“Pamalo ‘pag araw, ‘pag gabi, baril.”
Nanginginig sa poot ang tinig ni Angie, isang magsasaka sa Lupang Ramos, nang magpaunlak sa isang panayam.
Malinaw pa sa alaala ang naganap na kaguluhan gabi noong ika-4 ng Hunyo, kung saan liban pa sa pambubugbog, nagpaulan ng apat na basyo ng bala ang pinaghihinalaang kasama ng pangkatin ni Rudy Herrera at Engr. Angelito Tolentino sa kampo ng mga magsasakang kabilang sa Kalipunan ng mga Lehitimong Magsasaka sa Lupang Ramos (KASAMA-LR). Tatlong indibidwal ang nasaktan sa naganap na pandarahas, kabilang na ang isang 63-anyos na babaeng magsasaka. Ayon sa grupo ng magsasaka, layong sindakin ng kabilang grupo ang mga magsasaka at kabataang sumusuporta sa kanilang kampanya.
Aniya, doon sana sila magsasaka sa lupaing pilit kinakamkam ng kabilang grupo. Ngayon na sana ang mainam na panahon ng pagtatanim sapagkat panahon na ng ulan, subalit dahil sa pag-init ng sitwasyon sa sakahan, naaantala ang dapat sana’y mabungang pagtatanim.
“Malinis na [ang tubuhan], pinaghirapan talaga. May mga tubo pang nakatayo noon, nagtulungan lang kaming magtabas para mahabol ang ulan. Hindi sila sumama magbungkal. Kami lahat–lalaki, babae, bata, matanda, lahat nagbungkal. Nakatoka na ‘yun, may puwesto na kami, pero sila tanim lang nang tanim. Hindi kami [makapuwesto] kasi wala kaming armas, baril. Nanghahamon pa sila. Magtatanim ka, aanuhin ka ng baril tapos ‘yung mga pang-hataw. ‘Pag kami nakapasok ‘dun, ‘di na kami makakabalik dito,” salaysay ni Angie.
Ang Lupang Ramos ay dating sakahan na mga pananim na pagkain na ginawang taniman ng tubo para maiwasan ang pamamahagi ng lupa sa ilalim ng repormang agraryo ng diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. Sa mga sumunod na administrasyon, naaprubahang batas at desisyon ng korte, ilang ulit ding natakasan ang pamamahagi ng lupa para sa mga nagbubungkal.
Ang paglunsad ng KASAMA-LR ng bungkalan ay mula sa inisyatiba ng mga magsasakang nais gawing produktibo ang Lupang Ramos. Kabahagi si Ka Angie sa KASAMA-LR na matagumpay na nakapaglunsad ng bungkalan noong Setyembre 2017. Walong buwang tagumpay ang kampanya ng mga magsasaka para sa paglilinang ng kanilang lupa, subalit ang panghihimasok at pandarahas ng kabilang grupo, sa pamumuno ni Herrera, Tolentino, at iba pa nilang kasama, ay naging dahilan upang hindi makapagtanim nang maayos ang mga magsasaka sa Lupang Ramos.
Para sa mga magsasakang tali ang buhay sa lupa, ang pakikibahagi ng mga tulad ni Angie sa bungkalan upang pagyamanin ang lupang tiwangwang ay makatarungan. Kung kaya naman, bagaman may pangamba sa bawat gabing dumadaan, hangga’t sa kanilang makakaya, resolbado siAngie na ipagpatuloy pa rin ang kanilang laban.
Nang matanong kung ano ang nais niyang ipahayag na mensahe para sa kasalukuyang administrasyon, ito ang nasambit ni Ka Angie, “Ang gusto lang namin sana, ang mga ipinangako ni Duterte noon, tuparin naman niya. Sana naman ay maunawaan niya ang kalagayan namin.”
Matatandaang noong Mayo 8, 2018, ay nagbukas ulit ng posibilidad na maaaring magpanumbalik ulit ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines (GRP-NDFP). Sakali mang matuloy, nakahain ang usapin hinggil sa pagpirma ng napagkasundiang prinsipyo hinggil sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka para maisakatuparan ang tunay na repormang agraryo bilang bahagi ng mga panlipunan at pang-ekonomiyang reporma. Malaki ang maiaambag nito upang maiaabante ng kampanya ng mga magsasaka sa buong bansa ang kanilang karaingan para sa sariling lupang mabubungkal.
Bagaman may pag-asang dala ang usaping pangkapayapaan para sa mga magsasaka, ang tumitingkad na kampanya ng mga naglilinang ng lupa para sa makatarungan at kolektibong pagbubungkal ay magsisilbing mitsa upang irehistro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lupa para sa mga pesante. Bagay na nauna nang naunawaan nila Angie at ng kanyang mga kasamahan sa KASAMA-LR, at patuloy na kanilang pinaglalaban hanggang sa kasalukuyan.
The post #LupangRamos | Angie appeared first on Manila Today.