Makabayang sipat sa Makabayan Slate

0
277

Noong Marso 3, inanunsyo ng Koalisyong Makabayan ang siyam na kandidatong senador na ineendorso nito. Nangunguna syempre ang kandidato nitong si Neri Colmenares, aktibistang abogado at mambabatas sa mahabang panahon.

Kasama rin ang mga kandidato ng Liberal Party na nakilala na dahil sa matapang at mahusay na pagtuligsa sa rehimen ni Rodrigo Duterte: sina Chel Diokno, Samira Gutoc, at Erin Tanada. Kasama rin si Florin Hilbay, kahit kilala siyang tagapagtanggol ng rehimen ni Noynoy Aquino. Isang bungkos sila kasama ni Colmenares dahil sila ang nasa unahan ng pagtuligsa ngayon sa rehimeng Duterte.

Pero kasama rin ang ilang kilalang pulitiko: Bam Aquino, Nancy Binay, Serge Osmena at Grace Poe. Lahat sila, pana-panahon sa nakaraan, ay nakipagtulungan na sa Koalisyong Makabayan sa iba’t ibang isyu — bagamat hindi konsistent.

Bakit sila ineendorso ng Koalisyong Makabayan? Malinaw ang dahilan sa pahayag nito: pagkakaisa sa mga batayang kahilingan ng mga mamamayan sa ilalim ng rehimeng Duterte. Pagbasura sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law at paglaban sa Charter Change (Cha-cha). Respeto sa kababaihan, karapatang pantao, at karampatang proseso. Soberanya sa West Philippine Sea. Usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front.

Sa pangkalahatan, katanggap-tanggap ang hanay, dahil walang malapit kay Duterte. Lahat, sa minimum ay pana-panahong tumataliwas sa kanya, kung hindi man tumutuligsa. At lahat, handang makipagtulungan sa Koalisyong Makabayan.

Mula sa perspektibang aktibista, madaling makita na iyung mga kilalang pulitikong nabanggit ay hindi matatag at tuluy-tuloy na tumindig sa lahat ng nabanggit na isyu sa nakaraan. Posible rin na hindi sila matatag at tuluy-tuloy na tumindig sa lahat ng isyung nabanggit sa hinaharap. Ganyan naman ang malalaking pulitiko sa kasaysayan ng bansa; walang dahilang umasa sa kanila.

Pero bakit ba sila lumalapit sa Koalisyong Makabayan? Maraming dahilan, pero dalawa muna: Una, patunay ito ng tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri. Hindi mapagbigyan ng dominanteng paksyon ni Duterte ang lahat — sa posisyon sa gobyerno at pang-ekonomiyang pakinabang. Kailangan ng mga nae-etsapwerang paksyon ng kaalyado para sa mga taktikal na layunin, pati eleksyon.

Ikalawa, dahil makabuluhang pwersang pampulitika ang pambansa-demokratikong Kaliwa sa Pilipinas. Kapag eleksyon, makikitang hindi totoo ang sinasabi ng ilang intelektwal at grupo: na lipas na at mahina ang Kaliwa sa bansa. Maraming pulitikong gustong ma-endorso ng Kaliwa. Marami pa ngang nagpapanggap na maka-Kaliwa — patunay ng pagkakaisa ng Kaliwa at ng masa.

Pero bakit sila tinatanggap ng Koalisyong Makabayan? Dahil dalawa lang ang pwedeng gawin ng Kaliwa sa bawat pagsisikap — sa pagpapatalsik man ng pangulo o paglulunsad ng kampanya o pagpapanalo sa eleksyon: ang makipagkaisang-prente o hindi. At sa pakikipagkaisang-prente sa isang taktikal na layunin at yugto, hindi makokontrol ang gagawin ng alyadong pulitiko habang at pagkatapos.

Pero tuluy-tuloy ang kilusang masa, at tuluy-tuloy ito sa pagtuligsa sa gawaing masama, kahit pa naging alyado ang gumawa. Tuluy-tuloy rin naman ito sa pagsisikap na paunlarin ang mga napagkaisahan sa mga alyado. At malinaw ang Kaliwa: hindi nakikipag-alyado sa mga pinakabulok, sa mga Marcos at Gloria Macapagal-Arroyo; konsistent ang Kaliwa sa pamumuno sa pagtuligsa sa kanila.

