Lorraine Badoy, mambababoy ng katotohanan

0
279

Apr 4, 2022, Rappler.com

Nilabag ni Badoy ang dalawang karapatang ginagarantiya ng Konstitusyon: ang due process at freedom of association

Maikli lamang ito dahil wala talaga kaming interes o gana pang pag-usapan si Badoy – si Lorraine Badoy.

Ano pa ba ang sasabihin tungkol sa reyna ng basura na puwedeng magtayo ng kastilyo ala Disney princess na si Elsa, ‘yun nga lang sa Smokey Mountain o Payatas? Teka, makapag-takip ng ilong dahil nangangalingasaw na naman.

As of last count, anim na reklamo na ang naisampa laban sa red-tagger at fake news peddler na si Badoy, dating undersecretary at ngayo’y spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Kulang pa nga ‘yan pero malaking pasasalamat sa mga overworked lawyers na may ginintuang puso. 

Dagdag sa pinakabagong reklamo sa Ombudsman ang reklamo ng IBON, rights group na Karapatan, National Union of Peoples’ Lawyers, at Kabataan.

Sabi ng opinion piece ni dating congressman Teddy Casiño, kung gagamitin ang lohika ni Badoy, lahat ng organisasyon na tumutuligsa sa gobyerno, puwedeng ituring na terrorist front.

Correction lang Ginoong Casiño: walang lohikang taglay si Badoy. Meron siyang vitriol, hate, malevolence. Kung may katumbas siyang kemikal, ito’y muriatic acid. Bagay lang siya sa inidoro.

Kaya’t sa alternative world ni Badoy, si Vice President Leni Robredo ay supporter ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), kahit walang katiting na ebidensiya. Mema lang.

Bayani niya ang “berdugong” si Jovito Palparan, ang hinatulang guilty sa pagkawala ng dalawang UP students.

Ang fact-checkers na Rappler at Vera Files ay kaalyado rin ng mga komunista dahil finact-check siya. Ni-red-tag niya ang CNN Philippines dahil inilathala ang relief efforts ng estudyanteng grupo na League of Filipino Students (LFS). Ni-red-tag din niya ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP), na organisasyon ng campus journalists.

Tulad ng sinabi ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), nilabag ni Badoy ang dalawang karapatang ginagarantiya ng Konstitusyon: ang due process at freedom of association.

Eto pa, pati si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay nired-tag niya dahil ipinabaklas ni Magalong ang mga tarpaulin sa Baguio na nagre-red tag sa mga aktibista, estudyante, at media sa Northern Luzon.

Psst, Badoy, vice chair ng NTF-ELCAC si Magalong. ‘Yan ang napala ni Magalong sa pagsanib sa kulto niyo ni Antonio Parlade na nagsabing trabaho ni Satanas ang paglago ng community pantries. Bakit kulto? Dahil hindi na kayo naaabot ng lohika, katuwiran, fairness, o kahit common sense man lang. 

Si Parlade at Badoy ang modern day incarnation ng witch hunter na si Joseph McCarthy na nagpakulong ng mga hinihinalang komunistang kawani ng US government, mga personalidad sa unibersidad, at mga artista noong dekada ‘50 dahil espiya raw sila ng USSR noon. Sila rin ang modernong bersiyon ng mga Puritan sa Salem Witch Trials noong 1600s.

Si Badoy rin ang nagsabing ang salitang “red-tagging” at “Lumad” ay imbento ng mga pulang grupo. Mali. Ang red-tagging ay ginagamit na sa International Humanitarian Law at mga pahayagan bago pa itinatag ang CPP noong 1968.

Ang Lumad naman ay isang Visayan term na nangangahulugang “native” o “indigenous.” Sinimulan itong gamitin ng mga katutubo noong June 1986.

‘Yun nga lang, for all her efforts na umeksena, wala pa ring Wikipedia page si Badoy, ‘di tulad ng isa pang fake news purveyor na si Mocha Uson. Pero tingnan niya kung nasaan na si Uson ngayon? Nagsasayaw pa rin sa entablado ‘pag eleksiyon para sa mga pulitikong tumatakbo, imbes na siya ang sinasayawan.

Ang reklamo sa Ombudsman ay sa paulit-ulit na paglabag ni Badoy sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act and the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees dahil siya ay isang public official.

Dalawang bagay ang hinihingi ng mga nagreklamo: Imbestigahan siya at sampahan ng nararapat na kaso, at isuspende hanggang katapusan ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Alam nating weaponized ang batas sa Pilipinas at ginagamit laban sa mga kritiko ni Duterte tulad ni Leila de Lima, ABS-CBN, Nobel Peace Prize Laureate Maria Ressa, Rappler, at marami pang mga kritiko.

Panahon nang magsilbi ang batas sa pagbabalik ng katuwiran at pagpaparusa sa mga lumalason ng malayang diskurso sa social media. Panahon nang mabawasan ang mga pollutant ng ating hangin. Dapat nang mabigyang leksiyon ang mga nambababoy ng katotohanan, lalo na ang mga pinapasuweldo ng taumbayan.

Panahon na. – Rappler.com