Manggagawa, naniningil na

0
260

Nanggagalaiti ang mga manggagawa sa deklarasyon ng Philippine Statistics Authority – at sinegunduhan ng Malakanyang – na kailangan lang ng isang pamilyang may limang miyembro ng P10,481 kada buwan para mabuhay.

“Isang malaking biro, at hindi nakakatawa!” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Pinamumukha nitong ‘OK lang ang lahat’ kaya di na kailangan ng taas-sahod dahil mas mataas naman ang minimum na mga sahod sa minimum threshold (na P10,481),” sabi naman ni Raymond Mendoza, tagapangulo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Nagkakaisa ang mga grupo ng mga manggagawa na hindi makatotohanan ang inilabas ng PSA na pag-aaral kuno hinggil sa poverty threshold o hangganan ng kahirapan sa Pilipinas ngayon. Para sa kanila, pulitikal ang motibo ng paglabas ng naturang “pag-aaral”: Para kontrahin ang lumalakas na panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, at ang panawagan para sa pambansang minimum na sahod o National Minimum Wage na P750 kada araw sa pribadong sektor at P16,000 buwanan sa lahat.

Anila, madali lang ipakitang hindi malayo sa sapat ang P10,481 na buwanang sahod para sa pamilyang may limang miyembro: Pumunta lang sa palengke, at mamili ng pagkain ng limang katao sa halagang di-tataas sa P350 o P70 para sa isang tao sa isang araw. Wala pa riyan ang nonfood items, o mga gastusting hindi pagkain, tulad ng pamasahe, bayad sa mga serbisyo (pag-aaral, pagpapagamot, pabahay, at iba pa).

Walang duda, anila, malayo sa sapat ang naturang halaga para sa mga manggagawa at pamilya nila.

Pambansang minimum na sahod

Kaya naman, pinaiigting na ng KMU ang kampanya nito kaugnay ng dagdag-sahod, bago ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

“Nagbigay ng pabuya si Pangulong Duterte sa mga negosyo ng US at Tsino, pero hindi pa siya nagbibigay ng makabuluhang dagdag sahod bago ang Araw ng Paggawa sa ilalim ng kanyang termino,” sabi pa ni Adonis.

Malayo pa sa iginigiit ng PSA, ang panukala nilang pagtakda ng P750 na pambansang minimum na sahod mula sa P537 (sa National Capital Region) ang signipikanteng makakaangat sa kakayahan ng mga manggagawa na makaagapay sa pang-araw-araw na gastusin.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, umaabot ang tinatawag nitong family living wage (o nakabubuhay na sahod ng isang pamilyang may limang miyembro), sa P1,004 sa isang araw. Sa 22 araw na may sahod sa isang buwan, kailangang kumita ang isang manggagawa ng P22,088 kada buwan para mabuhay ang pamilya nang disente.

“Kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro ng P1,004 (sa isang araw) para mabuhay nang disente. Humihingi lang kami ng 75 porsiyento ng halagang ito. Mapapakain lang ng P750 (kada araw) ang mga manggagawa nang tatlong beses sa isang araw,” sabi pa ni Adonis.

Wala umanong dahilan para hindi obligahin ng gobyerno ang mga kapitalista na umayon sa dagdag-sahod. Tutal, tumaas naman ang produktibidad ng mga manggagawa. Sa Metro Manila lang, mula 2009 hanggang 2017, tumaas mula P456,059 tungong P614,297 kada manggagawa ang produktibidad ng bawat manggagawa.

Ibig sabihin, umaabot ng 35 porsiyento ang iniangat ng produktibidad ng mga manggagawa sa NCR. Pero 11 porsiyento lang ang itinaas ng minimum na sahod sa parehong panahon. Suma total, kumita ang mga negosyo sa NCR noong 2015 ng P905-Bilyon.

“Kalakhan ng yaman na nalilikha natin ay napupunta sa kaban ng malalaking negosyo, samantalang mumo lang ang nakukuha ng mga manggagawa. Hindi lang sa makakatulong ang hiling nating P750 pambansang minimum na sahod sa pagtugon sa matataas na presyo ng batayang mga bilihin, makakalapit din ito kahit papaano sa makatarungang bahagi ng produkto ng aming paggawa,” sabi naman ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Isa pa, paliwanag pa ni Labog, halos hindi naman nasasaling ng naturang dagdag-sahod ang kita ng mga employer. Ang P750 minimum na sahod ay nangangahulugan lang ng P132-B sa mga employer, o 14.6 porsiyento ng kinikita nila, sabi pa niya.

“Kumpara sa 35 porsiyentong labor productivity growth, napakaliit lang ng 14.6 porsiyento sa kanilang kita na ibibigay sa talagang nagtrabaho para lumago ang kanilang negosyo,” paliwanag pa ni Labog.

Kontraktuwalisasyon

Mahigpit na kaugnay ng panawagan para sa pambansang minimum na sahod ang matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawa na pagbasura sa kontraktuwalisasyon.

Ito ang isa sa mga susing pangako ni Pangulong Duterte sa mga manggagawa noong maupo sa poder noong 2016: ang ibasura ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon, hindi lang ang labor-only contracting, na ilegal na sa kasalukuyang Labor Code.

Ito rin ang nagbigkis sa mga grupo ng mga manggagawa tulad ng KMU at Nagkaisa! (kung saan miyembro ang TUCP, Sentro at Federation of Free Workers) para maglunsad ng mga aktibidad para ipresyur ang rehimeng Duterte na tupdin ang pangako.

Susi ang pagbasura sa lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon sa pag-angat sa kabuhayan ng mga manggagawa. Sa pamamagitan umano ng pagtitiyak ng security of tenure ng mga manggagawa, mas may tsansang marerespeto ang karapatan nitong magkaroon ng di-bababa sa minimum na sahod, magkaroon ng mga benepsiyong kinikilala sa batas, lumahok sa mga unyon para igiit ang mga karapatang ito, at iba pa.

Pero halos tatlong taon sa poder, hindi pa rin tinupad ni Duterte ang mga pangako niya sa mga manggagawa.

“Hanggang ngayon, hindi pa tinutupad ni Duterte ang mga pangako nito sa mga manggagawa, (at) nagpokus pa sa pakikipagmabutihan sa malalaking negosyo, lalo na sa Chinese investors at lokal na mga partner nito,” sabi ni Labog. “Napapanahon na para gumawa ng hakbang si Duterte para sa mga manggagawang Pilipino at mga pamilya nila – hindi niya ibinasura ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon; ang pinakaminimum na puwede niyang gawin ay mag-utos ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa.”

Batay sa hiling na ito, muling magkakaisa ang mga grupo ng mga manggagawa para magprotesta sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa Mayo 1. Ipagpapatuloy nila ang makasaysayang pagkakaisa ng mga manggagawa na nasimulan noong nakaraang taon para itulak ang pagkakaroon ng isang batas na papawi sa kontraktuwalisasyon. Nasa proseso na rin para mabuo ang pagkakaisa ng mga grupo para manawagan ng makabuluhang dagdag-sahod.

Anila, kung hindi pa rin tupdin ni Duterte ang pangako niya, tiyak na makakatikim siya ng matinding galit ng mga manggagawa at mamamayan.