Luisita, buhay sa alaala, buhay na pakikibaka

0
183

Nitong ika-16 ng Nobyembre ay dinaos ang ika-14 taong pag-aalala at paggunita sa pitong martir ng masaker Hacienda Luisita.

Muling nagkaisa ang mga magsasaka at iba’t-ibang sektor sa bayan upang igiit ang hustisya para sa mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita. Matapos ang 14 na taon, wala pa ring hustisya. Marami pa ang pinatay matapos ang masaker. Patuloy pa ring gumagawa ng pakana ang mga Cojuangco para mapigilan ang pagpapatupad ng desisyon ng Korte Suprema noong 2012 pabor sa pamamahagi ng lupa para sa mga magsasaka. At wala pa ring tunay na reporma sa lupa sa bansa.

Sa malakolonyal at malapyudal na sitwasyon dito sa ating bansa ay walang maaasahan ang mga magsasaka mula sa gobyerno. Sa loob ng napakaraming administrasyon, hindi lamang sa pamumuno ng mga Cojuangco-Aquino na makailang-ulit na kinakitaan ng masaker ng mga magsasaka ang paghahari (halimbawa na lang ang masaker sa Mendiola noong 1987 nang pangulo si Corazon Aquino at kapapangako ng reporma sa lupa matapos mapatalsik sa puwesto ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. at ang pamamaril sa Kidapawan sa mga magsasakang matagal nang pinagkaitan ng pinangakong rleeif goods at namamatay sa gutom buhat ng pananalasa ng el niño), mas inuuna ang interes ng iba at tanging pinagsisilbihan lamang ang mga naghaharing uri.

Si Nanay Luning, 55 taong gulang, kasapi ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at isa sa mga biktima ng pamamaril sa hanay ng mga magsasaka noong Nobyembre 16, 2004. Nakaligtas siya sa masaker.

Ani Nanay Luning, “Taas sweldo at dagdag trabaho lang ang hinihingin namin.”

Nang taong iyon, nasiwalat na ang mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita ay nakatatanggap na lamang ng siyam na piso kada araw ng paggawa mula nang sila ay gawing ‘stock holder’ ng kumpanya nang piniling opsyon ng mga may-ari ng asyenda ang stock distribution option sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng noo’y Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino—isa rin sa mga may-ari ng asyenda.

Ang karanasang iyon ang nagpaigting sa kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma kung saan palagian ang kanilang pagluwas kada martes patungong Maynila upang ihayag ang kanilang mga hinaing. May kakapusan man sa budyet ay pilit nila itong pinagkakasya, magising lang ang habag na konsenysa ng Korte Suprema. Bumuo rin sila ng mga piketlayn sa 10 barangay at dalawang paggawaang saklaw ng asyenda. Ngunit imbes na pakinggan ang kanilang mga hinaing ay karahasan pa ang sinagot sa kanila.

Mga ilang araw ring ‘di nakikita ng maayos si Nanay Luning matapos ang araw ng masaker.

Hinagisan daw sila ng malalaking tipak ng mga bato. Animo’y mga patak na lamang ng ulan na nanggaling sa langit. Tila di pa ata nakuntento at sila ay pinaulanan ng tear gas.

Naalala ni Nanay Luning noon, imbis na magpatinag ay mas lalong umusbong ang tapang sa puso nila. Ngunit masyadong berdugo ang kaaway, Naglabas pa sila ng mga APC at pinaulanan ng bala ang mga magsasakang tanging hiling lang ay lupang sakahan.

Ang masaker ay nagresulta ng mahigit 120 na sugatan, mahigit 130 na nadakip, ‘di tiyak na bilang ng nawawala at pitong namatay.
Tila isang milagro para kay Nanay Luning ang kanyang pagkakaligtas, maging na rin ang kanyang pamilya.

Sa kabila ng madilim na pangyayari, nagpatuloy sila Nanay Luning.

Sapagkat, muli silang bumalik upang kuhanin ang mga kasamang binawian ng buhay at mga sugatan.

“Walang takot kaming nagbalik dito, kinuha namin ang mga bangkay, dinala namin mula dito. Dito namin sila mismo ibinurol,” kwento ni Nanay Luning.

Muli rin daw nilang itinayo ang kanilang mga kubol at patuloy daw silang sisigaw hanggang sa kanila’y may nabubuhay, hanggang sila’y humihinga.

Kahit papano’y may naging usad ang usad naman ang usapin sa lupa, ngunit ‘di pa rin tuluyang napagtatagumpayan dahil sa nirereklamo ng mga magsasaka sa kabulukan ng sistema at pakikipagsabwatan ng Department of Agrarian Reform sa pamilya Cojuangco.

May mga lupang naipamahagi ngunit tila ginawa pa itong isa laro. Ang mabubunot sa tambyolo ang siyang makakatanggap ng halos 0.6 lamang na hektaryang lupa. Kakarampot na nga lang ay naramdaman nilang pinaglalaruan pa sila.

“Para kaming nasa game show na kung sino ang mabubunot ay siyang papalarin,” wika ni Nanay Luning.

Hiniling nila na sana’y ang lupang matatanggap nila ay yung dati na nilang tinatamnan upang ‘di na sila mahirapan mag-asawa.

“Kung kulang, pwede namang dagdagan. Kung sobra, maari naman nilang bawasan,” sabi ni Nanay Luning.

Ngunit sila’y mga bingi’t bulag.

Ang mga lupang kanilang natanggap ay malayo ang distansya sa isa’t-isa. Mapahanggang ngayon ay patuloy pa rin silang tinatakot ng mga militar.

“Di natin masasabi kung hanggang saan ang buhay natin. Ika nga ni Nanay Luning ay mas maganda nang nabuhay ka ng alam mong ikaw ay lumaban kaysa sa alam mo namang inaapi ka na, wala ka pang ginagawa,” sabi ni Nanay Luning.

Naikumpara niya nga ang pakikibaka sa isang taong nag-aabang na malalaglag ang prutas sa bibig n’ya.

“Walang mangyayari kung tutunganga ka lang, kailangan mong tumindig para maabot ang yung minimithi,” wika niya.

Ang tanging panawagan lamang ni Nanay Luning ay yung mawala na ang mga militar na dinedeploy nila. Mga militar na nagkakampo na wala nang ibang ginawa kundi takutin ang mamamayan.

Hiling rin niya, sana’y huwag panghinaan ng loob ang kanyang kasama. Mas paigtingin pa ang init ng pakikibaka.

“Huwag matakot o panghinaan ng loob upang ang tagumpay ay pare-parehas nating makamtan,” sumamo ni Nanay Luning.

Mula sa mga tinuran ni Nanay Luning, dapat nating balikan ang mga aral ng sama-samang pagkilos ng mga mangangawang bukid at magsasaka mula sa Hacienda Luisita. Muli nating dakilain ang pitong martir na inalay ang kanilang buhay sa ngalan ng pakikibaka para sa makatwirang sahod. Muli nating parangalan ang lahat pang nagmartir matapos ang masaker—dahil sila ay magsasaka, aktibista, pari o lider na sumuporta sa pakikipaglaban ng magsasaka. Muling gunitain ang welgang bayan na magbibigay sa atin ng inspirasyon upang pag-ibayuhin pa ang laban kontra sa monoplyong kontrol sa lupa ng nga naghaharing uri dito sa bansa.

The post Luisita, buhay sa alaala, buhay na pakikibaka appeared first on Manila Today.