Kinilala ang Pilipinas sa mayamang agrikultural na lupain, kaya’t hindi kataka-taka na ituring ang bansa bilang pangunahing hanguan ng bigas sa Timog-Silangang Asya. Tayo rin ang ang nagturo sa mga karatig-bansa ng pagsasaka at pagpapaunlad ng butil ng bigas.
Sa kasalukuyan tila nag-iba ang ihip ng hangin, ang mga dating bansang umaasa sa atin sa usapin ng pagsasaka, ngayon ay siya nang pinaghahanguan ng bansa upang matugunan ang kinakaharap na kakulangan ng bigas. Ang Pilipinas na rin ang isa sa mga pinakamalaking exporter ng bigas.
Araw-araw na kalbaryo
Ang mga magsasakang Pilipino ay nakararanas ng mga kaawa-awang kalagayan tulad ng kawalan ng sariling lupaing sinasaka, buwan-buwang maghapong pagtatrabaho sa sakahan kapalit ng maliit na kita, atake ng peste at sakuna, kakulangan sa akmang makinarya, pagpapalit ng mga lupaing sakahan sa mga naglalakihang subdibisyon at gusali, mabagal na repormang pang-agraryo, pang-aabuso ng mga panginoong maylupa at kakulangan sa serbisyong publiko.
Marami mang nabanggit ay ilan lamang ang mga iyan sa mga kinakaharap na problem ng magsasaka sa isang agrikultural na bansa, sa isang lupalop kung saan mataba ang lupa para sa pananim. Ang mahihinuha ay ang maliit na pagpapahalaga ng administrasyon sa sektor ng agrikultura.
Ang nararanasang problema ng mga magsasaka ay tumatagos sa pambansang kalagayan, katulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, seguridad ng pagkain, at malawakang gutom.
Malinaw sa kasaysayan na simula noon hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nakikibaka ang mga Pilipinong magsasaka. Higit pa sa dugo’t pawis ang kanilang ibinubuhos para ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupang hindi naman sa kanila. Sila ang mga naghihirap sa lupang hindi kailanman mapapasakanila at kung maging sa kanila man ay ikapuputi na nang kanilang mga mata sa kahihintay. Sila ang mga nagpapakain sa atin, ngunit sila mismo ay walang maipanlaman sa tiyan.
Masaker sa mga magsasaka
Lupa ang pangunahing kahingian ng mga magsasaka. Lupa rin mismo ang ipinagkakait sa kanila ng isang lipunang dominado ng mga malalaking nagmamay-ari ng lupa, mga pulitikong malalaking pagmamay-aring lupa at may kontrol sa mga pulis at militar. Lupa ang nagbibigay-buhay sa magsasaka. Sa pagpapayabong ng lupa nila inaalay ang kanilang buhay. At sa maraming pagkakataon sa kasaysayan ng bansa, lupa rin ang kanilang pinagbubuwisan ng buhay.
Ilang makaulit na sa ating kasaysayan na ang mga nagbubungkal at nagbibigay sa atin ng bigas ay sinusuklian ng mga nakaupong administrasyon ng bala.
Parang naulit naman ang kasaysayan sa isa na namang masaker ng magsasaka sa Negros Occidental. Ito na ang pangalawang masaker ng magsasaka sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hustisya sa araw-araw na kawalan na panlipunang katarungan at hustisya sa mga pinaslang na magsasaka–bagay na hindi pa rin nakakamit ng mga nagbubungkal sa ating bayan. Isang sitwasyong nagbubunsod ng paulit-ulit na masaker sa mga magsasaka.
Pagkain ng mamamayan, ng bawat Pilipino ang dapat pinakamahalaga sa lahat ng pinahahalagahan ng ating pamahalaan. At sentral sa usaping iyan ang kalagayan ng mga lumilikha ng ating pagkain. Hangga’t hindi napagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang kalagayan ng mga magasasaka, magpapatuloy ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasakang nagpabusog sa ating mga Pilipino. Hindi rin maiigpawan ng ating bayan ang paulit-ulit na usapin ng kakulangan ng pagkain, matataas na presyo, at kagutuman sa bansa.
The post Lupang hinarang, lupang magpapalaya appeared first on Manila Today.