Libu-libo ang mawawalan ng bahay sa NLEX Segment 8.2

0
492

Ang North Luzon Expressway (NLEX) C-5 North Link o Segment 8.2 ay planong expressway na magdudugtong ng C-5 Road at Commonwealth Avenue sa North Luzon Expressway (NLEX) sa pamamagitan ng Mindanao Avenue.

Ayon sa DPWH, nasa 8.35 km (7.85 km ayon sa NLEX Corp.) ang haba ng Segment 8.2 expressway na 2×2 (4-lane divided) at expandable hanggang 2×3 (6-lane divided). Sasakupin nito ang Republic Avenue, liliko papuntang Luzon Avenue, at titigil sa Congressional Avenue Extension. Hindi lamang road widening ang proyekto—gaya ng mga napapabalita sa komunidad, kundi pagtatayo ng expressway.

Bahagi ito ng mas malaking NLEX Harbor Link Project, isang extension road na may habang 21.65 km mula sa Mindanao Ave. sa Quezon City hanggang C-3 Road sa Caloocan City at Commonwealth Avenue sa Quezon City. Bahagi rin ito ng kontratang 1998 Supplemental Toll Operating Agreement for the Manila North Expressway.

Ruta ng NLEX North Link o Segment 8.2

Ka-partner ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Manila North Tollways Corp. (MNTC) na pagmamay-ari ng malaking negosyanteng si Manuel V. Pangilinan (MVP) para sa konstruksyon ng daan. Galing ito sa panukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa isang master plan ng High Standard Highway Network sa Metro Manila. DPWH din ang mangangasiwa sa pagkuha ng Right of Way (ROW). May nakalaan na P7.5 bilyong piso ang gobyerno para sa proyektong kalsada.

Master plan ng High Standard Highway Network sa Metro Manila na panukala ng DPWH at JICA

Ang NLEX 8.2 ay bahagi ng Build, Build, Build (BBB) ni Duterte. Katulad ng Public-Private Partnership (PPP) ng dating Pangulong Benigno Aquino III, gagawing pagkakakitaan ng mga pribadong negosyo ang dapat mga batayang serbisyo, gaya ng mga kalsada at daan, sa ilalim ng BBB ni Duterte, na kapalit naman ay buhay at kabuhayan ng daanlibong mamamayan.

Gagastos umano ang MNTC ng P10.5 bilyon, na uutangin sa malaking dayuhang mamumuhunan, gaya ng Asian Development Bank o ADB. Bagaman hindi maglalabas ng pera ang negosyo, babawiin naman sa mga mamamayan ang inutang nito sa pamamagitan ng pagpapabayad ng toll fee sa loob ng 25-50 taon. Dahil expressway ang itatayo, hindi na libre ang paggamit sa kalsadang ito at may pinakamababang bayad na P45 sa Class 1.

Ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan ang Chairman ng MNTC.

Nagsimula ang proyekto noong 2012. Bago ang kasalukuyang plano, tinarget itong masimulan noong 2015 at matapos sa 2019, ngunit hindi na ito posible dahil na-delay sa pagkuha ng ROW. Ayon sa DPWH, sa bagong phasing, magsisimula ang konstruksyon ng unang kwarto ng 2019 at matatapos sa 2021.

Nagsimula na muli ang pagkuha ng ROW noong pangalawang kwarto ng 2017 at balak tapusin sa pang-apat na kwarto ng 2018. Nagsagawa na ng house tagging noong Marso nitong taon at noong Abril ay nagkaroon ng validation sa mga bahay na tatamaan ng proyekto. Sinasabing mula pa 1999, o 19 taong nakalipas, dapat nakuha ng DPWH ang ROW para makapagsimula ang MNTC sa konstruksyon ng expressway kung kaya’t minamadali na nila ito ngayon.

Itinayo na rin ang isang depot sa Brgy. Sauyo kung saan nakatambak ang mga malalaking kagamitang gagamitin sa paggiba ng mga kasalukuyang daan at bahay at para sa pagtatayo ng expressway.

Si Mark Villar, anak ng kasalukuyang senador na si Cynthia Villar at dating Senate President Manny Villar, ang kasalukuyang kalihim ng DPWH.

