Mapapalad ba ang may panginoon?

0
202

Mapapalad ba ang may panginoon?

Sabi nya sa akin, mapalad ang walang panginoon,
Mapalad ang mga taong walang pinaghahandugan ng alay na mula sa kanilang mga inani.
Mapalad ang mga taong walang panginoon na siyang pinag-iimbutan ng mga lupang bubungkalin.
Hindi nila kailangan isipin ang bagong umaga.
Bitbit ang pangarap sa kinabukasan,
Tangan-tangan din ang hirap at hinagpis,
Mga poot at pagmamalabis.
Mapalad siyang walang pinagsisilbihan,
hindi kailangang alahanin kung may piging na sa
lamesa ang mga pinaghahandugan.
Mapalad silang walang ginagawa pero limpak na sagana ang natatamasa.
Mapalad silang sinasamba’t hinahalikan ang mga paa.
Wala naman akong ginagawang masama,
Patuloy akong naghahandog sa kanila
Patuloy sumasambit ng mga usal at dasal kahit ‘di ko alam kung may nakakarinig o nakakakita.
Patuloy na naniniwala sa kapalaran kong sila ang tumakda
Patuloy na sinusunod ang utos, dahil latay ang para sa lumalabag sa kanila.
Silang pinagpala, ‘di nila kailangang gumawa,
Di nila kailangan tiisin ang panunuyo ng balat
At siyang pagkalabit ng sikmura sa umaga.

Nagtatanim ng tubo,
ngunit walang asukal ang kape,
mapait man ay mulat pa rin.
Siyang pagiging uhaw sa pag-asa,
Uhaw ang lupa ngunit mas uhaw ang kalamanan, tinuyo nang pananamantala.
Siyang pagod mula umaga
hanggang sa di namalayan na bukang liwayway na,
Walang oras ang trabaho,
walang oras para hindi magtrabaho.

Silang panginoon, aking sinasamba
Silang may hawak ng buhay,
Hawak nila ang lupa, hawak din ang hininga
Matagal mo nang hinukay ang para sa katawang hinog sa abuso.
Inaani ang pananakit at walang habas na pananamantala.
Magdasal daw ako para sa pagpapala,
Sambahin sila kung takot sa bala.
Silang panginoon, ang dapat masunod
Sila ang magtatakda ng buhay,
Ilalagak ka sa hukay ng iyong puntod.

Kaya kung tatanungin ako kung mapapalad nga ba ang may panginoon?
Hindi ko sigurado. Basta hiling ko lang ay ang kalayaan at hustisya ngayon.

The post Mapapalad ba ang may panginoon? appeared first on Manila Today.