Noong Hulyo 29, pumanaw sa edad na 80 si Alice G. Guillermo matapos ang matagal na karamdaman. Para sa publiko, kaugnay ang pangalan niya ng sining-biswal, sining at kultura – bilang kritiko, awtor ng maraming libro at sulatin, at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Para sa mga aktibista, kilala siya bilang isang guro, na mas nababasa kaysa napapakinggan, tungkol sa rebolusyunaryong sining at kultura at sa rebolusyon mismo.
Noong dekada ’90, unang maririnig ng bagong aktibista ang pangalan ni Guillermo sa pag-uusap ng mga mas naunang aktibista. Siya si “Alice Cooper” Guillermo, kasama nina “Jelly Ace” Guillermo, “Bien Tumbling” Lumbera, “Neil Young” Doloricon, at iba pang progresibong intelektwal. Binigyan sila ng tawag-paglalambing, silang laging planong kuhaning tagapagsalita sa mga porum at hingian ng mensahe at tulong-pinansyal rin.
Maririnig uli ang pangalan ni Guillermo sa isang pag-aaral. Noong panahon daw ng kalituhan sa loob ng progresibong kilusan pagkatapos ng Edsa 1986, maraming tumatawag sa sistemang pampulitika sa bansa na “liberal na demokrasya” at sa paksyon ng naghaharing uri na kinakatawan ni Cory Aquino na “liberal-demokrata.”
Kakatwa, pero kasama rito ang mga insureksyunista na gumagawa noon ng mekanikal na pagtutulad sa Rusya ng 1917: Marcos = Czar, rehimeng Cory = Provisional Government, Pebrero 1986 = Pebrero 1917. Ang kailangan daw ay ang “Oktubre ng Pilipinas,” ang pagtatagumpay ng mga Bolshevik na Pinoy.
Si Guillermo raw ang isa sa naglinaw na hindi liberal na demokrasya ang iniluklok ng paksyong Cory – sa popular na pakahulugan ng pagtataguyod sa indibidwal na karapatan sa pamamagitan ng paghahari ng batas (liberalismo) at paghahari ng mga mamamayan (demokrasya). Ang kinatawan nito ay patuloy na paghahari ng iilang kapangyarihang dayuhan at elite at paggamit ng pasismo laban sa mga mamamayan – nang may demokratikong pagpapanggap.
Katotohanan itong mas madali nang matanggap ngayon, kahit mayroong mga intelektwal na sentimental sa rehimen ni Cory dahil sa sahol ng rehimen ni Duterte. Noon, nangailangan ng tapang at talas para sabihin ito. Kaya siguro natandaan si Guillermo ng instruktor ng nasabing pag-aaral – isang mas naunang aktibista galing Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na bagamat mahilig magbasa ay nakatutok sa mga sulating may direktang kinalaman sa pakikibaka.
At tila mahalaga sa henerasyon nila ng aktibista si Guillermo: may isang buong isyu ng Commitment, opisyal na pahayagan ng League of Filipino Students, noong maagang bahagi ng dekada 1990 na nakalaan sa isang sanaysay niya. Hinggil ito sa kabuluhan ni Mao Zedong, lider ng sosyalistang rebolusyon sa Tsina, sa pulitikang progresibo sa Pilipinas at mundo, taliwas sa deklarasyon noon ng mga reaksyunaryo na “tapos na ang kasaysayan” sa kapitalismo at “demokrasya.”
Kaya ang isang aktibistang palabasa, mahihikayat basahin ang The Covert Presence and Other Essays (1989) ni Guillermo. Kabilang ito sa mga koleksyon ng sulatin ng mga progresibong intelektwal na inilimbag ng Kalikasan Press noong 1989-1990. Bagamat mas tungkol sa mga usaping pansining, pangkultura at maging teoretikal sa Pilipinas at sa mundo noong panahong Marcos-Aquino, makabuluhan pa rin ang nilalaman ng mga sanaysay hanggang ngayon.
Mababasa rin ang iba’t ibang sulatin niyang nagbubunyi sa mga “artista ng bayan,” lalo na ang mga alagad ng sining sa larangang biswal na nagsusulong ng Social Realism. May mga sulatin din siyang nagpapatampok ng mga makabuluhan at progresibo kahit sa mga likhang-sining ng mga hindi aktibista.
Sa ganito, maaalala sa kanya ang isa pang paboritong intelektwal sa parehong larangan, ang Ingles na si John Berger, magkasabay ang malalim na pagdama sa sining at Marxistang pulitika – at sa wikang puno ng buhay.
Pero pinakamalinaw na pagyakap ng mga kabataang aktibista, at mga aktibista sa ibang sektor marahil, kay Guillermo ang pagturing sa sanaysay niyang “Mao Zedong’s Revolutionary Aesthetics and Its Influence on the Philippine Struggle” bilang batayang pag-aaral tungkol sa rebolusyunaryong panitikan, sining at kultura. Kalakip ito sa librong Mao Zedong Thought Lives (1995), kung saan si Guillermo lang ang Pilipinong awtor, bukod kay Armando Liwanag, alyas ng tagapangulo ng Communist Party of the Philippines.
