Masigla, malakas, bukas sa kaisipang pakikibaka. Ganiyan inilarawan ni Amado Guerrero ang mga kabataan. Sabi naman ni Dr. Jose Rizal, pag-asa ng bayan ang kabataan.
Sabay na lumaki sina Jojo Mercado at Carlo Montoya sa Brgy. Langkaan, Dasmariñas, Cavite. Pareho silang nag-eedad ng 19. Si Jojo ay nasa grade 10 samantalang si Carlo ay nasa ikalawang taon na sana sa kolehiyo. Sa Lupang Ramos mismo sila iniluwal, namulat, at nagpasyang makibaka.
Bilang mga anak ng magsasaka, nakararanas sila ng iba’t ibang pangmamata ng ibang kabataan dahil sa estado ng kanilang pamilya.
“Minsan naitatanong din namin syempre kung bakit nga ba ganito ang kalagayan namin, at bakit iba ang estado nila?” pagkukuwento ni Carlo.
Ngunit sa tulong ng matiyagang pagpapaliwanag ng kanilang magulang at sa direktang karanasan ay mas naintindihan na nila ang kanilang tunay na sitwasyon. Hindi na nila tinignan pang mababa kanilang kalagayan sa iba.
“Ang aming magulang ay unti-unting pinaliwanag sa’min na ganito ang sitwasyon namin, ito ang trabaho namin. At ano naman kung ang mga magulang namin ay magsasaka? Pinagmamalaki ko yun dahil sila ay naghihirap sa pagsasaka”, matapang na paglalahad ni Carlo.
Myembro ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka ng Lupang Ramos (KASAMA-LR) ang mga magulang nina Jojo at Carlo. Sumasama rin ang dalawa sa mga kilos-protesta, bungkalan, at iba pang aktibidad ng organisasyon. Sa sama-samang pagkilos natagpuan ng mga magsasaka sa Lupang Ramos ang dignidad upang igiit at ipaglaban ang pagmamay-ari sa lupa.
Hindi bagong phone, laptop, PS4 o bagong damit pang profile photo sa Facebook ang gustong makamit nina Jojo at Carlo. Tunay na reporma sa lupa, ‘yung maipamahagi sa mga magsasaka at mapakinabangan ang mga lupang agrikultural ang kanilang gusto.
“Sa ibang mga kabataan, tignan at pag-aralan nila ang paligid at maging pantay ang pagtingin nila sa amin dahil hindi naman kami iba sa kanila” Ani ni Jojo.
Sila ay tulad din ng ibang kabataang tumigil o hindi nag-aral dahil sa problema sa pinansya. Napagkakaitan sila ng pangunahin nilang karapatan sa libre at dekalidad na edukasyon. Sa ngayon ay tumutulong na sila sa pagsasaka ng Lupang Ramos kasama ang kanilang pamilya habang patuloy na pinaglalaban ang kanilang ligal na karapatan dito.
The post #LupangRamos | Sina Jojo at Carlo, kababata at kasama sa pakikibaka appeared first on Manila Today.