Makatwirang laban sa NutriAsia

0
283

Habang sinusulat ang artikulong ito, patuloy ang tensiyon sa piketlayn ng mga manggagawa ng NutriAsia Marilao Plant. Ginigiit ng mga manggagawa ang karapatan nila. Pinakatan naman sila ng mga pulis mula sa Marilao at Provincial Police.

Pumuwesto ang mahigit 50 pulis sa paligid ng pabrika. Nagtatag din sila ng mga tsekpoint sa mga daanan papunta roon. Pinipigilan kahit ang mga mamamahayag at tagasuporta ng mga manggagawa na makalapit sa piketlayn.

Mismong hepe ng Marilao Police, isang PSupt. Ricardo Pangan, ang nanguna sa pag-atake sa mga manggagawang nakawelga, alas-11 ng gabi noong Hunyo 3. Tatlong manggagawa ang nasaktan. Nanutok pa ng baril sa mga manggagawa si Pangan.

Samantala, tuloy ang pagbuhos ng mga tagasuporta sa piketlayn. Katuwang sila sa paggiit ng mga manggagawa sa kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho.

Katarungang panlipunan

Kilala ang NutriAsia bilang kompanyang lumilikha ng mga pampalasa ng pagkain gaya ng Datu Puti suka at toyo, Mang Tomas All-Around Sarsa, Golden Fiesta at Happy Fiesta Cooking Oil, at iba pa.

Ginagawa ang mga ito sa pinkamalaking planta sa Marilao, Bulacan. Tinatayang P27-Milyon kada araw ang kinikita ng kompanya. Sa 1,500 manggagawa, umaabot sa 100 lang ang regular at lagpas kalahati naman ang kababaihang manggagawa sa loob ng pabrika. Kalahok sila sa produksiyon ng bottling, packing at operation ng mga makina.

“Kagaya ng maraming pabrika ngayon, halos 90 porsiyento ng mga manggagawa sa Marilao Plant ng NutriAsia ay kontraktuwal at dumaranas ng matinding kondisyon sa paggawa,” pahayag ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia, Inc.

Sa pamamagitan umano ng mga ahensiya, naipagkakait sa kanila ang tamang pasahod, seguridad sa trabaho at mga benepisyo. “Hindi pa rin kami regular at nagtitiis pa rin ng minimum na sahod o P380 kada walong oras. Marami sa mga kasamahan namin na naaksidente sa loob ng pabrika ay tinatanggal nang walang nakukuha para palitawing ‘zero accident’ ang rekord ng kompanya,” ayon pa sa naturang samahan.

Dahil sa mismong mga pang-aaping ito kaya natulak ang mga manggagawa na magkaisa sa isang samahan. Nagsampa ang unyon ng petisyon sa Department of Labor and Employment para inspeksiyunin ang naturang planta ng NutriAsia. At totoo nga: nagpag-alaman ng DOLE na ilegal na nag-eempleyo ng mga kontraktuwal ang
kompanya.

“Pero imbis na kilalanin ng unyon, tinanggal ang lima sa aming opisyales habang patuloy ang pananakot na tatanggalin ang lahat ng kasali,” sabi pa nila. “Ginagawang krimen ng NutriAsia ang pag-uunyon, samantalang isa itong karapatan na naaayon sa Saligang Batas at Labor Code.”

Dahil sa mga banta sa kanilang unyon, nagpaputok ng welga ang mga manggagawa noong Hunyo 2. Ang mitsa: imbis na ipatupad ang utos ng DOLE, nagawa pa ng kompanya na magtanggal ng 50 manggagawang miyembro ng unyon.

Magmula noon hanggang sa pagkakasulat ng artikulo, tuluy-tuloy ang pagdeploy ng pulisya para takutin ang mga manggagawa. “Ito’y matapos matagumpay na maparalisa ang produksiyon at distribusyon ng kompanya,” ayon sa unyon.

Hinihiling ng mga manggagawa ang suporta ng mga kapwa nila manggagawa, at ng mga mamamayang nagnanais ng katarungang panlipunan.