Tinawag na “Rev Aes” ang sanaysay, itinuturo sa mga bagong miyembro ng organisasyong masa na laan sa progresibong sining at sa lahat ng interesadong matuto. Maraming kopyang Xerox nito sa mga tambayan at opisina, dahil pinaparami ang nakakatapos at nakakapagturo ng pag-aaral, at itinatala pa nga ang bilang ng napapatapos. Bihirang maigawad ang ganitong karangalan maging sa mga progresibong intelektwal na Pilipino.
Ang sanaysay ay payak na pagbubuod ng mga kaisipan ni Mao Zedong tungkol sa panitikan, sining at kultura at kung paano ito inilapat at inilalapat sa sistema at kultura sa Pilipinas. May pangangailangan na tinutugunan ang sanaysay; kung wala nito ay kakailanganing isulat ito.
Pero dahil si Guillermo ang nagsulat, makikita hindi lang ang paggagap sa kaisipan sa mga ideya ni Mao Zedong tungkol sa sining at kultura, kundi sa mahabang tradisyong Marxista sa larangang ito. Gayundin sa sining at kultura, na rebolusyunaryo at hindi, sa Pilipinas at mundo. Tiyak na marami nang manunulat, alagad ng sining, at aktibista ang naudyukan ng pag-aaral na magsulong ng progresibong sining at kultura, at ng rebolusyon.
Taliwas sa mga paninira sa rebolusyunaryong sining at kultura, makikita sa sanaysay ni Guillermo ang pagiging bukas sa iba’t ibang porma at estilo kasabay ng pagiging kritikal sa mga ito. Kahanga-hanga rin ang panawagan at hamon niyang “i-update” ang rebolusyong pangkultura sa pagharap sa mga usaping relatibong bagong salta sa tanaw ng mga Marxista – bagamat hindi nina Marx at Engels mismo: etnisidad, ekolohiya, at paglaya ng kababaihan.
Hindi magiging kagulat-gulat o kagalit-galit kay Guillermo, halimbawa, ang inuulit na panawagan ni Naomi Klein, progresibong intelektwal, na gawing mas tampok na bahagi ng sosyalismo ang pagliligtas sa kalikasan at daigdig sa harap ng climate change. Hindi ito para siraan ang sosyalismo – dahil malinaw na ga-higanteng mas malaki ang pananagutan ng kapitalismo sa usaping ito – kundi ang paunlarin ito sa pagpapanday nito sa hinaharap.
Makikita sa sanaysay ni Guillermo ang buong-buhay na pag-aaral, sa teorya at praktika, ng sining at kultura. Malalaman natin ngayon na maagang bahagi ng naturang pag-aaral ang pagsapi niya noong 1959 sa Student Cultural Association of UP o SCAUP, na kilala sa mga talakayan sa mga sulating Marxista-Leninista.
Bilang indibidwal, bihira sa mata ng publiko si “Ma’am Alice.” Paminsan-minsan lang siyang makitang naglalakad sa kampus o nagsasalita sa mga pagtitipon. Sinisikap mang palalimin ng mga aktibista ang pagkilala sa mga ideyang binuo at pinalaganap niya, hanggang sulyap lang ang pagkilala sa kanya bilang tao.
Kakatwang siyang walang takot pumaksa sa rebolusyon at maging armadong pakikibaka ay isa palang taong ni hindi makabasag ng pinggan sa pagsasalita at pagkilos. Siyang tila kabataan sa pagkakampeon ng rebolusyon ay may edad na pala. Siyang maliit na babae ay tinatawag ng Communist Party of the Philippines na “isa sa mga higante ng kilusan ng rebolusyunaryong pangkultura ng Pilipinas.”
Pumanaw si Ma’am Alice sa panahong maraming kabataang manunulat at alagad ng sining, estudyante at intelektwal, ang namumulat at nakikisangkot dahil sa kabulukan ng namamayaning sistema na lalong pinapatampok ng rehimeng Duterte.
Ligalig ang mga manggagawa, magsasaka at maralitang lungsod; lumalawak ang mga protesta sa mga unibersidad; maingay at matalas ang seksyon ng social media na tinatawag na “woke”; galit at kumikilos ang maraming manunulat at alagad ng sining; at tampok sa mga protesta ang mga effigy, sining-biswal at mga katulad.
Patuloy na dumarami ang mag-aaral ng mga sulatin ni Guillermo at hihimukin ng mga itong magtagal at mag-ambag sa pakikibaka. Pumanaw siya pero mananatiling buhay ang kanyang mga ideya at rebolusyunaryong diwa.