Lumalakas na boses ng BPO workers

0
232
Huwag kang maniwala sa sabi-sabi: Masipag ang mga manggagawang Pilipino. Pero naghihirap ito. O, mas tumpak, pinahihirapan sila. Sa seryeng ito, basahin ang kanilang mga kuwento–ng pagpapahirap, pero pagpupunyaging ring labanan ang mga pagpapahirap na ito.

Sa kabila ng ningning na dala ng industriyang ito sa ekonomiya ng bansa, makulimlim ang papawirin sa ibabaw ng maraming ahente ng business process outsourcing (BPO).

PW 16-09 print issue

PW 16-09 print issue

Umpisa pa lang ng dekada 1990s, nag-aambag na nang malaki sa kabuuang gross domestic product (GDP) ng bansa ang industriya ng BPO. Noong 2016, umabot sa P22- Bilyon ang naging ambag nito sa ekonomiya ng bansa.

Pero sa kabila ng mabilis nitong pag-unlad, pagdaan ng panaho’y papasahol naman ang kalagayan ng milyun-milyong manggagawa ng industriya ng BPO. Kung noon, tinitingnan ng maraming kabataang bagong gradwado sa kolehiyo — o kahit hindi gradwado — ang BPO bilang siguradong pupuntahang trabaho na may nakabubuhay na sahod, ngayo’y unti-unting lumiliit ang aktuwal na sahod dito, habang tumitindi ang kontraktuwalisasyon at pagkait sa karapatan at benepisyo.

Ito ang ilan sa mga problemang kinakaharap nila.

Walang seguridad

Walang job security o security of tenure sa karamihan sa mga empleyado ng BPO.

Isa ito sa mga pangamba ng mga empleyado, kontraktuwal man o regular. Ayon kay Mylene Cabalona, tagapagsalita ng BPO Industry Employees Network (BIEN), maraming kompanya ang nagpapatupad ng mga iskema para tanggalin ang empleyado kung gugustuhin ng manedsment.

May ilang kaso na sapilitang pinagbibitiw ang ilang empleyado. Nagagawa ito sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng isang grading system o point system na gumigipit sa mga empleyado dahil sa hindi makakatotohanang metrics na ipinapatupad ng kompanya.

Halimbawa nito ang umiiral sa kompanya ng Alorica-West: gusto ng manedsment na umabot sa 98 porsiyento ng pinagsama-samang metrics ang bawat empleyado. Kabilang sa sinasabing metrics ang attendance, survey ng customer, sales (na ipinapatupad maging sa technical support agents). Ang mga hindi nakakaabot sa napakataas at di-makatarungang istandard na ito, madaling tinatanggal ng kompanya.

Nagaganap ang sapilitang pagtatanggal sa kabila ng patuloy na pagtanggap sa mas maraming empleyado.

Kauna-unahang National BPO Employees' Summit na inisponsor ng BIEN.

Kauna-unahang National BPO Employees’ Summit na inisponsor ng BIEN.

Sahod pa rin ang problema

Lingid sa alam ng madla, hindi rin sapat ang sahod na natatanggap ng mga empleyado ng BPO. Lamang man nang kaunti ang kanilang sinasahod, katulad din sila ng karamihan na hindi natutumbasan ng tamang halaga ang trabahong kanilang ginagampanan.

“Kung titignan, malaki ang sahod sa BPO. Pero ang kapalit, multiple skills. Kumbaga, trabaho ng limang Amerikanong ahente, trabaho lang ng isa (dito sa Pilipinas),” kuwento ni Arcy Parayno, miyembro ng BIEN.

Laganap sa kanilang hanay ang pagpapatrabaho sa isang empleyado ng gawain na dapat sana ay para sa lima. Sa umpisa, dagdag pa ni Arcy, sasanayin ka lang para sa isang skill. Halimbawa, sales o pagiging customer/ technical representative. Makalipas ang dalawang buwan, magkakaroon muli ng pagsasanay para sa bagong skills hanggang sa maging limang skills na ang hawak ng isang empleyado nang walang dagdag na sahod.

Mababa rin ang basic salary ng isang newly-hired agent. Madalas umaabot lang ng P12,500 ang sahod, depende sa pa lugar. Sa Bicol, P4,500 lang ang kanilang panimulang pasahod at sa Baguio at Davao naman ay umaabot lang sa P10,000.

“Ina-apply nila ang iskema ng provincial rate sa maraming probinsiya ng Pilipinas na kung minsan mas mabigat pa ang trabaho nila,” ani Alfred Sobrino, isa ring miyembro ng BIEN.

Suliranin din nila ang maayos at ligtas na lugar sa pagtatrabaho. Kamakailan lang, 38 empleyado ng BPO ang nasawi sa isang sunog sa NCCC Mall sa Davao City habang nasa shift. Kaya’t patuloy na isinusulong ng ilang progresibong grupo sa pangunguna pa rin ng BIEN ang pagkakaroon ng maayos at ligtas sa sakunang lugar.

Nariyan din ang pana-panahong nababalitang aksidente o krimeng (tulad ng pagpatay, holdap, atbp.) nabibiktima ay mga ahente ng BPO na bumibiyahe mula o patungo sa opisina nang disoras ng gabi o madaling araw. Sa kabila ng mga suliranin, patuloy na binabalewala ito ng manedsment ng mga kompanya. “Lantaran at talamak ang kasinungalingan ng mga manedsment at clients,” ani Sarah Prestoza, tagapangulo ng Unified Employees of Alorica (UEA).

Pinipigilang mag-unyon

Itinatag ang BIEN sa klima ng pagkatakot ng maraming empleyado na takot na matanggal anumang oras pero patuloy na ginigipit ng iba’t ibang kompanya ng BPO.

Kalaunan, sa pamumuno nito, naitatag din ang kauna-unahang unyon sa industriyang ito, ang UEA. At katulad ng pag-abante ng pag-oorganisa ng mga organisasyon at unyon, maraming kinaharap na problema ang BIEN at UEA.

Kabilang dito ang pag-iinitan ng supervisor at mga team leader kapag nalamang kasapi ang isang empleyado ng unyon o ng BIEN.

Pero nariyan pa rin ang matinding kalagayang nangangailangan ng pagkakaisa. Ayon sa BIEN, naging triple ang bilang ng mga miyembro nito ngayong taon. Patuloy din ang kanilang pagpaparami. Dumadalo na rin sila sa malalaking pagkilos at kung minsa’y nagsasagawa ng piket-protesta para itulak ang kanilang mga isyu.

Ngayon, unti-unti nang nakilala ang BIEN sa iba’t ibang kompanya. Nagiging labasan na sila ng hinaing ng mga manggagawa ng BPO, mapa-personal man na pag-uusap o sa pamamagitan ng social media.

Sa kasalukuyan, nasa gitna rin ang BIEN at mga empleyado ng BPO sa paglaban sa kontraktuwalisasyon at para sa seguridad sa trabaho. Gayundin, aktibong kalahok ang dumaraming organisadong BPO employees sa kampanya para sa National Minimun Wage sa buong bansa.

Noong Abril 15, isang makasaysayang BPO Employees’ National Summit ang pinamunuan ng BIEN para lalong pagkaisahin ang mga boses nilang mga boses ang puhunan sa trabaho– para mas malakas na igiit ang karapatan.

Patuloy man ang pagbibigay-ningning ng industriya ng BPO sa ekonomiya, walang liwanag pa rin ang kalagayan ng milyunmilyong empleyado. May mahigpit na pangangailangan para sa pagkakaisa nila–at pakikipagkaisa sa iba pang manggagawa sa buong bansa.