Liham ni Bob Reyes para sa kabataan

0
321

Ang sumusunod ay isang liham ni Bob Reyes para sa mga kabataang dumalaw sa kanya ilang linggo matapos siyang mahuli ng mga elemento ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines noong Hunyo 2.

Una, nais kong magpasalamat sa inyong inilaang panahon upang madalaw kaming mga bilanggong pulitikal.

Ako si Juan Alexander “Bob” Reyes. Hunyo 02, 2018 habang pauwi na kami ni Isko galing sa gawain nang pagtulong sa mga manggagawa ng Q.C. ay hinuli kami ng mga elemento ng PNP at AFP, at pwersahang isinakay sa puting SUV. Agad akong pinosasan at binalutan ng damit sa mukha, samantalang si Isko ay pinakawalan dahil hindi naman siya kasama sa target.

Hinuli ako dahil sa alias warrant mula sa Agusan del Norte sa kasong arson — na ni minsan ay hindi pa ako nakararating saanmang lugar sa Mindanao. Sa paghuli sa akin ay pinatungan pa nila ako ng panibagong gawa-gawang kaso ng illegal possession of deadly weapons and live ammunition at illegal possession of explosives. Sa ngayon ay nakakulong ako sa detention cell ng CIDG – NCR Camp Crame.

Basahin: Workers group slams PNP’s ‘fake accusations’ against labor activist

Ako ay staff ng Sandigang Manggagawa ng Quezon City. Bilang staff ng SMQC ay saklaw ng aming gawain na tumulong sa mga manggagawa, partikular sa distritong ito. Nito ring nakaraan ay tinulungan namin ang mga manggagawa ng Pearl Island Commercial Corporation na itinaggal sa kanilang trabaho sa araw mismo ng Mayo Uno. Tinitipon din namin ang mga manggagawang may suliranin sa kontraktwalisasyon at pagtanggap ng mga benepisyo.

Dati din akong staff ng COURAGE (Confederation for Unity and Recognition of All Government Employees) na tumutulong naman sa mga kawani ng pamahalaan. Ilan sa mga natutulungan kong unyon ay SAMAKANA – Caloocan City Hall, DepEd Employees Association, Department of Tourism Employees Association (DOTEA), MUSEO – National Museum, TIEZA Employees Ass., Tourism Promotion Board – DOT at SENADO – Senate of the Phils.

Panahon ng kilusan para sa pagpapatalsik ng US military bases sa Pilipinas at labanan sa tuition fee increases sa University of the East Caloocan nang ako ay mamulat sa kalagayan ng lipunang Pilipino. Nasa third year college ako noon sa kursong Engineering.

Pagkalipas ng ilang taon ay tumulong akong magmulat sa mga kabataang estudyante sa Philippine Normal University, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, University of the Philippines Manila, St. Scholastica’s College, De La Salle University, at Far Eastern University.

Basahin: Who is detained trade unionist Bob Reyes?

Patuloy na lumalala ang kalagayan ng lipunang Pilipino. Mahalaga at malaki ang papel na dapat gampanan ng kabataan para isulong ang tunay na pagbabago.

Malaki ang inyong panahon para pag-aralan at suriin ang nangyayari sa ating lipunan ngayon. Yakapin ninyo ang pakikibaka at laban ng mamamayang naghihirap. Ipabatid sa kanila ang kaisipang mapagpalaya upang sila ay mamulat at kumilos. Mabuhay kayo!

The post Liham ni Bob Reyes para sa kabataan appeared first on Manila Today.