#LupangRamos | Minsan sa may sakahan

0
317

Hindi madali ang magdesisyon na tumungo sa isang lugar na sariwa pa ang mga basyo ng balang naiwan matapos ang isang karahasan.

Hindi lamang ulan ang ikinababahala ng bawat isa sa amin na bumagsak, nariyan din ang mga pangamba at bala. Mahirap lumusot sa pagkakaipit sa pagitan ng tutuloy pa ba o huwag na muna, ngunit hinila kami ng bawat sigaw ng mga magsasaka na: ang lupa ay buhay.

Sa tarangkahan pa lang sumalubong na sa amin ang mainit na pagbati ng mga nanay na magsasaka sa lupain. Ngingitian ka nila na para bang hindi mo mababakas ang ipinupukol na dahas sa kanila ng estado. Hinatid nila kami sa kubol na tinayo kasabay ng iisa ring layunin na matatag na tumindig sa kanilang laban.

Sumasabay sa buhos ng ulan ang tahimik na pag-iyak ng mga panawagang hindi dinidinig ng pamahalaan. Ramdam sa bawat patak ng ulan ang hikbi ng mga magsasakang hindi pa natutuyo ang luha sa mga pinagdaraanan nila.

Naglalaho lang ang mga ngiting nakapinta sa kanilang mga mukha sa tuwing kakausapin namin sila tungkol sa danas nila doon. Mayroong galit sa bawat sasabihin nilang pinagkakaitan sila ng karapatan. Mayroong lungkot sa tuwing isasalaysay ang mapait na karanasan sa kabila ng simpleng kahilingan na magkaroon ng lupa. Mayroon din namang pag-asa sa tuwing ibibigay namin ang pahayag ng suporta.

Hindi naman mahirap makiisa. Bagaman hindi mo danas ang danas nila’y hindi mahirap makita ang katwiran ng kanilang pinaglalaban—lalo kung ang pinag-uusapan na lang ay pagkain, bahay, buhay, kinabukasan. Walang anumang karangyaan o kaluwagan, pero ang mabuhay. Parang karangyaan pa ang dignidad sa mahihirap kung minsan. O madalas. Hindi na kailangang maranasan pa ang nararanasan nila para makapagpasyang makiisa.

Higit sa anumang porma ng suporta’t pakikiisa, pinakamahalaga at walang kapalit ang pagtungo sa hanay ng masa. Kaya dakila silang nag-alay ng buong panahon sa piling ng mga masang api upang tumulong na itaguyod ang kanilang laban—isang laban para mabuhay!

Hindi na namin halos naramdaman ang lamig ng panahon dahil sa mainit na pagyakap sa amin ng masa. Kinukupkop kami na parang bagong aning palay. Iniingatan kami katulad ng lupang kanilang pinaglalaban.

Kung anuman ang mga balakid sa paglalakbay tungo sa Lupang Ramos, mas mahirap ang naging desisyon namin nang kami ay lilisan. Bitbit ang agam-agam na babalik na kami sa tahanan, ngunit paano naman ang kalagayan nila doon? Bitbit din ang kuwentong nagbibigay sa amin ng dahilan upang patuloy pang manindigan para sa karapatan ng bawat mamamayan. Lalo yung pinabayaan na’t inaapi pa.

Ito ang ‘di malilimutang karanasan nang minsan kaming bumisita sa isang sakahan.

The post #LupangRamos | Minsan sa may sakahan appeared first on Manila Today.