Kasalukuyang nakatayo ang mga kubol ng mga magsasaka ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid (KASAMA) sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite para patuloy pa ring ipaglaban ang karapatan sa lupa.
Limang dekada na nilang pilit na binabawi ang lupang ilang salinlahi nang dapat ay sa kanila. Ilang henerasyon nang nananatiling walang lupa ang mga lehitimong magsasaka at nagnanais na magbungkal ng lupa para may makain ang kanilang pamilya, maging ang bayan.
Magmula ika-2 ng Hunyo ngayong taon ay hindi na sila makapagtanim nang maayos dahil sa diumano’y pandarahas sa kanilang hanay.
Tatlong pangalan ang isinisigaw ng mga magsasaka na nandarahas sa kanila: ito ay sina Rudy Herrera, Nestor Pangilinan at Angelito Tolentino.
Si Rudy Herrera raw ay minsan nang nilinlang ang mga magsasaka sa Lupang Ramos matapos niyang ibenta ang kanyang paniniwala at lupain. Si Nestor Pangilinan naman ay ang bagong kagawad sa Brgy. Langkaan Uno na pilit ding sinasabi na pinangakuan daw siya ng bahagi ng lupa. Habang si Angelito Tolentino ay isang inhenyerong nagbabandila ng koneksyon sa mga Ayala ay nais makakuha ng lupain upang mayroong mabenta sa mga ito.
Dahil sa sabwatan ng tatlong ito, nagkakaroon daw ng panggugulo at pandarahas sa mga magsasaka ng KASAMA sa Lupang Ramos na dati’y payapa namang nakapagtatanim sa lupain. Tinututukan sila ng mga armas upang umatras sa laban.
Sa kasaysayan ng lupain, taong 1965 nang mapasakamay ni Emerito Ramos ang sakahan at nakailang ulit na natakasan ang desisyong ipamahagi na ito. Panahon naman ng dating Pangulong Ferdinand Marcos nang maglabas ito ng PD 27 na naglilimita sa reporma ng lupa para sa palay at mais na pangunahing tanim sa Lupang Ramos. Nagpapasok siya ng mga kontratista ng tubo upang maiwasang mapamahagi ang lupa.
Taong 1990 nang makailang beses maipanalo ang pamamahagi sa lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Pangulong Corazon Aquino, ngunit napagdesisyunan muli ng Korte Suprema na hindi na raw saklaw ng programa ang 372 ektarya ng lupain.
Dahil din sa mga karanasang ito ng mga magsasaka kaya ipinagsisigawan nilang hungkag at kontra-magsasaka ang CARP ng pamahalaan. Hindi na nila isinasandig ang karapatan sa gobyerno o sa korte na hindi pumapanig sa interes ng mga nagbubungkal ng lupa.
Ang kanilang prinsipyo at lehitimong interes na ang lupa ay dapat ipinapamahagi sa mga magsasaka upang mapagtamnan at mapakinabangan ang tangi nilang sandata sa laban. Sama-sama raw nilang dedepensahan ang lupa sa mga taong ang tanging layunin naman ay kabaliktaran ng sa kanila, ito ay para sa sariling interes lamang.
Hanggang ngayon ay nananawagan ang mga magsasaka ng kagyat na suporta sa kanilang labang ito.
The post #LupangRamos | Laban ng mga magsasaka sa Lupang Ramos appeared first on Manila Today.