Demolisyon at pagpapalayas sa mamamayan ang una’t pangunahing epekto ng NLEX 8.2.

Aabot sa higit 50,000 pamilya (nasa 29,000 lamang ang bilang ng pamahalaan) ang maaapektuhan ng pagtatayo ng NLEX 8.2. Libu-libong kabahayan ang gigibain para sa kabuuang lapad ng expressway na 90 metro (60 m para sa main road, 30 m para sa planong pabahay). Malawakan ang mangyayaring demolisyon at pagpapalayas ng mga mamamayan, katulad ng nangyari sa North Triangle sa Quezon City at sa proyektong Philippine National Railway Modernization and Rehabilitation Plan mula Caloocan, Maynila hanggang Muntinlupa. Noong 2012, tinaya ng gobyerno na may 16,605 kabahayang matatamaan ng proyekto.

Walong barangay sa Quezon City at isang barangay sa Valenzuela ang matatamaan ng proyekto. Kasama rito ang Sauyo, Pasong Tamo, Culiat, Talipapa, Bagbag, Fairview, Matandang Balara, at Holy Spirit, sa Quezon City at Brgy. Ugong sa Valenzuela.

Para maitayo ang NLEX 8.2, gigibain ang mga tahanan, negosyo, parokya, at iba pang establisyemento sa kahabaan ng Republic Avenue at Luzon Avenue. Kinakailangan ng gobyerno na linisin ang pagtatayuan ng kalsada na batay sa plano ay 100% dumadaan sa kabahayan ng mga maralita. Sadyang iniwasan naman ang mga malalaking paggawaan at pribadong subdibisyon.

Inihahapag ng gobyerno ang in-city housing alternative sa pamamagitan ng Medium-Rise Public Housing Program ng NHA. Kukunin din daw ang budget para dito sa alokasyong nakasaad sa RA 7835 o ang Comprehensive and Integrated Shelter Financing Act of 1994. Dahil dito, lumalabas na hindi libre ang pabahay. Nakasaad sa batas ang iba’t ibang paraan ng pagpapabayad sa mga magkakaroon ng alokasyon sa sinasabing itatayong pabahay. Idadaan ito sa loan o mortgage program na huhulugan sa loob ng 20-30 taon.

Visualization ng resettlement na pinaplano ng National Housing Authority

Sa isa na namang proyektong pangkaunlaran nagbabadyang maranasan ng nasa 50,000 pamilya o aabot sa 250,000 indibidwal ang pag-atras ng kanilang kabuhayan at pamumuhay.

Mawawala rin ang mga kabuhayan at mapapalayo sa kanilang mga trabaho ang mga mapapalayas. Hindi madaling makahanap at hindi naman nakalilikha ang gobyerno ng mga estableng trabahong may nakabubuhay na sahod. Nagkakasya ang mamamayan sa kanilang mga sari-sariling diskarte para makatawid sa araw-araw, at maging ang ganoong pamamaraan ay maipagkakaila sa kanila kapag dinala sila sa mga relokasyon sa mga hindi pa maunlad na pamayanan.

Hindi rin malayong matulad ang mga mapapalayas na mamamayan sa iba pang mga dinemolis ng gobyerno ang kabahayan, gaya ng mga residente sa C-5. Sa mga napalayas sa C-5 widening, karugtong lang din ng proyektong NLEX 8.2, inalok lang ng one-time cash payment katumbas ng laki ng kanilang bahay na giniba at walang alok na relokasyon.

Sa napalayas sa itinatayong depot para sa NLEX 8.2 sa Brgy. Sauyo, dinala sila sa relokasyon sa Morong, Rizal. Walang kuryente, tubig at kabuhayan sa relokasyon kung kaya’t nagsisibalikan sa syudad ang mga tinapon sa relokasyon.

Dala rin ng dislokasyon ang pagkaantala ng pag-aaral ng mga kabataan, gayundin ang kawalan ng kabuhayan ng kanilang mga magulang na lalong nagpapahirap sa kanilang kalagayan.

The post Libu-libo ang mawawalan ng bahay sa NLEX Segment 8.2 appeared first on Manila Today.