap kundi ang iba’t ibang abuso.

Pero gaya ng ginawang paghamon ng mamamayan sa mga restriksyon ng pandemya, tiyak na paglaban din ang magiging tugon ng taumbayan sa pinipilit na lockdown ng estado sa ating mga karapatan at kalayaan.

The post Kulong bilang tugon appeared first on AlterMidya.