Sa kompanya ng softdrinks sa isang kaso na hinatulan ng Korte Suprema nitong Hulyo 4, 2018 lang, muling nilinaw kung anong mga gawain ng isang kompanya ang papasok sa tinatawag na “labor- only contracting” na ipinagbabawal ng ating batas.
Noon pang dekada 1990s nagsimulang maging empleyado ng Coca-Cola Bottlers, Philippines itong sina Valentino at Aproniano.
Si Valentino ay isang plant driver/fork lift operator samantalang segregator/mixer naman ang trabaho nitong si Aproniano.
Naka-isang taon na sila sa kanilang mga puwesto nang bigla na lamang silang nilipat ng kompanya sa isang agency.
Binigyan sila ng kontrata ng agency. Pagkatapos noon, nilipat sila uli sa ibang agency.
Patuloy naman sila sa kanilang trabaho sa kompanya at nanatiling ang may kontrol sa kanilang trabaho ay ang mga empleyado ng kompanya.
Pinakahuling agency sa kompanya nina Valentino at Aproniano ay ang Monte Papples Trading (MPTC). Pagkatapos ng kontrata nila sa nasabing agency, hindi na ito na-renew.
Dahil sa diumano’y expiration of contract, tinanggal sina Valentino at Aproniano sa kanilang mga trabaho.
Noong panahong iyon, apat (4) na taon na silang naglilingkod sa kompanya.
Nagsampa ng kasong illegal dismissal sina Valentino at Aproniano laban sa Coca-Cola at MPTC.
Ayon sa dalawa, ang paglipat-lipat sa kanila sa iba’t ibang agency ay taktika lamang ng kompanya para huwag silang maging regular sa kanilang mga trabaho.
Sinabi rin ng dalawa na ang kanilang mga gawain ay mahalaga para sa negosyo ng Coca-Cola at ang mga ahensiya nito ay walang sapat na kapital, gamit at iba pang bagay para sa hanapbuhay ng mga ito.
Bilang tugon, sinabi ng kompanya na walang employer-employee relationship sa kompanya at kina Valentino at Aproniano.
Ang dalawa umano ay nagtatrabaho sa MPTC at may kontrata dito. Ang MPTC ay legal na kontratista at may kaugnay na permit mula sa pamahalaan.
Ang ahensiyang ito ay nagsisilbi sa planta ng kompanya sa Otis, Manila at ang trabaho nito ay upang matiyak na ayos ang pagbebenta at pagdi-distribute ng produkto ng kompanya.
Natapos na umano ang kontrata ng dalawa sa MPTC st hindi na-renew kaya natural lang na wala na silang trabaho sa kompanya.
Sa desisyon ng Labor Arbiter, sinabi nito na isang taon na sina Valentino at Aproniano na nagtatrabaho sa kompanya nang sila ay ilipat ng Coca-Cola sa iba’t ibang agency nito.
Dahil dito, dapat silang ituring na regular na mga empleyado ng Coca-Cola noong panahon na sila ay nilipat sa mga ahensiya nito at hindi sila dapat ma-dismiss sa kanilang mga trabaho.
Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kompanya. Sa kasamaang palad, sinabi ng NLRC na lehitimong ahensya ang MPTC at ayon sa batas, ang MPTC ang dapat na managot sa illegal dismissal nina Valentino.
Inakyat ng dalawa ang kaso sa Court of Appeals, pero ganun pa rin ang hatol nito: isang lehitimo at hindi ilegal na ahensiya itong MDTC.
Samakatwid, kinatigan ng Court of Appeals ang hatol ng NLRC.
Napilitang dalhin nina Valentino ang kanilang kaso sa Korte Suprema.
Sinabi ng Korte Suprema na hindi totoong isang lehitimong ahensiya itong MPTC dahil kahit mayroon man siyang sapat na kapital, ang ginagawa namang trabaho ng kanyang tauhan ay may direktang kaugnayan sa hanapbuhay o negosyo ng kompanya.
Malinaw na ang hanapbuhay ng Coca-Cola, ayun sa papeles nito, ay hindi lang ang paggawa ng soft drinks kungdi pati ang distribusyon at pagbebenta nito.
Ang trabaho nina Valentino at Apropriano ay kaugnay sa distribusyon at pagbebenta ng mga produkto ng Coca-Cola. Kaya, ang trabaho nina Valentino ay may kaugnayan at mahalaga sa negosyo ng kompanya.
Pangalawa, nagsimula sina Valentino at Apropriano na walang ahensiya sa kompanya. May isang taon na silang ganito bago sila ipinasa sa mga ahensiya ang kompanya. Samakatwid, sila ay mga regular na empleyado na ng Coca-Cola bago sila ginawang agency worker.
Ang kanilang pagiging mga regular na empleyado ay hindi na apektuhan ng pagpasa sa kanila sa mga ahensiya ng kompanya.
Sa madaling sabi, ay ilegal at walang batayan ang pagtanggal sa kanila.
Iniutos ng Korte Suprema na baligtarin ang hatol sa Court of Appeals at gawing responsable ang Coca-Cola sa ilegal na pagtanggal kina Valentino sa kanilang mga trabaho (Lingat et al vs Coca-Cola Bottlers, Philippines Inc., GR No. 205688, July 4, 2018)
Kaya lang, dahil sa tagal ng panahon na nakabinbin ang kaso, minarapat ng Korte Suprema na bayaran na lang sila ng separation pay kaysa ibalik sa mga puwesto.
Ano, mga kasama, katulad ba nina Valentino ang nangyayari sa inyo sa inyong mga trabaho? Nawa’y makatulong sa inyo ang kasong ito.