#LupangRamos | Hidwaan sa Lupang Ramos

0
338

Nagkagirian hanggang may nagpaputok ng baril sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite noong Hunyo 4, 2018, ikasampu ng gabi. Ikinagulat ng marami ang balitang nakaabot sa pamamagitan ng social media, bagaman hanggang ngayon, higit isang linggo ang nakalipas, ay ‘di pa nailalantad sa malalaking kumpanya ng media. Kinabahan ang mga nakikisimpatiya kung isa na naman ba itong Hacienda Luisita. Napabalitang may mga sugatan at buti na lang at wala nang mas malala pa ang sinapit.

Noong nagtungo kami sa Lupang Ramos ilang araw matapos ang insidente ng pagpapaputok ng baril, nalaman din naming isa sa mga nasaktan ay isang 63 taong gulang babaeng magsasaka—si Ka Baby ay nasuntok nang gabing iyon. Nakakagulat at nakakainis—pero paano ba nangyayari at paulit-ulit nangyayari ang ganito sa mga maliliit na mamamayan? Lalo pa’t sinasapit nila ang ganito sa tuwing sila’y may pinaninindigan.

Buwan ng Septyembre noong nakaraang taon nang simulang bungkalin ng mga magsasaka ang mga tiwangwang na lupa ng Lupang Ramos sa sa ilalim ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka sa Lupang Ramos (KASAMA-LR). Dahil sa kapasyahan ng mga magsasaka at sa sama-samang pagkilos, napagtagumpayan ng KASAMA-LR na gawing produktibo ang tiwangwang na lupa. Mayroon silang makakain at ilan pang produktong maaaring ibenta para sa iba pang pangangailangan.

Hunyo 4 ngayong taon, hindi na maayos at mapayapang makapagtanim ang mga magsasaka. Pinipigilan na silang magtanim ng isa pang panig na umaangkin sa lupa.

Tatlong pangalan ang itinuturong salarin sa nasabing gulo at karahasan noong Hunyo 4. Ito ay sila Rudy Herrera, Nester Pangilinan at si Angelito Tolentino.

Si Rudy Herrera ay minsang naging lider-magsasaka. Ngunit ang kanyang natutunan sa pakikibaka at sa pakikipaglaban ng mga magsasaka ang naging daan nya upang linlalingin nya ang kanyang mga kasama sa nasabing organisasyon, matapos niyang makipagsabwatan para maibenta ang ibang mga lupang naipamahagi sa mga Sabida.

Si Nestor Pangilinan naman ang isang kagawad sa Brgy. Langkaan na sinasabi niya isa siya sa pinangakuan ng lupa.

Si Angelito Tolentino naman ang sinasabing inhinyero na may koneksyon sa mga Ayala, kung kanino balak ibenta ang Lupang Ramos. Kung gustong ibenta ang lupa sa pribado, kailangan nila itong agawin muli sa mga magsasaka.

Anang mga magsasaka mula sa KASAMA-LR, ginagamit ng tatlo ang Tunay na Buklod ng mga Magsasaka (TBM), isa ring organisasyon ng mga magsasaka at pinag-aaway sila. Ginagamit ng mga may pera at may interes sa lupa ang mga magsasaka din upang hatiin ang hanay ng mga magsasaka at pahinain ang lehitimong pakikibaka at karaingan ng mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupang mabubungkal para makakain, mabuhay at kung sa wakas ay umunlad naman ang kanilang pamumuhay. Hindi na nakakagulat pero nakakainis na paulit-ulit ang ganitong kwento sa bayan natin.

“Sana matapos na ito kasi ang mga umookupa sa kabila ay pinsan ko ring buo,” sambit ni Nanay Rita.

Nakilala namin si Nanay Rita sa pagbisita namin sa Lupang Ramos. Naniniwala siyang wasto at makatarungan ang kanilang pagbubungkal sa lupa. Tutal gusto lang naman nilang mabuhay.

At ano nga ba naman ang magsasaka kung hindi sila magtatanim. Mabuti pa nga’t nakakalikha sila ng pagkain. Pagkain sana iyon para sa bansa imbis na nag-aangkat pa tayo ng bigas, bawang, at iba pang pagkain samantalang napakalawak ng lupang matatamnan sa bansa natin.

Isa si Nanay Rita ay magsasakang biktima ng matagal na at hindi pa natatapos na pananamantala sa mga magsasaka sa usapin ng lupa. Ngunit, isa rin si Nanay Rita sa libu-libong mga magsasaka na pinagsasamantalahan na hindi susuko sa kanilang matagal na laban.

Halos kalahating siglo na dapat napamahagi ang Lupang Ramos sa mga magsasaka. Natakasan nito ang repormang agraryo sa panahon ng dating diktador Ferdinand Marcos, Sr. nang pinalitan ng tubo ang dating gulay at pagkain na mga tanim dito—tubo na hindi makain ng mga magsasaka. Nakaiwas din ang dating may-ari sa pamamahagi ng lupa sa Comprehensive Agrarian Reform Program ng pumalit kay Marcos sa pagkapangulo na si Corazon Aquino.

Ngayong tiwangwang ang lupa, binungkal ito ng mga magsasaka para sana may makain at magkaroon ng kabuhayan. Tigil ang layunin na ito sa kasalukuyan, dahil umano napagkasunduan ng magkabilang panig na wala munang galawan para hindi maulit ang nangyari noong Hunyo 4. Pero hindi naman titigil ba ang kalam ng tiyan ng mga magsasakang sa lupa umaasa. Hindi naman nakakagulat kung paulit-ulit nilang pipiliing manindigan.

The post #LupangRamos | Hidwaan sa Lupang Ramos appeared first on Manila Today.