Isang masigalot na halimbawa: pakikipag-alyansa ng Koalisyong Makabayan kay Manny Villar sa eleksyong 2010. Sinikap noong kausapin si Noynoy Aquino, pero siya ang tumanggi; samantalang si Villar, nag-alok ng pagkakaisa. Nangako siya sa Makabayan na papanagutin si Arroyo, pero hindi niya tinuligsa noong kampanya. Inalyado rin niya si Bongbong Marcos noon at ngayon ay dikit siya kay Duterte.

Malinaw: hindi makokontrol ng Koalisyong Makabayan ang gagawin ng alyado nito. Pero sa panahong iyun, sa kalagayang ni ayaw humarap sa pakikipag-usap ni Noynoy Aquino, ano ang pagpipilian nito? Ang tumakbo nang solo, walang taktikal na alyado? Talo sa eleksyong iyun ang mga kandidatong senador ng koalisyon, pero tiyak na mas mahina pa ang kampanya nito kung hindi nakipag-alyado.

Si Lenin ang gurong Marxista na maraming isinulat kaugnay nito. Tungkol sa paglahok sa reaksyunaryong eleksyon at parlamento — at tinanggap ni Georg Lukacs, isang pilosopo, ang puna tungkol rito. Tungkol sa pagiging ultra-Kaliwa ng hindi paglahok. Tungkol sa pakikipag-alyansa sa mga paksyon ng naghaharing uri — kahit pansamantala, papaling-paling at oportunista ang mga ito, at iba pa.

May maganda siyang sinabi minsan: “Sinuman ang umaasa sa ‘purong’ rebolusyong panlipunan ay hindi kailanman makakakita ng gayon sa kanilang buhay. Ang ganoong tao ay nagpapabalat-bunga tungkol sa rebolusyon nang hindi nauunawaan kung ano ang rebolusyon.” Masalimuot na teorya-at-praktika ang rebolusyon: ugnayan ng Marxistang prinsipyo at ng mabunga sa pulitika.

Mayroon ding mga nagtatanong, kung hindi man nagpapahayag ng diskuntento: bakit hindi inendorso ng Koalisyong Makabayan ang mga kandidato ng grupong Labor Win? Hindi ba’t mas matatag sa nabanggit na plataporma ang mga lider-manggagawang sina Sonny Matula, Ernesto Arellano, Allan Montano, at Leody de Guzman? Hindi ba’t nakasama na sila sa mga rali laban kay Duterte?

Hindi ko alam ang eksaktong paliwanag ng Koalisyong Makabayan, at nagpahayag na itong handang dagdagan ang inendorso. Pero ito ang masasabi ko: mayroon nang alyansang Labor Win, kung saan nakapaloob si Colmenares. Pag-abante na ito mula sa nakaraan, na hindi nagkakaisa ang naturang mga grupo kapag eleksyon. Nitong Mayo Uno 2018 lang sila nagsama-sama sa isang mobilisasyon.

Masalimuot ang kasaysayan ng mga organisasyong sumusuporta sa Koalisyong Makabayan, tampok ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at ng ilang grupo sa Labor Win, tampok ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino. Ang pangkalahatang tunguhin sa hinaharap ay pagkakaisa. Pero ang pinagmulan ay matinding tunggalian. Sa ngayon, ito ang inaabot ng pagkakaisa; hindi na masama.

Makukwestyon ba ang pagiging prinsipyado at progresibo ng Makabayan dahil dito? Sobra naman! Mas may batayang magtiwala sa koalisyon at mga bumubuo nito kaysa husgahan ito batay sa eleksyon. Mahalagang paalala: sekundaryang porma lang ito ng pakikibaka; mas mahalaga ang kilusang masa. Magmumula lang ang ganitong husga sa taimtim ang sampalataya sa bulok na eleksyon sa bansa.

Masalimuot man ang sekundaryo, malinaw kung nasaan ang progresibo.

05 Marso 2019