Mabuti pa ang saging may puso

0
225

Nitong ika-28 ng Nobyembre ay nagtayo ng kampuhan ang mga manggagawa ng SUMIFRU sa Mendiola. Sila ay galing pa sa Compostela Valley sa Mindanao. Nag-Lakbayan sila dito sa Maynila dahil ang tunay na kalagayan nilang manggagawa sa ilalim ng SUMIFRU ay hindi makatarungan.

Iginiiit ng mga manggagawa ang karampatang sahod at pagiging regular sa kanilang trabaho. Sila din ay nagkaisa sa panawagan na itigil na ang Martial Law sa Mindanao dahil wala itong maganda idinudulot sa kanila at ito’y nagpapaigting lamang ng pananamantala sa kanila dahil sa militarisasyon at diumano’y kawalan nila ng karapatang magwelga o magprotesta sa ilalim ng Martial Law doon.

Hinaing ng mga manggagawa, ang DOLE at lokal na pamahalaan doon sa Mindanao ay hindi pumapanig sa kanila, hindi pinapakinggan ang kanilang mga hinaing at pumapabor lamang sa malalaking kapitalistang kumpanya.

Sa napakaraming opisinang kanilang pinuntahan at pinaabutan ng kanilang hinaing laban sa kapitalistang ganid na SUMIFRU ay hindi man lang sila pinakinggan, ni hindi binigyang aksyon ang kanilang iginigiit kaya naglunsad sila ng welga, at ngayo’y tumungo sa Maynila para itambol ang panawagan.

Si Nanay Melody Gumanoy, 42 taong gulang, ay kasapi ng Unyon na Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (NAMASUFA). Siya ay nagtratrabaho sa ilalim ng korporasyong Sumifru. Isa siyang kilos rekorder. Nagre-rekord siya ng kilos ng mga manggagawa.

Ani Nanay Melody, kanilang hindi sapat ang mga ‘safety equipment gears’ ay pangprotekta sa kanilang mga manggagawa lalo pa’t may mga kemikal na ginagamit doon sa plantasyon.

“Kami ay nanalo na sa Omega na kemikal. Masama talaga sa puso at yung amoy ay hindi ka talaga makakahinga, kaya kami ay nagkaisa na mawala ang Omega. Napagtagumpayan namin pero pinalitan din ng iba, pero ganon pa din. Kemikal pa din,” kwento ni Nanay Melody.

Ang minimum na oras na pagtratrabaho nila ay 15 hours. Minsan, lalagpas pa rin iyon, depende sa aanihin nilang saging kapag hindi pa ito nauubos kaya lumalagpas sila sa oras.

Apat na araw sa isang linggo ang kanilang pagtratrabaho. Ang kanilang sweldo ay depende sa oras. Ang P365 na kanilang minimum na sweldo ay hindi pa sapat dahil siya ay may pamilya, lalo na’t tumaas ngayon ang mga bilihin dahil sa train law.

Siya din ay tagapili o taga-tingin ng produkto kung maganda ba o maayos ang kalidad. Siya din ang nagtatanggal ng reject na saging. Ang mga reject ay tinatapon, yung ibang reject ay dinadala dito sa Maynila at binebenta sa mga pamilihan. Pero ang mga good quality ay iniexport lahat sa iba’t ibang bansa, tulad sa mga bansa sa Middle East, Korea, Japan, New Zealand, atbp.

Mas lalo pang humirap ang kanilang kalagayan noong naglunsad si Duterte ng Martial Law sa Mindanao.

“Walang maganda naidudulot sa amin ang Martial Law doon sa Mindanao lalo pa sa mga manggagawa lalo na’t kami ay miyembro ng Kilusang Mayo Uno kami ay nire-red tag na supporter ng NPA,” ani ni Nanay Melody.

Siya at ang kanyang mga kasama ay nakaranas na ng pananakot at harassment sa kanilang unyon lalo na sa mga upisyal nito. Binabahay-bahay sila at hinahanap kung nasaan sila kaya bihira lamang sila na lumagi sa kanilang mga tahanan. Nakaranas din mismo si Nanay Melody ng paninitiktik noong siya ay pauwi na sa kanilang bahay noong Agosto 30.

“Inabangan ako ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo doon sa daanan malapit sa aming bahay. Nakita ko na may nakatingin sa akin na mula ulo hanggang paa talaga! Lumagpas ako ng konti narinig ko na sinabi ng isang lalaki na ‘siya na yun!’ kaya tumakbo ako sa bahay ng kapitbahay namin,” kwento ni Nanay Melody.

Dahil sa kalagayan ng mga manggagawa sa SUMIFRU, hindi nila maiwasang gamitin ang isang kakatwang linya: mabuti pa ang saging may puso, ang SUMIFRU wala!

Panawagan ni Nanay Melody ay tapusin na ang Martial Law sa Mindanao at iyong papatinding militarisasyon doon. Nais din nilang makamit ang karampatang sahod at pagiging regular sa kanilang trabaho at itigil na ang pananamantala sa loob ng pabrika.

“Dapat tayo ay magkaisa, magtulungan para malaman natin ang kalagayan na nararanasan ng mga manggagawa. Para malaman din natin kung anu-ano ang mga nangyayari sa kanila doon sa Mindanao lalo na may Martial Law. ‘Wag matakot na lumaban sa kung ano ang tama. Lumaban hanggang sa tagumpay!” mensahe ni Nanay Melody.

The post Mabuti pa ang saging may puso appeared first on Manila Today.