Luto! Laban!

0
518

Ang handaan at pagsasalusalo sa pagkai’y isa sa pinakamatagal nang kagawian ng mga komunidad upang mas mapalapit ang mga tao sa isa’t isa. Sa mga panahon ng rehimeng Duterte na lalong lumalala ang panggigipit sa mga magsasaka, mahalaga ang mga pagtitipun-tipon gaya nito upang ang mga manggagawa, estudyante at magsasaka’y makakapagsalu-salo, mapagpahalagahan ang mga bunga ng pagsisikap na bungkalin ang lupa, at makapagpalitan ng karanasan at mensahe ng suporta sa isa’t isa.

Nitong Marso 4, idinaos ang ganitong salu-salo sa porma ng Luto! Laban! sa United Church of Christ Philippines (UCCP) sa Maynila. Inorganisa ito ng Samahan ng mga Artista Para sa Kilusang Agraryo (SAKA) at Amihan Women, kasama ang mga magsasaka mula Eastern Visayas na dumayo sa Kamaynilaan para makipadiyalogo sa Department of Agriculture (DA). Sinalanta ang kanilang mga pananim ng mga pesteng cocolisap at bunchy-top virus na nakaapekto sa kanilang kabuhayan, gayong di pa sila nakakabangon mula sa bagyong Yolanda. Nang humingi sila nang tulong sa lokal na gobyerno, pangdadahas ng militar ang isinagot sa kanila. Sa pagpunta nila sa Maynila, sinalubong sila ng pangdadahas ng pulisya na gumiba ng kanilang kampuhan sa DA.

Binabasa ng isa sa mga magsasaka ang isinulat niya tungkol sa kanilang karanasan sa pakikipaglaban sa Maynila.

Binabasa ng isa sa mga magsasaka ang isinulat niya tungkol sa kanilang karanasan sa pakikipaglaban sa Maynila. Clara Herrera

Kanya-kanyang bitbit ng ambag na mga rekado ang mahigit 20 estudyante at manggagawang nagboluntir magluto. Ang mga putahe: pinangat na isda, adobong baboy, ensaladang talbos ng kamote, at minatamis na saging. Naghati sa maliliit na grupo ang mga boluntir para sa pagluluto. May tagahimay ng talbos, tagahiwa ng bawang at sibuyas, tagasaing at marami pang iba.

Habang nagluluto ang iba, salitang lumahok ang iba sa talakayan sa mga magsasaka mula Samar. Ibinahagi ng mga magsasaka ang panggigipit sa kanilang sakahan. Inilahad nila ang di-patas na sistema ng hatian sa palay ng magsasaka at ng mga panginoong lupa. Halos wala nang natitira sa mga magsasaka dahil sa kanilang utang sa abono at kung anuano pang bayarin. Ayon kay Ka Barry ng Northern Samar Small Farmers Association (NSSFA), di rin nabibigyanpansin ng gobyerno ang mga biktima ng bagyong Yolanda na Nobyembre 2013 pa nangyari. Mga tulay at gusali lang ang pinagtutuunan ng rehabilitasyon. May pondo man na P5,000 na inilaan bawat pamilya, di nila ito makuha-kuha. Sa Tacloban pa ito kukunin; anim na oras ang biyahe mula sa kanilang lugar at libo ang pamasahe.

Matapos ang kainan, nagkaroon ng palihan sa pagsusulat ang mga magsasaka. Sina Faye Cura at Rae Rival-Cosico ng Gantala Press, grupong naglalayong paunlarin ang pag-aakda ng kababaihan sa Pilipinas, ang nangasiwa. Sa unang bahagi ng palihan, namahagi sila ng papel at bolpen sa mga magsasaka. Nagsulat sila ng kahit anong laman ng isip nila. Nailahad nila ang mga sakripisyo para makapunta rito: ang pag-iwan ng kanilang mga anak sa probinsiya, ang galit nila sa pamahalaang pinagkakaitan sila ng kanilang mga karapatan, at ang pasasalamat nila sa mga grupo na patuloy na nagbibigay ng tulong at suporta.

Nagsulat din sila ng mga bugtong, na siyang pinagmulan ng mga hagikhik at tawanan. Bandang huli, lahat ng magsasakang sumali’y bumuo ng kuwento sa pamamagitan ng dugsungan. Mula sa linyang “Isang araw, dumating si Yolanda”, nagpasa-pasahan sila ng papel at dinugtungan nila ito hanggang makapagsulat at makabuo ng kuwento ng kanilang karanasan ang lahat.

Di lamang salu-salo ng pagkain ang Luto! Laban! Naging salu-salo rin ito ng karanasan, ideya at pakiramdam. Sa munting pagsasamang ito, nakapagpadama ng suporta ang bawat kalahok sa isa’t isa na siyang dadalhin sa susunod na panahon ng pakikipaglaban para sa mga karapatan.