Araw-araw, ang mga dampa at sabsaban ng mga dukha sa nayon ay dinadalaw ng mga magagandang balita na hatid ni Ginang Maynila. Dahil kalakhan nama’y sawa na sa labis na karalitaan, pinaglalaanan n’yo s’ya ng panahon lalo pa’t taglay n’ya ang pinakamataas na pangako ng lipunan- pagyaman. Sapagkat sa gaya n’yang lungsod, marami at gaya sa dagat ang pagkakataong makaipon ng kwarta. At dahil sa labis na galak – at malamang pagkasawa sa palaging ulam na tuyo, asin, mantika at alamang- ay tumugon sa paanyaya ng ‘mahabagin’, ‘mapagmahal’, ‘busilak’ at ‘matulunging’ ginang.
Nang siya’y lumisan ay tangay n’ya ang inyong mga Eba at Adan at wala kayong nagawa kundi ihatid na lamang sila sa pamamagita ng inyong kumukulo’t mainit na luha at puno ng tigalgal na panalangin sa kung sinu-sinong pintakasi ng mahal n’yong bayan. At iyon ang huling pagkakataon na inyong nakita, si Eba at Adan, na buhay at masigla. Uumpisahan n’yong bilangin ang mga araw, linggo, buwan at taong lumilipas. Kayo’y umaasa na balang araw, paggising n’yo sa umaga’y ang unang makikita ng inyong gutom at uhaw na mga mata’y ang pagbabalik ni Eba at Adan. Subalit hindi. Hindi na ito mangyayari.
Magsisimula na kayong mahinala at makiusisa. Gagambalain ang inyong bawat gabi ng mga katanungan. Nasaan na kaya sila? Kumusta na kaya sila? Paano na kaya sila? Uuwi pa kaya sila? Nakalimot na ba sila?
Hindi n’yo alam, naroon si Eba. Sa isang kasa. Sa isang sulok na kalye ni Ginang Maynila. Humantong sa pagpuputa. Minsan, sa Ermita. Minsan, sa Dibisorya. Minsan, sa Malate. Minsan, sa Quiapo. Pero madalas, sa Luneta. Kung sinu-sinong animal ang pilit kinatalik. Nilapa ang kanyang suso, leeg, labi at puwet. Lahat. Pati ang kanyang hiyas. 60-40 ang hatian- 60 kay Eba, 40 kay Ginang Maynila. Wala naman s’yang magawa. Binantaan s’ya na papatayin s’ya ni Ginang Maynila. Nagtangka s’yang sulatan kayo upang sana’y humingi ng tulong subalit ginapi s’ya ng labis na kahihiyan. ‘Di na n’ya ito nagawa. Ang bagsak, sa dasal s’ya kumapit at pangangarap na sana balang araw ay dumating si Adan upang siya’y sagipin sa ubod ng panghi, libog at kasamaang kasa ni Ginang Maynila.
Hindi n’yo alam, naroon si Adan. Sa isang masikip, mainit at mabahong selda ng bilibid. Isang gabi’y kinaladkad s’ya ng mga mamang pulis habang mahimbing na natutulog sa kanyang kariton sa kanto ng Recto at Morayta. Binugbog muna tsaka ipinahawak ang kalibre .38 na baril. Tsaka pilit pinaaming tulak ng iligal na droga. Sa labis na takot at hirap na inabot sa kamay ng mga Tagapagligtas, napaamin s’ya. Walang araw at gabing lumipas na siya’y umasa at nangarap na sana balang araw, malaman at mabisita siya ni Eba sa piitan ni Ginang Maynila.
Hindi n’yo alam na isa ito sa maraming nagaganap.
The post Mabangis At Mapanlinlang Na Lungsod appeared first on Manila Today.